hugis at bilang (at isang panawagan)

Pagkatapos mananghalian sa bahay ng isang ka-meeting ko kahapon ay napagpasyahan ko nang magpahatid sa Megamall.  Pinag-iisipan ko pa kung pupunta pa ako sa opisina o didiretso na lang pauwi.  Higit na nakalalamang ang huli dahil bumabagyo.  Pabugso-bugso ang buhos ng ulan at lumalakas ang hangin.  Sarap damhin ang hampas ng malamig na hangin sa pisngi at ang dampi ng mga patak ng ulan.

Magkatabi kami sa likod ni Enzo, limang taong gulang.  Yung nanay ni Enzo ang nasa harap ng manibela, katabi niya ang lolang naaantok at pilit nilalabanan ang nagbabadyang pag-idlip.

Magulo si Enzo. Pasirko-sirko sa upuan.  Nakita niya ang maliit na Pikachu at pinaglaruan.  Nakita ang nakapatong na laruang daga at pinaglalambitin, minsan nilalagay sa aking kamay at sa aking ulo.  Hiniram ko ang elastic na daga at dinadampi ko ang nguso nito sa katawan ng bata.  Pasirko-sirko pa rin si Enzo sa kinauupuan maski sinasaway siya ng ina at lola.

Kinuha ko ang dalawang gomang nakapulupot sa folder na nasa loob ng aking bag.  Sinubukan kong turuan siya gumawa ng star para matigil siya sa pagsisirko.  Nahihirapan siya dahil maliliit pa ang mga daliri at hindi makontrol ang pag-ikot ng goma. Kung kaya, napunta kami sa tanungan kung anong hugis ang ipinapakita sa kanya.

Bong:  What shape is this?

Enzo: Circle.

Bong: Very good.   Pero pag pahabang ganito, nagiging (si Enzo ay nakatingin lang)….Oblong (nangiti ang bata). O eto, anong hugis?

Enzo:  Square.

Bong:  Galing ah. O eto naman?

Enzo:  Rectangle.

Bong: Ayos hehe. Gimme five!

Malakas ang tunog ng paglapat ng mga palad namin. Halatang nagugustuhan ng bata ang laro.

Bong:  Eto, anong shape ito?

Enzo:  Triangle.

Bong:  Ano naman ‘to?

Enzo: Danamond.

Bong: Diamond. Da-ya-mond. Diamond. Sabihin mo nga ulit?

Tatlong beses na danamond pa rin ang sabi ni Enzo. Nakuha rin niya sa wakas ang tamang pagbigkas sa diamond.

Bong: O heto ulit.  Ano ito?

Enzo: Triangle.

Bong: Ano naman ito?

Enzo:  Rectangle.

Bong: Rectangle nga. Pero may ibang tawag pa sa kanya. Isa siyang, trapezoid. Sabihin mo nga?

Nakuha ni Enzo na bigkasin ng tama ang trapezoid. Natuwa ako sa kanya habang ang lola at ina ay nahalata kong nakikinig sa aming usapan.

Bong:  Ang trapezoid ay parang rectangle din.  Yung triangle kanina, tinapyas ang ulo; at ang natira sa ilalim ay ang trapezoid, parang rectangle na nakabukaka.

Natawa si Enzo sa nakabukaka. Inulit pa niyang sinabi “Nakabukaka. Trapezoid.”

Bong:  Eto, ano naman ito?

Enzo:  Diamond.

Bong: Ayos na ang tawag ah.  Diamond nga!  Pero may isa pang tawag sa diamond:  rhombus.

Enzo:  Rhombus.

Bong:  Tama, rhombus.  Heto, ano ulit ito?

Enzo: Star.

Bong: Tama! Galing ah.

Gusto ko pa sanang sabihing ang star na iyon ay isang decagon, pero tumitingin sa rear view mirror ang lola, baka hambalusin na ako ng payong na nakalagay malapit sa handbrake. Tumigil na lang ako at bumalik sa pagsisirko sa upuan si Enzo.

Bong: Marunong ka bang magbilang?

Enzo: Opo. One, two, three, four, five……

Patuloy sa pagbilang si Enzo, hanggang sa umabot ng …

Enzo: …twenty-six, twenty-seven, twenty-eight, twenty-nine, twenty-ten!

Natawa ako. Nadali ni Enzo ang taribong!

*            *            *

Kaibigan, meron lang po sana akong hiling kung iyong mamarapatin.  May malapit akong kaibigan na halos magkapatid na ang aming turingan, nangangailan lang ng konting tulong. Heto ang mensahe niya:

This is Atty. Jewel Bulos.  Friend, I am organizing relief assistance/operation for the benefit of my townmates in Burgos, Isabela.  Grabe po ang pinsala sa aming mga bahay at palayan sa Burgos.  I will be grateful for your donation in cash or in kind.  You can also deposit it at: Metrobank SA# 2343234197224.  Please fax the deposit slip at 893-8970.  Thank you so much.

Malayo po ang mararating ng anumang tulong na maibibigay ninyo.

Maraming, maraming salamat po muli.

Lubos na gumagalang,

Bong Tari

*           *            *

Update:  The Burgos Isabela Relief Operation was a huge success.  Thank you everyone!!! 😀

 

Nang Matutong Magsaing Si Jason

Ibinuhol ni Lola Miling ang kurtina sa kuwarto para pumasok ang hangin at ang liwanag ng araw. Bumaling siya ng tingin kay Jason na nakaharap sa computer. Tumingin din ang binatilyo sa kanya.

“Lola, hindi ko po makita ng maayos ang screen.” May pagkabugnot na sabi ni Jason.

Hindi muna umimik ang matanda. Pinagmasdan ang apo, saka siya nagwika, “Jason, apo, maghapon ka na diyan. Hindi ka na tumatayo sa kinauupuan mula pa noong magising ka. Hindi ka na rin nag-almusal. Ano ba inaatupag mo diyan?”

“Dota po.”

“Assignment mo ba yan sa school?”

“Laro po sa computer. Sa internet po.”

“E, mula pa noong Huwebes ka naglalaro sa Dota na yan. Sabi ni mommy mo, naa-adik ka na raw diyan.”

Hindi sumagot si Jason sa tinuran ng lola. Ipinagpatuloy lamang nito ang paglalaro.

Dahan-dahang lumapit si Lola Miling kay Jason. Hinaplos niya ang ulo nito. Medyo napailag ang bata dahil ayaw nitong may humahawak sa buhok niya.

“Jason, nagrereklamo ang mommy mo. Bumababa raw ang grades mo. Hindi ka na rin nakakatulong sa bahay. Yung pinaghigaan mo, ni hindi mo na maayos at ang mga gamit mo sa eskuwelahan, nakatambak na lang sa gilid.”

Patuloy pa rin sa pagpindot sa keyboard si Jason habang nakatutok ang mga mata sa monitor at naririnig ang mahinang ingay mula sa headset na nakasabit sa kanyang leeg.

“Apo, binili yang computer para makatulong sa pag-aaral mo at hindi ka na gabihin sa labas tuwing sabi mo magri-research ka. At para makapag-usap kayo ng Daddy mo sa Saudi. Pero parang napasama yata. Puro ka na lang Dota…”

“Hindi naman po,” pagtatanggi ni Jason na may pagdaramdam sa pakikialam ng lola sa paglalaro niya. Lalo pa’t bumibisita lang ang matanda mula sa Cavite.

“Jason, maaari mo ba akong tulungan na magluto ng kanin sa rice cooker? Tinawagan ko ang mommy mo dahil naubosan na tayo ng LPG.  Gamitin na lang daw natin ang rice cooker.”

“Hindi po ako marunong.” Mabilis na sagot ni Jason.

“Ako rin eh,” mabilis din ang sagot ni Lola Miling.

“Tinawagan ko ulit ang mommy mo, out of reach na siya. Teka, baka merong instructions diyan sa computer. Di ba puwede namang malaman ang kahit na anong bagay mula sa intranet?”

“Sa internet po. Hindi ko po alam kung meron. Baka wala.”

“Subukan lang natin apo. Para hindi tayo gugutomin.”

Tumigil si Jason sa paglalaro ng Dota at binuksan ang Google search engine sa internet.

“Ano po ang hahanapin?” Ayaw ipahalata ni Jason na napipilitan lamang siyang pagbigyan ang hiling ng lola.

“Pwede mo ba akong turuan kung paano gamitin yan? Para hindi naman ako manatiling mangmang kung ano ang meron diyan sa computer?”

“I-type niyo na lang po kung ano ang gusto niyong malaman.”

“Sige, apo.” Naupo ang lola sa harap ng compute at nagsimulang mag-type: Paano magsaing gamit ang rice cooker.  Medyo mabagal at madiin ang pagtipa, naninibago si Lola dahil mas sanay siya sa sinaunang Underwood typewriter ng kanyang ama.

Pinindot ni Jason ang enter pagkatapos mag-type ni Lola.

Natuwa si Aling Miling nang tumambad sa kanila ang unang entry sa mga resulta ng paghahanap sa Google.

“Ito, pwede ba nating mabasa ang kabuuan nito?”

“Opo.” Pilit ang pagngiti ni Jason dahil mukhang kapangalan pa niya kung sino ang sumulat sa tinutukoy ni Lola Miling. Pagkatapos ma-double click ni Jason ang entry sa screen, lumabas ang buong entry para sa rice cooking.

Nakatsamba si Lola Miling. Nakasulat sa entry and sunod-sunod na procedure para sa pagluluto ng kanin sa rice cooker.

“Jason, pwede mo ba akong tulungang magluto ng kanin. Sundin natin ito.”

Hindi mawari ni Jason ang kanyang nararamdaman dahil natigil na ang kanyang paglalaro. Pero nagprint na lang siya ng entry sa webpage na iyon at sumunod na lamang siya kay Lola Miling.

HINDI NAGTAGAL, nagawa nina Jason at Lola Miling na magluto ng kanin gamit ang rice cooker.

Masayang ipinamalita ni Lola Miling kay Mommy Lina ang nangyari. Dahil dito, mag-uuwi ng lechon manok si Mommy Lina.

Pagkadating ni Mommy Lina mula sa trabaho, pinuri niya ang pagluluto nina Jason at Lola Miling. Nagpasalamat pa ito at binigyan ng mahigpit na yakap ang bata.

Masayang pinagsaluhan ng tatlo ang kanilang tanghalian.

“Jason, sa susunod tuturuan naman kitang magluto ng paborito mong adobo.”

Napangiti lang si Jason. Masaya ang pakiramdam na ang maliit na bagay ay nabibigyan ng pansin ng ina. At mas masarap palang kapiling ang pamilya. Hindi na lang yung mag-isang naglalaro ng Dota.

SANA HUWAG MUNA MAGPASKO

“NANAY, maglalaro lang po kami ni Obet.” Paalam ni Pearl sa inang kasalukuyang nagkukusot ng labada.

“Matulog muna kayo.  Puro kayo laro.  Samahan niyo kaya sa loob si Ariel sa loob.” Pinawi ni Aling Perla ang namumuong pawis sa kanyang noo gamit ang kanang kamay.  Hindi niya inalintana ang mga naiwang bula ng sabon sa kanyang buhok.  Gabundok pa ang mga damit ng kapitbahay na kailangan niyang malabhan dahil maghahapon na.

“Sige na po. Kakadede lang ni Ariel, mahimbing na ang tulog. Di po kami lalayo.  Babalik din kami agad.”  Pakiusap ni Pearl sa ina.  Katatapos lamang nilang mag-igib ni Obet. Umaapaw ng tubig ang apat na balde sa tabi ni Aling Perla.

Tinignan ni Aling Perla ang anak.  “Basta huwag kayong lalayo.  Obet, tingnan mo si Pearl, ha? Huwag maging malikot.”

“Opo.”  Mabilis na sagot ni Obet.

“Salamat, ‘nay.  Tara, Obet.” Tuwang-tuwang hinatak ni Pearl si Obet papalabas ng kanilang bakuran.  Magkaklase silang dalawa sa Grade 4 pero mas matanda si Obet ng tatlong taon.  Pansamantalang natigil sa pag-aaral si Obet noong maulila sa ina.

TUMULOY ang dalawang bata kina Aling Charito na dinatnan nilang papatapos na sa pagluluto ng bananacue.

“Ninang, magtitinda po kami ni Obet.  Puwede po?”   Nakikininang lang si Pearl dahil si Ariel, ang bunsong kapatid, ang totoong inaanak ni Aling Charito.

“Hala, ang liit-liit mo pa.  Nagpaalam ka ba sa nanay mo?  Baka pagalitan ako ni Perla,” pag-aalala ni Aling Charito.

“Gusto ko lang po tumulong kina Nanay. Tsaka kasama ko po si Obet,” nakangiting pagsusuyo ni Pearl.

Hindi agad nakaimik si Aling Charito. “Marunong ka bang magbilang? Alam mo bang magsukli?  Baka wala kang ma-entrega sa akin, ha?”

“Si Pearl po, parating pers sa klase. Lalo na sa Math. Magaling kasi magturo ang titser naming si Mrs. Reyes,” pagbibida ni Obet.

“Sige na nga. Ilan ang kukunin ninyong paninda?” pag-ayon na lang ni Aling Charito.

“30 po.  Pwede po?,” pagbabaka-sakali ni Pearl.

“Sampu ang benta dito kada isa, ha?  May piso kayo sa bawat piraso.  O, magkano ang ibabalik niyo sa akin sa bawat pirasong maibenta ninyo?”

“9 po.” Halos magkasabay sumagot ang dalawa.

Natuwa si Aling Charito sa kanila. Bumilang siya ng 30 pirasong bananacue at maayos na iniligay sa maliit na bilaong dating napaglagyan ng nabiling pansit palabok.

“Eto. Magkanong mapagbebentahan ninyo sa 30 piraso?”

“300 pesos po.” Mabilis ang sagot ni Pearl. “270 po ang ibabalik namin. Yung 30 po sa amin, pag nabenta lahat.”

Natawa na lang si Aling Charito “Kita agad ang nasa isip mong bata ka. Magiging magaling kang negosyante balang-araw.”

“Maraming salamat po, Ninang. Babalik kami agad kapag nabenta na namin ito.” Pagpapaalam ni Pearl.

“Gusto pong maging doktor ni Pearl….”sabi ni Obet habang hinahabol ang paalis nang si Pearl, hawak ang bilaong tinakpan na malaking plastik sa ibabaw.

“Ingat ha. Huwag kayong lalayo. Maski di niyo mabenta lahat,” pahabol ni Aling Charito.

HINDI PA nakakalayo sina Pearl ay nakapagbenta na sila ng anim sa mga nakakasalubong na papunta sana kina Aling Charito.  Buti na lamang at puro barya ang pera ng mga bumibili.

Napadaan sila sa tapat ng bahay nina Sara na mag-isang naglalaro ng piko. Kinawayan ni Pearl si Sara.  “Bananacue,  gusto mo? Masarap. Matamis.  Bagong luto.”

Napalunok si Sara.  Halatang natakam noong makita sa bilao ang mga bananacue.  Tinawag ni Sara ang nanay na nakaupo sa panglimang baitang ng hagdanan; kinukutuhan nito ang isa pang babaeng nagkukuto rin sa isang maliit na batang babaeng may hawak na manika.  Apat na bananacue ang binili nila.

TATLONG KANTO ang nalagpasan nina Obet at Pearl na walang nabentahan nang marinig nila ang boses ni Aling Sita na sumisigaw ng mga bilang mula sa hawak na lalagyan.  Maraming taong nakapalibot, nag-aasam na matawag ang mga nakatatak sa mga hawak na papel.  Meron ding ilang babaeng may kandong na bata.

“Magandang hapon po,” bati ni Pearl sa mga tao habang si Obet ay nakatingin sa mga nakalatag na cards ni Aling Tasing na halos mapupuno ng mga batong nakapatong dito.

“Matalas na beinte-nuwebe” sigaw ni Aling Sita na nagpatalon kay Aling Tasing ng “Bingo, bingo, bingoooo”.

“Suwerte sa akin ang mga bagong dating.  O ano yang tinda niyo, bigyan mo ang lahat ng mga andito. Akong bahala.”  Sabi ni Aling Tasing na napabaling na sa tingin sa mga bananacue.

“Lahat po ba ito,” nakangising tanong ni Obet.

“Hindi. Kung ilan lang kami, masyado naman kayong swerte n’yan. Parang binawi nyo lang ang swerteng dala niyo.”

Parang nagpamudmod ng bananacue sina Pearl at Obet sa mga taong naroroon. “Fifteen po lahat” sabi ni Pearl kay Aling Tasing. “150 pesos po iyon. Sampu bawat isa.”

Gustong umatras ni Aling Tasing pero kahiyaan na lang.  Maski talunan ang mga kalaro ay masaya silang kumain ng libreng meryenda.  Buti na lang hindi na humirit ng dagdag na bananacue yung mga may hawak na bata. Sa wakas, napunan ang kanilang mga sikmura sa apat na oras na paglalaro ng bingo.

PAPALABAS na sila Pearl at Obet nang makasalubong nila si Mang Danny. Inalok nila ito ng bananacue.

“Tamang-tama bibili sana ako ng meryenda namin. Pagbilhan mo ako ng tatlo. Hindi ba’t ikaw ang anak nina Perla at Berting? Nasan pala ang tatay mo, di ba’t napasama siya sa mga nadamay sa welga sa may pabrika,” tuloy-tuloy na sabi ni Mang Danny.

“Opo.” Nahihiyang pag-amin ni Pearl.  Hindi niya malaman ang mararamdaman.  “Si Tatay po, na kina Mang Perding. Tumutulong po sa construction.”

“Asenso na talaga si Pedring, ah. Huwag mo nang i-plastic, diyan lang naman ako sa kabila,” sabi ni Mang Danny nang iabot ang bayad kay Pearl pagkakuha ng tatlong bananacue.  “Anak, pakisabi naman sa Tatay po na puntahan ako sa bahay.  Kailangan ko kasi ng tubero.”

“Opo. Salamat po,” magalang na sambit ni Pearl

NAKALAYO NA sila Pearl at Obet mula kina Mang Danny nung magsalita si Obet, “Tsismosong matanda, ano?”

“Hindi naman.  Nag-aalala rin siguro dahil madaming nadamay sa strike. Buti nga may ibibigay na trabaho kay Tatay.”

Tumahimik na lang si Obet.  Sadyang malawak ang pananaw ni Pearl sa buhay.  Parang matanda kung mag-isip.

“Lapit na lang kina Mang Perding.  Tara puntahan natin.”  Anyaya ni Pearl na binilisan ang paglalakad.

“Pearl, hintay.  May dalawa pang bananacue. Tig-isa na ba tayo dito?”

“Kay Tatay yung isang tuhog.  Tig-isang piraso na lang tayo dun sa isang tuhog.  Ok lang?”

“Sige, pero puwede kainin na natin?  Nakakapagod eh.”

SUMILONG ang dalawang bata sa ilalim ng punong manggang nakausli sa sementadong pader para makapagpahinga.  Sinimulan nilang kainin ang tig-isang pirasong matamis na saging.

“Alam mo, Obet, gusto rin siguro nitong punong mangga na magsilbing silungan ng mga taong nagdadaan dito.  Yung parang ayaw niyang sa bakanteng lote lang siya dahil walang nakikinabang sa kanya.”

“Oo nga, ano? Natutuwa rin kaya siya kung ang mga tao ay nag-uunahan sa pagsungkit ng kanyang mga bunga?  Binabato kasi ang mga kumpol ng bunga para maglaglagan.  Teka, may pakiramdam ba ang mga puno?”

“Oo naman. Hindi lang sila nagsasalita.  Subukan mong tagain ang sanga, di ba’t umiiyak na rin siya?”

“Ay, hindi po.  Dugo kaya niya yon.  Kaya nga doon sa sugat lumalabas eh.”  Nilulon na rin ni Obet ang huling piraso ng kanyang kanina pang nginunguyang bananacue.

“O bakit? Saan ba ang mata ng mangga?” Nangingiting bulalas ni Pearl.  “Tara na nga kina Tatay para maibigay ko na itong bananacue niya.  Makiinom na rin tayo dun.” Tumayo si Obet sa kinauupuan at binitbit ang maliit na bilaong kanina lang ay naglalaman ng tatlumpong pirasong bananacue.

“MAGANDANG HAPON po.  Andito po si Tatay?” tanong ni Pearl sa mamang naghahalo ng buhangin at semento dun kina Mang Perding.

“Berting, hinahanap ka ng anak mo,” sigaw nung mama sa kinaroroonan ng tatay ni Pearl. “Ano yan, tinda niyo?  Meron pa?” tanong nung mama kay Pearl.

“Ah wala na po. Kay Tatay po ito.”

Bumaba si Berting mula sa pangalawang palapag at lumapit kina Pearl.

“Anak, bakit kayo andito? Kasama niyo Nanay mo?”

“Hindi po.  Ibibigay lang po sana namin sa inyo ito.  Meryenda po.”

“Salamat anak.  Nag-abala pa kayo.”

“Tatay, sabi po pala ni Mang Danny, dumaan daw po kayo sa kanila. Kailangan daw po niya ng tubero. Tatay, pwede po makiinom?  Uhaw na kami ni Obet” tuloy-tuloy na sabi ni Pearl bago pa man mag-usisa ang ama.

Sinamahan ni Mang Berting ang anak at si Obet dun sa may malaking lalagyan ng tubig.  Nasarapan sa pag-inom ng malamig na tubig ang dalawang bata.  Pagkatapos makainom ay nagpaalam na sila.  Nag-abot si Mang Berting ng pera kay Pearl, “Ibigay mo kay Nanay, pambili ng bigas.”

HABANG PAPAUWI, nakarinig sina Pearl ng awiting pamasko mula sa nadaraanang bahay.  Patapos pa lang ng Setyembre pero nagpatutugtog na ng Christmas carols.

Tahimik na naglalakad ang dalawa.  Medyo malayo na rin ang nilakad nila nang magsalita si Pearl.

“Obet, ayoko munang magpasko.  Sana huwag muna magpasko.”

“Bakit naman? Masaya kaya ang pasko. ..”

“Eh.  Masyado ko lang nakikita ang kahirapan namin.  Parang ang pasko para sa mayaman lang.”

“Hala, grabe ka naman.  Eh, ba’t kami ni Lola, maski kaming dalawa na lang, naghahanda pa rin. Hindi naman kami mayaman.”

“Mayaman nga kayo eh. May pension si lola mo, di ba? Maski di magtrabaho, may pera kayong tinatanggap.  Sina tatay at nanay, kailangang magtrabaho pareho.  Hirap talaga. Hindi ako nagrereklamo, pero ewan.”

“May handa kaya kayo noong nakaraan.  Di ba, nakikain pa nga ako.”

“Oo, sarap ng sopas gawa ni Nanay.  Tsiken na tsiken. Buti meron pang pera si Tatay noon. Dahil katatapos lang ng Ondoy.  Kaya balak ko sanang  makaipon.”

“Kaya ka ba nagbalak magbenta ng bananacue?”

“Oo.  Siyanga pala, sa iyo na lang yung maiiwang pera sa atin.  Kasi sa akin na lang yung dinala natin kay Tatay.”

HINDI NAMALAYAN ng dalawang bata na nakarating na sila kina Aling Charito.

“Ambilis ninyo ah!  Ubos agad.”

“Swerte po dahil pinakyaw ng mga nagbi-bingo yung tinda namin ni Pearl. Eto po ang napagbentahan namin.”  Iniabot ni Obet kay Aling Charito ang lahat ng pera.

“Magkano ito?”

“280 pesos po, ninang. Binigay po kasi namin kay Tatay yung isa at yung isa kinain po namin ni Obet.  Kaya, 10 lang po ang kita namin”

“Haha. Oo, anak.  Hala, wala kayong maiuuwi kay Perla.  Dalhin niyo na lang ito, pasalubong.” Iniabot ni Aling Charito ang isang tuhog na bananacue na isinilid sa isang cellophane at ang kitang P10.00 kay Pearl.  Masayang nagpasalamat sina Obet at Pearl.

HABANG PAPAUWI sila, binibigay ni Pearl kay Obet ang kanilang kita pero ayaw nitong tanggapin.

“Sapat na sa akin ang kasama kita palagi.” Matamis ang ngiti ni Obet.

“Ang epal mo talaga.”

“Pearl, ang bunganga mo. Narinig ko  iyon.” Pabulyaw na sabi ni Aling Perla na nagsasampay na ng mga nilabhan.

“Nanay kasi si Obet kung ano-ano ang sinasabi. “

“Obet, ikaw din.  Ambata-bata niyo pa.”

“Totoo naman po kasi yung sinabi ko.”

“Sige na, sige na.  Pati ako idadamay mo akong bata ka.”

“Nanay, bigay po pala ni Ninang Charito.  Tapos, heto po yung bigay ni Tatay pambili daw po ng bigas.”

“Obet, samahan mo nga si Pearl bumili ng bigas.  Mabait talaga yang si Charito.  Nag-abala pa siya.”

“Opo.”

LUMABAS ulit ang dalawang bata para bumili ng bigas.  Ayaw talagang tanggapin ni Obet ang perang kanilang kinita sa pagtitinda ng bananacue, kay Pearl na lang daw iyon.

Iiponin ni Pearl ang sampung piso. Sana lang madadagdagan pa iyon bago sumapit ang pasko.  Iniisip ni Pearl na bumili ng aalagaang sisiw.  Kapag lumaki iyon at naging matabang manok, mayroon na silang ihahanda sa Pasko.  Sa ngayon, ayaw muna niyang magpasko.

 www.altavistadeboracay.com.ph

wasak

PANGHIHINAYANG

Dahil sa walang pakundangang paglustay
Ang tubig na yaman ng buhay
Wala na bang saysay?

Sa patuloy na pagkalbo ng mga kagubatan
At pagkasira ng mga ilog, lawa at karagatan
Wala ka pa rin bang pakialam?

Ang pagkalat ng dumi sa kapaligiran
Na siyang sanhi ng sakit at karamdaman
Patuloy mo bang hahayaan na lang?

Ang hangin ba’y walang pakinabang
Dahil hindi mo pinahahalagahan
O sadyang sanay ka na lang sa bantot at sangsang?

Kamatayan ang kahihinatnan
Kapag tuluyang nasira ang kalikasan
Hindi ka ba nanghihinayang?

Ang pagkawasak ng mundo
Ang pagkawasak ng tao
Ito ba ang gusto mo?

 

PAGHARAP SA HAMON NG ONDOY

Sana hindi na maulit pa
Ang dinanas na sakuna
Dulot ng pagkaburara at pagpapariwara
At walang kapararakang pagpapabaya
Ng tao sa kalikasan.

Aanhin nga ang mga magagandang awit at tula
Tungkol sa minsang kinagisnang ganda
Kung tuluyan nang mangawala
Nagbabadyang mabaon sa limot at alaala
Ng tao sa kalikasan

Sana ay wala nang sana
Kung ikaw, ako, tayo, lahat ay magkaisa
Simulan at ipagpatuloy ang nasimulan na
Ang pagmamahal, pag-aaruga at pag-aalaga
Ng tao sa kalikasan.

 

PANAGHOY AT PANGARAP NG PUNONG MANGGA

Tatlumpung taon na ako nakatayo
Nakahilig kung yan ang wari mo
Mula sa bahagyang pagkabuwal dahil sa nagdaang bagyo.
Mga punong kasabayan ko nga’y nangamatay, tuluyang naglaho.

Mahirap mag-isa, maraming naaalala:
Sa aking mga ugat, mga bulate’y naglaro’t gumala
Sa aking mga sanga, nagpahinga ang pipit, uwak at maya
Sa aking mga dahon, dumaan ang higad, mga hantik ay nagkuta

Sina Jojo, Boyet at Olan, sa aking puno’y nagsipag-akyatan
Mga sanga’y niyuyogyug upang mahulog ang mga salagubang
Madalas manguha ng bunga, hinog man, bubot o manibalang
Para sa mga tatay nilang sa lilim ko nag-iinuman.

Sa aking paanan, sina Jake at Cora nagligawan, nagpulotgata
At sa aking katawan, ang kanilang mga pangala’y inukit pa.
Sa aking mga bisig, si Mildred ay tumangis, ibinuhos ang mga luha
Dahil sa pagkamuhi’t mga problema, ang tagiliran ko’y kanyang tinaga.

Tag-araw, tag-ulan, tagtuyot at tagbaha
Lahat ng unos na dumaan, nakayanan ko nga
Ngunit alam kong hindi na rin ako magtatagal
Darating ang araw, bibigay na ang katawang napapagal

Ang hiling ko lang sana’y akin pang makita
Ang pagtubo, paglaki at paglago ng aking salinlahi
Nang sa gayon, patuloy ang pamana ng mangga
Di lang sa ngayon kundi sa bagong henerasyon pa.

Kaya naman, hinihikayat kita sa muling pagkain ng aking bunga
Itanim ang buto, alagaan ang punla, hayaang lumaki’t mamunga.
Umaasa akong sa tulong mo matutupad itong pangarap
Maraming salamat, kaibigan! Kasiyahan ko’y magiging ganap.

postlude to 85

Hours before the break of dawn yesterday, i was awakened and no matter how i tried, i was not able to get back to sleep.  Because i did not want to start work that very early, i refused to open my bag which contained files i was working on the night before.  Instead, i got Anne Rice’s Called Out of Darkness: a spiritual confession from the stack of books near my table.  It was one of the books which i bought from the month-long book sale at National Bookstore but never got enough time to read all of them (hopefully, i will soon).

After reading a few pages, i skipped to the middle part.  I’d like to share with you that part which struck me the most:

xxx He knew how or why everything happened; He knew the disposition of every single soul.

He wasn’t going to let anything happen by accident!  Nobody was going to Hell by mistake.  This was His world, all this!  He had complete control of it; His justice, His mercy– were not our justice or our mercy.   What folly to even imagine such a thing.

-Anne Rice, Called Out of Darkness: a spiritual confession (New York: Alfred A. Knopf, 2008), 183.

The page got me hooked.  That morning, I brought the book along with me to my meeting; and I finished reading to the last page while I was on my ride to the office.

The book is really interesting as it was written by a former atheist and author of the famous Interview with a Vampire.

I hope you get the chance to read the book about her transformation, too.

Have a very good day! 😀