lagas

Matagal na pinagmamasdan ni Leo ang kanyang inang natutulog.  Paminsan-minsan ay umuungol ito.  Umuusal ngunit hindi maintindihan ni Leo ang kahulugan ng sinasambit ng ina.

Salitan sa pagbabantay sina Leo at ang kanyang mga kapatid. Tig-walong oras ang bawat isa sa kanila ngunit madalas ay nagpapang-abot ang kanilang mga relyebo.  Halos ayaw na ni Leo na iwanan ang ina ngunit kailangan din niyang umuwi at magpahinga, maligo at tingnan ang kanyang pamilya.  Malaking pasalamat niya kay Myra dahil ang kanyang asawa ang pansamantalang namamahala sa kanilang bahay at munting negosyo habang inaasikaso naman niya ang ina.

Medyo malakas ang andar ng bentilador sa kuwarto. Sapat upang maibsan ang tumitinding init ng panahon.  Pinawi ni Leo ang namumuong pawis sa mukha ng ina.  Bahagyang napakislot si Aling Ester.

Kumuha si Leo ng wet tissue at idinampi-dampi ito sa mukha ng ina.  Nang gumalaw at marahang tumagilid si Aling Ester, tumigil si Leo.  Inayos na lamang niya ang pagkakapuwesto ng malambot na unan at manipis na kumot.

Unti-unting dumilat si Aling Ester at inaninaw kung sino ang nasa silya sa tabi ng kanyang higaan.

“Leo, nauuhaw ako.” Gustong bumangon ni Aling Ester pero nahihirapan siya.

“Ma, huwag mo nang pilitin at baka mahilo ulit kayo.” Mabilis na ibinaba ni Leo ang binabasang lumang pahayagan at tumayo mula sa kinauupuan.

Kinuha ni Leo ang isang plastic cup at naglagay ng tubig mula sa pitsel galing sa ref.  Naglagay siya ng straw at dahan-dahang inilapit sa bibig ng ina.

Sumipsip ng konti si Aling Ester, tsaka tumigil at nagsabing, “Okay na. Salamat.”

Ngumiti si Leo. Inilagay niya ang nagamit na baso sa taas ng ref.  Naglagay si Leo ng konting petroleum jelly sa daliri at pinahiran ang mga nanunuyong bahagi sa bandang labi ng ina.  Nagkakasugat kasi kahit sa marahang paglilinis ng binasang panyo o malinis na face towel kapag natutuyuan.

“Sorry, Leo, ha at wala kayong kapatid na babae,” nangingilid ang luha ni Aling Ester.

“Si Mama talaga. Ang daming iniisip. Si Myra po, Ma, pupunta dito bukas dahil wala siyang pasok.  Isasama niya si Jane. Parang may anak ka na ring babae. At yung apo mo, si Jane, magiging doctor balang-araw.”

Hindi nakipagtalo ang ina, may lungkot sa mga mata.  “Alagaan mong mabuti ang iyong pamilya. Huwag mo silang pababayaan. Hindi ko na makikita ang paglaki ni Jane. Di ko na rin makikita ang kanyang pagdodoktor.”

“Kaya nga magpapalakas kayo, di ba? Mamaya kakain tayo ng manggang ani ni Tatay. Masarap yun. Matamis at malalaki pa. Gawin nating shake kung gusto niyo”  paglalambing ni Leo ngunit alam niya, at alam din naman ni Aling Ester, na hindi na rin nga tatagal ang buhay niya.  May taning na si Aling Ester. Tatlong buwan na lamang. Kumalat na kasi ang cancer cells sa buto at mahirap nang habulin ng gamot maski ng mga panibagong tuklas ng makabagong medisina.

Inayos ni Leo ang pagkakahiga ng ina sa kama.  Umupo si Leo sa tabi, at pinadaan ang mga daliri sa ulo nito.  Hanggang balikat na lang ang dati’y lagpas puwet na haba ng buhok ng ina. Kailangang ipaputol para hindi mainitan ang ina, at para hindi mahirapan sa pagpapatuyo ng buhok kung maliligo ito.

Ramdam ni Leo na gusto ng ina ang hagod ng kanyang pagsuklay gamit ang mga daliri.  Ngunit sa pagtaas ng kamay ni Leo ay may mga hibla ng buhok na sumama o sumabit sa kamay niya. Natigilan siya.

“Bakit?” marahang tanong ni Aling Ester.

“Wala po, Ma.”

“Naiiyak ka ba?  Hindi pa naman ako patay, ah,” sinusubukang magpatawa ni Aling Ester pero may pait ang mga katagang binigkas.

“Hindi po. Napuwing po kasi ako. Yung alikabok galing sa electric fan,” pagtatanggi ni Leo.

Nakita ni Aling Ester na pinagbubuhol ni Leo ang mga nalagas na hibla ng buhok sa kamay niya.  “Huwag kang mag-alala. Normal lang daw yan sabi ni Dr. Marquez.  Dahil sa mga gamot ko. Matapang daw kasi kaya ganyan,” paliwanag niya.

Pinipigil ni Leo ang pagluha at napalunok siya. Walang lumabas na salita sa bibig.

“Oo nga daw po,” sa wakas ay nasabi niya. Gumagaralgal ang kanyang boses. “Siguro po dahil din sa init ng panahon. Umaayon na rin po ang inyong katawan.” Hindi naiwasang mapabuntong-hininga si Leo.

Napaiwas ng si Aling Ester pero muling tiningnan si Leo. “Naalala ko noong maliit ka. Yung una mong gupit.  Ayaw mo pagupit noon. Pinilit kita. Dinala kay Mang Berting, dun sa kabilang kanto. Wala kang magawa. Iyak ka ng iyak. Kaya kita pinakalbo para dina mahirapan si Mang Berting.” Patigil-tigil si Aling Ester, napapangiti sa naaalalang lumipas.

“Opo, panay nga po ang tukso sa akin noon. Kalbo ang tawag sa akin sa school at maging ng mga kalaro ko sa mga kapitbahay,” pagtutuloy ni Leo sa kuwento ng ina.

“Pero panay ang shampoo mo kahit kalbo ka na. Inubos mo yung shampoo nung anak ni Pepe.”

“Ah oo. Si Karen po. Tumira nga po pala sila dito noon. Natatandaan niyo pa ha? Nasa States na po siya ngayon. Nakapag-asawa ng foreigner.”

“At panay lagay mo pa ng pomada ng lolo mo. Kaya ka napagalitan.” Natatawa na si Aling Ester.

“Haha at tinago nga ni Lolo. Hayun, yung lana sa garapon ang inilagay ko sa ulo ngunit nung malanggam ang ulo ko dahil sa natira palang latik, tumigil na ako.”  Masaya si Leo na sumasaya ang kanyang ina.

“Haha, sumunod panay gel ka na. Teka naka-gel ka pa rin ngayon?”

“Opo.”

“Maski semi-kalbo ka na?”

Tumango na lang si Leo. Gusto niyang ipagkaila na naka-gel siya maski semi-kalbo ang gupit niya.

“Kita mo, gusto mo rin palang ganyan ang gupit mo!”

“Presko po kasi.”  Nangingiting sabi ni Leo. Napansin ni Leo ang kumukonting buhok ng ina, sana’y naprepreskohan din ang kanyang ina.

Maya’t maya’y pumikit muli si Aling Ester para makapagpahinga. Nagdasal si Leo para sa tuluyang paggaling ng kanyang ina. Dinampian ni Leo ng halik sa noo si Aling Ester at binulungan malapit sa tenga nito, “Maraming salamat po, Ma.  Mahal na mahal ka namin.”

Hindi na napigilan ni Leo ang pagpatak ng luha sa kanyang pisngi. Pinunasan na lang niya ito gamit ang likod ng kanyang kamay habang pabalik siya sa kanyang upuan para ipagpatuloy ang pagbabantay.

Previous Post
Next Post
Leave a comment

17 Comments

  1. ang Haba.. Base muna! Ahaha

    Reply
    • Ambilis mo naman kayedee. Isa kang alamat haha. Maligayang pagdating nawa’y magustuhan mo ang bagong post… Hanggang sa muli.

      Reply
  2. hmmm.. ang sad ng story.. mukhang my karugtong ah??

    ahahah.alamat tlga?!! ahaha..

    natagalan ang totoong koment ko kc nag hang c pc! eheheh

    Reply
    • hango sa totoong pangyayari hehehe
      hindi ko alam kung may karugtong. mukhang kaabang-abang ang iyong totoong comment mo. abangan…

      Reply
  3. hi what a sad story naman po, i like your post
    god bless

    Reply
    • Wow! Maraming salamat sa pagdalaw adaytodaylife. Salamat at nagustuhan mo maski malungkot ang kuwento.
      Dalaw po kayo ulit ha? Hanggang sa muli…

      Reply
  4. jason

     /  May 15, 2010

    kakainis.

    naaalala ko yung my sister’s keeper.

    yung time na malapit ng mamatay, tsaka pa sila nagkwentuhan ng… naaalala mo yung time na ganito, tapos magtatawanan, tapos tapos….

    T_T

    Reply
  5. true story? nalungkot naman ako bigla…

    Reply
  6. toni

     /  May 16, 2010

    malungkot pero kailangan nating maging handa at matatag upang magampanan ang paglilingkod hanggang sa huling sandali.

    Reply
  7. Putik ka Tar. Ayoko magkomento.

    Reply
  8. aw! bakit panay malungkot ang nababasa ko?…ayokong maging malungkot…huhu

    Reply
  9. Lungkot eh. Ayan. Komento ko.

    Reply
  10. kaye

     /  May 21, 2010

    ayun, napaiyak na naman ako.

    kuuuu! ikaw talaga. kasalanan mo to!!! alam mo naman mababaw ang luha ko. 😦

    Reply

Leave a reply to taribong Cancel reply