g.a.s. (ulit)

Mamayang gabi (May 28, 2010), bilog ang buwan.  Sisikat pa rin ang kanyang kariktan maski mayroong pabugso-bugsong ulan…. Bakit? wala lang, masabi ko lang. Tara, maupo tayo sa munting bangko sa may balkonahe, samahan mo akong mangarap sa ilalim ng buwan….

Ayaw mo, sige magbasa ka muna dito….

Gabi… Aninag ang Sikat

ng buwang buo at matikas, sumasakal

sa mga lihim ng magdamag.

alumpihit ang mga aswang

sa sinag ng buwang galing sa araw

na nangawala sa balabal ng kadiliman.

habang maraming isda ang naglipana

nagagalak, malaya, walang alinlangan

naglalaro sa lawak ng karagatan.

Advertisements

gaspang

Nagbubunganga na naman si Ate Maymay. Ang aga-aga.

“Hindi man lang kayo mag-ayos. Pare-parehas lang naman tayo nakatira dito. Ang kalat ng sala, ang mga remote kung saan-saan nakalagay tapos hahanapin sa akin. Ang tv magdamagan hindi man lang patayin ng maayos. Kaya tumataas ang bill sa kuryente eh. Buti sana kung nagtataas din ako ng paupa sa inyo.”

Nag-aayos ng mga gamit habang nagluluto, napansin ni Ate Maymay ang cleaning schedule ng mga boarders na nakapaskil sa dingding.

“Itong cleaning schedule na ito hindi naman sinusunod. Siguro dapat lang ipatupad ang penalties. Parang gobyerno lang a. Kaya ganito bansa natin e. Dahil din sa tao. Hay buhay talaga.”

“Good morning, Ate.” Bati ko sa kanya papunta sa lababo para maghilamos. May tao pa sa banyo dahil sa narinig kong lagaslas ng tubig.

Kinuha ko na lamang ang nakasabit sa dingding. Tinitingnan lang ako ni Ate Maymay hanggang ako’y lumabas ng bahay.

“O saan ka pupunta? Hindi mo ba wawalisan ang bahay?

“Sa labas po ang toka ko. Dito sa hagdanan. Sina Divine at Glenda po ang toka sa loob ngayon.”

“Di ba pwede unahin ang loob? Hindi ka naman diyan sa labas nakatira? Haysus naman.”

“In New York, concrete jungle where dreams are made of….” Inumpisahan ko na lang kumanta kesa naman si Ate Maymay lang ang naririnig. Kaya siguro parating maagang umaalis sina Mr. Pinto dito sa first floor; umiiwas sa ingay .

Nakawalis na ako’y nagdadadakdak pa rin si Ate Maymay sa loob.

Pumasok ako at kinuha ang bunot tsaka lumabas ulit para simulan ang paglampaso sa hagdan na may kasamang “Shake it to the right and shake it to the left”.

“Bye Ate.” Nagmamadaling nagpapaalam si Faye papalabas ng bahay. Andami niyang dala at nagsusuklay pa.

“Hindi ka na ba kakain? Nakaluto na ako; may champorado pa.”

“Hindi na ‘te. Pasok na ako.”  Sa paghakbang ni Faye sa hagdan, nag-ring ang kanyang cellphone. Tumigil siya at sinalat ang loob ng kanyang bag nang biglang maglaglagan ang kanyang libro at ilang papel.

Sinubukan niyang pigilan ang paglaglag ng kanyang mga gamit nang biglang siyang ma-outbalance at padapang dumausdos sa hagdan.

“Aeyyyyyyiiiiiiiiihhhhh” ang lakas ng tili niya; hawak ng kanang kamay ang folder at ang kaliwa naman ay nag-aapuhap ng makakapitan. Nakatigil na siya ng mahawakan ko sa kamay.

“Ano yon? Ano nangyari?” biglang napalabas si Ate Maymay. Nakita na lang niyang papaupo na si Faye at umiiyak.

“Tsk.. tsk.. Hindi kasi nag-iingat. Eto kasing si……..”  Hindi na naituloy ang pambibintang sa akin dahil naapakan ni Ate Maymay ang gamit ni Faye at bigla siyang nadulas. Paupong bumagsak sa may hagdan.

Bug-bug-bug-bug… Tuloy-tuloy ang mabilis na nakaupong pagbaba  ni Ate Maymay sa mga baitang.

“Ae……………………..Arrruuyyyyyyyy” hiyaw ni Ate Maymay.

“Kasi hindi nag-iingat…” nasabi ko na lang habang ako ay maluha-luha sa pagpigil ng pagtawa habang lumalalapit para tulungan si Ate Maymay.

“Ikaw ang may kasalanan nito,” bulyaw sa akin. “Ang balakang ko…. Huhuhu.” Mangiyak-ngiyak na siya.

Humagikhik si Faye habang takip ang mukha. Nakita rin pala niya ang nangyari kay Ate Faye.

Napatawa si Ate Maymay.  Tumawa na rin ako.

“Kita niyo na. Kung magaspang ang babagsakan niyo magagalusan kayo, dib a?  Buti na lang napababaan ko ang coefficient of friction ng hagdan” sabi ko sa kanila.

Akmang babatuhin ako ni Faye ng kanyang cellphone. Nahanap na pala niya ito! Nag-ring ulit ang phone at sinagot ni Faye.  Napaiyak na naman siya.

Nakita kong hinawakan ni Ate Maymay ang bunot sa tabi niya. Alam ko na ang gagawin niya kaya kumaripas na ako  ng takbo.

bigas*

(Pasintabi: Ang susunod na post ay may mga salitang hindi angkop sa mga may sakit sa puso o mahinang sikmura. Paumanhin po.)

Ginilitan sa leeg

Ang dugo

Sumirit.

*May mga bisitang darating dahil nagdiriwang ng pista, mamayang gabi idaraos ang parada ng mga sagala.  Kaya nagkatay si Nanay ng inahin.

Nasan ang bigas? Hayun, dun sa mangkok na ipinangsahod sa dugo ng manok.

Haha, makapagsaing nga muna… 😀

gas law

Have you ever encountered this formula?

P V =  n R T

Before you get bored and leave this post in haste, let me guide you through a rundown of my previous posts on gases for the past ten days:

  1. gas

  2. gas the sequel

  3. gas pt. 3

  4. gasgas

  5. lagas

  6. welGA(s)

  7. g.a.s.

  8. panghimaGAS

  9. GASa

  10. gas law (this post)

If you missed any of the said posts, you may just scan through the page to find them or simply click on the linked title of the blogpost.   Am keeping my fingers crossed that they’d be worth your while…

Now back to the formula:

It is said that the state of an amount of gas is determined by its pressure, volume, and temperature. The modern form of the equation (commonly known as the ideal gas law) is:

pV = n R T

where p is the absolute pressure of the gas; V is the volume; n is the amount of substance; R is the gas constant; and T is the absolute temperature. (http://en.wikipedia.org/wiki/Ideal_gas_law).

Hopefully the same formula would stand true to this blog:

People Visits = new (w)Ritings (by) Taribong

😀 Maraming salamat sa inyong pagtangkilik.  Hanggang sa muli. 😀

GASa

“Gene, lumabas ka na riyan at kakain na tayo.” Ilang ulit ko na tinawag ang aking anak pero hindi pa rin ito lumalabas ng kuwarto.

“Ano ba problema mo at ayaw mo tumayo diyan?” tanong ko sa bungad pa lang ng kuwarto. Nakaupo si Gene sa kama at humihikbi.

“Bakit ka umiiyak?”

“Kasi po… kasi po…” nag-aalangan at pinipigil niya ang napipintong pag-iyak. “Kasi po tinadyakan ako ni Carlo kanina sa may harapan.  Tapos napaupo ako sa may batuhan at may makahiya.”

“Nasaktan ka? Baka naman kasi nauna ka?” urirat ko.  Madalas kasi makipagharutan sa mga kalaro si Gene.

“Pero nakaganti po ako. Pagtayo ko, sinuntok ko siya sa mukha. Dumugo po bibig niya. Susuntokin din po ako pero naawat siya. Hinila rin ako ni Obet.” Pagmamayabang ni Gene. Labing-isang taon pa lang ang anak ko, basagulero na.

“E bakit ka umiiyak kung nakaganti ka na?”

Muling nangilid ang luha niya, sabay turo sa short sa mesa. May dugo ito. Nagulat ako sa nakita.

“Asan? Malalim ba ang sugat? Hindi mo agad nakita? Masakit ba? Tingnan ko.” natataranta na ako. Umiyak na nang tuluyan si Gene.  Kung nandito lang si Rina, sana’y mas madali niyang solusyonan ito. Mas mapag-aruga kasi ang ina kaya lang iniwan na kami ni Rina noong limang taon pa lang si Gene.

Pinipilit kong tingnan ang sugat niya pero ayaw talaga. Lumalakas pa lalo ang iyak.  Wala rin akong mahagilap na bulak at betadine sa mga lalagyan ng mga gamot.

Lumabas ako ng bahay para bumili at malunasan ang sugat ni Gene bago ko sugorin si Carlo sa bahay nila.  Trese na si Carlo at kaklase ni Gene.

Sa paglabas ko ay nakasalubong ko si Archie na papauwi sa kanila. Nursing graduate si Archie at nagre-review na sa board.

“Archie, buti nakita kita. Tingnan mo nga si Gene at may sugat. Ayaw naman patingnan sa akin.”

“O, sige Kuya.” At sumunod na si Archie sa akin papasok ng bahay. Pinatuloy ko sa kuwarto ni Gene na umiiyak pa rin.

“O sige na Kuya ako na bahala kay Gene.” Inaanak din ni Archie si Gene kaya kampante ako sa kanya.  Lumabas na ako sa kuwarto at umupo sa hapag upang maghintay.

Maya-maya lamang ay narinig ko ang bahagyang tawanan sa loob ng kuwarto. Ayos na!

“Normal lang yon, Kuya. Huwag ka masyado mabahala. Binigyan ko na siya ng pampaampat” Pagsisiguro sa akin ni Archie.  Sa pagngiti ni Archie ay lumabas ang malalim nitong biloy sa kaliwang pisngi.

“Salamat ha. Dito ka na kaya kumain tutal nakahain na.” pag-aalok ko.

“Hindi na Kuya. Kakain ko lang din at babalik din ako sa duty. Sa susunod na lang. Sige po.” sabi ni Archie.  “Gene, alis na ako.” pamamaalam ni Archie na nakabaling sa kuwarto ang tingin.

Pagkahatid ko kay Archie sa pinto ay niyaya ko na si Gene para kumain. Nakangiti na si Gene bagama’t nahihiya nung hawakan ko siya sa kamay.

Wala na akong pangamba at alalahanin.  Nagdadalaga na nga si Gene. Mag-uumpisa na rin siguro akong tawagin siya sa tunay niyang pangalan, Regine.

Nagtataka ka ba kay Archie? Dalaga rin yon. Arlene Cherizze ang tunay niyang pangalan. 😀

panghimaGAS

Pumunta ako ng canteen para mag-lunch. Pangatlo ako sa pila dun sa may display glass ng pagkain. Sinundan ako ng mapormang lalaking medyo malambot kumilos.

Umorder ako ng kalahating kare-kare at isang kanin. Gumaya sa aking mga inorder yung sumusunod sa akin. Nakipagkuwentuhan siya sa mga serbidora at nagpa-reserve ng lychee-gelatin dessert.

Naupo ako sa dulong table, umupo naman siya sa mesang panglima mula sa akin, malapit sa kahera. Nag-extra half rice ako, akala ko gagaya din siya.

Habang papatapos na ako sa pagkain, tinanong ko serbidorang malapit sa akin kung magkano ang lychee-gulaman. Bente daw, medyo lagpas na sa budget ko kaya lang nangingibabaw ang lasa ng kare-kare at bagoong alamang, kaya napa-order ako.

Hinahanda na ng serbidora ang aking order nang nilapitan siya nung mamang dati’y kasunod ko sa pila.  Sinabi niyang sa canteen na lang din daw niya kakainin ang kanyang pina-reserve.

Isinalin ng serbidora yung naka-reserve sa isang mangkok, ngunit inayawan ito ng mama.  Itinuro nung mama yung inihahanda para sa akin. Bigla na lang niyang kinuha ito at bumalik sa dating kinauupuan saka sinimulang kainin ang panghimagas.

Nabigla ang serbidora at tumingin sa aking kinauupuan. Bahagyang inangat ko ang aking ulo para ipahiwatig na okay lang iyon.

“Lagyan ko po ng yelo.” sabi ng serbidora sa akin.

Napatingin ako sa kinaroroonan ng mamang kumuha ng order ko, natigil din siya sa pagkain. Walang yelo ang kanyang panghimagas! Malapit na niyang maubos ito kaya nagpatuloy na lang siya sa pagkain. Agad siyang natapos, nagbayad sa kahera at mabilis na umalis.

Ako naman ay napangiti sa pagdating ng aking panghimagas.

Ang lychee-gulaman na may kinaskas na yelo sa ibabaw.  Sulit sa lasa! Sulit sa lamig! Sulit sa sarap!

g.a.s.

Malambot nang ipasok

Matigas nang hinugot

Sa may dulo, kinagat

Sinipsip, nilasap ang katas

Gosh! Ang Sarap!” wika ni Nena

Maski siya’y pawisan, init ay naibsan

Masaya ako, masaya rin siya

Tiyak kami’y uulit pa!

Ikaw, gusto mo rin ba?

.

.

.

Teka, iba yata ang iniisip mo…

Heto, ice buko.

welGA(S)

Magiliw na sinalubong ni Pearl ang paparating na ama.  Pagpasok ni Mang Ferdie sa may gate ay hinawakan na Pearl ang kamay nito at magkasabay silang lumakad papasok ng bahay.  Gustong-gusto ni Pearl na maagang umuuwi si Mang Ferdie.  Hindi katulad dati na madilim na’y wala pa ang ama.  Ang pinag-iba lang, mas bugnotin  ngayon si Mang Ferdie.

Nagtanggal ng sapatos at medyas si Mang Ferdie.  Sumuot sa ilalim ng upuan si Pearl para ilapit ang tsinelas ng ama.  Pagkatapos ay walang imik na kinuha ni Pearl ang sapatos at inilagay sa likod ng pintuan.

Umupo si Pearl sa katabing upuan malapit sa ama. Pakuya-kukakoy ang mga paa habang nakatingin siya kay Mang Ferdie na naka-sando na lang ngayon. Ang polong hinubad ay nakasabit sa taas ng kinauupuan nito.

Napansin ni Mang Ferdie ang anak na nakatingin sa kanya. “Kumusta ang baby ko? Wala ka bang kalaro ngayon?”

“Ok naman po. Wala po sina Oying sumama sa nanay niya sa palengke.”

“Hayaan mo, malapit nang dumating si bunso. May makakalaro na kayo ni Nanay.” Ngumiti si Mang Ferdie sa anak.  Sabay tingin kay Me-Ann na naghahanda ng kanilang hapunan. Tatlong buwan na lang ay  manganganak na si  Aling Me-Ann ng kanilang pangalawang anak.

“Ang aga niyo po.” Nakangiting sabi ni Pearl sa ama.

“Oo, anak. May welga kasi sina Tatay sa pabrikang pinagtatrabahuhan. Kaya maaga ang Tatay umuuwi ngayon,” paliwanag ni Mang Ferdie.

“Ano po ang welga?” usisa ni Pearl.

“Ang welga, strike. May mga dalang placards at posters ang mga manggagawa,” sagot ni Mang Ferdie kay Pearl.  Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya kayang magalit sa pagtatanong sa anak gayong pagod at gutom na siya sa maghapong pagkabilad sa araw sa labas ng pabrika.

“Ano pong placards tsaka posters.”

“Katulad dun sa mga politiko na nangangampanya para iboto sila ng tao, yung mga nakasabit sa mga pader, sa mga kawad ng kuryente at yung nakalagay sa harap ng tindahan nina Tess,” sabi ni Mang Ferdie.

“Bakit merong ganon kayo?” tanong ulit  ni Pearl.

“Kasi kailangan naming ipaabot sa pamunuan na taasan kami ng suweldo.  Maliit kasi ang kinikita nina Tatay.  Hindi sapat para punan ang mga gastusin sa pamilya,” parang nabarahan sa lalamunan si Mang Ferdie.  Hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pag-uusap nila ng kanyang anak.

Hindi maintindihan ni Pearl ang sinabi ni Mang Ferdie. Anim na taong gulang lamang si Pearl at hindi pa nag-aaral. Pero alam niya na may mabigat na dinadala ang kanyang ama, pati na rin ang kanyang ina.  Nakatitig lang si Pearl sa ama.  Ayaw na niyang magtanong pa.

“Halina na kayo at kakain na tayo,”  tawag ni Me-ann sa kanyang mag-ama.

“Tara na. Kain na daw sabi ni Nanay,” akay ni Mang Ferdie kay Pearl para maghugas ng kamay sa lababo.

Sa hapag kainan ay magkakaharap ang mag-anak. Dumakot na si Mang Ferdie ng kanin sa kanyang pinggan.  Kumuha rin siya ng ilang nilagang talbos ng kamote ay isinawsaw ito sa bagoong na may isang hiniwang hinog na kamatis. Gumaya si Me-ann at nilagyan din ng kanin at ulam ang pinggan ng anak.

Nakailang subo na si Mang Ferdie nang mapansin na nakapikit si Pearl. Kinalabit niya ito. Nang dumilat ay sinabi niyang, “Akala ko nakatulog ka.”

Ngumiti si Aling Me-ann kay Pearl, “Anong pinag-pray mo?”  Sa pakiwari ni Aling Me-ann ay Itinuturo siguro sa day care ang pagdarasal.

“Hindi po ako nag-pray,” sabi ni Pearl.

“Nakatulog ka ano?” natatawang sabi ni Mang Ferdie.

“Hindi po.  Iniisip ko lang na ham ang ulam. Katulad sa tv,” nahihiyang sabi ni Pearl.

Yumuko si Me-ann at ipinagpatuloy ang pagkain. Inabot ni Mang Ferdie ang pitsel at nilagyan ng tubig ang kanyang baso, saka siya uminom. Tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain.

“Hmm matustantiya ang pagkain natin ano Tatay?” tanong ulit ni Pearl.

“Masustansiya, anong matustantiya.  Tsaka kumain ka na lang, huwag mong guluhin ang Tatay mo. Sige ka ikaw ang maiiwan dito, ikaw ang maghuhugas ng pinggan,” pagsasaway ni Aling Me-ann kay Pearl.

Binilisan na ni Pearl ang pagkain dahil ayaw niyang maghugas ng pinggan. Maliit pa siya at baka makabasag siya ulit ng pinggan.  Ayaw niyang magalit ang kanyang ina.

Pagkatapos kumain ay muling naghugas si Pearl ng kamay.  Si Mang Ferdie ay umupo na ulit sa sala at nagbukas ng tv habang si Me-ann ay nag-umpisang magligpit ng kanilang pinagkainan.

“Pearl, halika.  Nood tayo ng tv.  Palabas ang mga batang panday,” pag-aanyaya ni Mang Ferdie sa anak.

“Hindi po. Panday Kids po yan,” pagtutuwid ni Pearl habang papalapit sa ama.

“Oo nga pala. Pasensiya naman at hindi nakakapanood ng tv ang Tatay,” malugod na pag-amin ni Mang Ferdie sa pagkakamali.

Umupo si Pearl sa tabi ni Mang Ferdie. Inihilig ni Pearl ang kanyang ulo sa hita ng ama. Hinagod ni Mang Ferdie ang buhok ni Pearl. “I love you po, Tatay,” mahinang sabi ni Pearl.  Napangiti si Mang Ferdie, parang nawala ang lahat ng pagod at sakit ng kanyang katawan sa maghapon.

Pagkatapos maghugas ng pinggan ay naupo si Aling Me-ann sa tabi ng kanyang mag-ama.  Iniayos niya ang mga paa ni Pearl sa kanyang kandungan.  Bumalikwas si Pearl at hinalikan ang nanay sa pisngi.

Hindi maikubli ni Mang Ferdie ang kanyang damdamin. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang mag-ina.

lagas

Matagal na pinagmamasdan ni Leo ang kanyang inang natutulog.  Paminsan-minsan ay umuungol ito.  Umuusal ngunit hindi maintindihan ni Leo ang kahulugan ng sinasambit ng ina.

Salitan sa pagbabantay sina Leo at ang kanyang mga kapatid. Tig-walong oras ang bawat isa sa kanila ngunit madalas ay nagpapang-abot ang kanilang mga relyebo.  Halos ayaw na ni Leo na iwanan ang ina ngunit kailangan din niyang umuwi at magpahinga, maligo at tingnan ang kanyang pamilya.  Malaking pasalamat niya kay Myra dahil ang kanyang asawa ang pansamantalang namamahala sa kanilang bahay at munting negosyo habang inaasikaso naman niya ang ina.

Medyo malakas ang andar ng bentilador sa kuwarto. Sapat upang maibsan ang tumitinding init ng panahon.  Pinawi ni Leo ang namumuong pawis sa mukha ng ina.  Bahagyang napakislot si Aling Ester.

Kumuha si Leo ng wet tissue at idinampi-dampi ito sa mukha ng ina.  Nang gumalaw at marahang tumagilid si Aling Ester, tumigil si Leo.  Inayos na lamang niya ang pagkakapuwesto ng malambot na unan at manipis na kumot.

Unti-unting dumilat si Aling Ester at inaninaw kung sino ang nasa silya sa tabi ng kanyang higaan.

“Leo, nauuhaw ako.” Gustong bumangon ni Aling Ester pero nahihirapan siya.

“Ma, huwag mo nang pilitin at baka mahilo ulit kayo.” Mabilis na ibinaba ni Leo ang binabasang lumang pahayagan at tumayo mula sa kinauupuan.

Kinuha ni Leo ang isang plastic cup at naglagay ng tubig mula sa pitsel galing sa ref.  Naglagay siya ng straw at dahan-dahang inilapit sa bibig ng ina.

Sumipsip ng konti si Aling Ester, tsaka tumigil at nagsabing, “Okay na. Salamat.”

Ngumiti si Leo. Inilagay niya ang nagamit na baso sa taas ng ref.  Naglagay si Leo ng konting petroleum jelly sa daliri at pinahiran ang mga nanunuyong bahagi sa bandang labi ng ina.  Nagkakasugat kasi kahit sa marahang paglilinis ng binasang panyo o malinis na face towel kapag natutuyuan.

“Sorry, Leo, ha at wala kayong kapatid na babae,” nangingilid ang luha ni Aling Ester.

“Si Mama talaga. Ang daming iniisip. Si Myra po, Ma, pupunta dito bukas dahil wala siyang pasok.  Isasama niya si Jane. Parang may anak ka na ring babae. At yung apo mo, si Jane, magiging doctor balang-araw.”

Hindi nakipagtalo ang ina, may lungkot sa mga mata.  “Alagaan mong mabuti ang iyong pamilya. Huwag mo silang pababayaan. Hindi ko na makikita ang paglaki ni Jane. Di ko na rin makikita ang kanyang pagdodoktor.”

“Kaya nga magpapalakas kayo, di ba? Mamaya kakain tayo ng manggang ani ni Tatay. Masarap yun. Matamis at malalaki pa. Gawin nating shake kung gusto niyo”  paglalambing ni Leo ngunit alam niya, at alam din naman ni Aling Ester, na hindi na rin nga tatagal ang buhay niya.  May taning na si Aling Ester. Tatlong buwan na lamang. Kumalat na kasi ang cancer cells sa buto at mahirap nang habulin ng gamot maski ng mga panibagong tuklas ng makabagong medisina.

Inayos ni Leo ang pagkakahiga ng ina sa kama.  Umupo si Leo sa tabi, at pinadaan ang mga daliri sa ulo nito.  Hanggang balikat na lang ang dati’y lagpas puwet na haba ng buhok ng ina. Kailangang ipaputol para hindi mainitan ang ina, at para hindi mahirapan sa pagpapatuyo ng buhok kung maliligo ito.

Ramdam ni Leo na gusto ng ina ang hagod ng kanyang pagsuklay gamit ang mga daliri.  Ngunit sa pagtaas ng kamay ni Leo ay may mga hibla ng buhok na sumama o sumabit sa kamay niya. Natigilan siya.

“Bakit?” marahang tanong ni Aling Ester.

“Wala po, Ma.”

“Naiiyak ka ba?  Hindi pa naman ako patay, ah,” sinusubukang magpatawa ni Aling Ester pero may pait ang mga katagang binigkas.

“Hindi po. Napuwing po kasi ako. Yung alikabok galing sa electric fan,” pagtatanggi ni Leo.

Nakita ni Aling Ester na pinagbubuhol ni Leo ang mga nalagas na hibla ng buhok sa kamay niya.  “Huwag kang mag-alala. Normal lang daw yan sabi ni Dr. Marquez.  Dahil sa mga gamot ko. Matapang daw kasi kaya ganyan,” paliwanag niya.

Pinipigil ni Leo ang pagluha at napalunok siya. Walang lumabas na salita sa bibig.

“Oo nga daw po,” sa wakas ay nasabi niya. Gumagaralgal ang kanyang boses. “Siguro po dahil din sa init ng panahon. Umaayon na rin po ang inyong katawan.” Hindi naiwasang mapabuntong-hininga si Leo.

Napaiwas ng si Aling Ester pero muling tiningnan si Leo. “Naalala ko noong maliit ka. Yung una mong gupit.  Ayaw mo pagupit noon. Pinilit kita. Dinala kay Mang Berting, dun sa kabilang kanto. Wala kang magawa. Iyak ka ng iyak. Kaya kita pinakalbo para dina mahirapan si Mang Berting.” Patigil-tigil si Aling Ester, napapangiti sa naaalalang lumipas.

“Opo, panay nga po ang tukso sa akin noon. Kalbo ang tawag sa akin sa school at maging ng mga kalaro ko sa mga kapitbahay,” pagtutuloy ni Leo sa kuwento ng ina.

“Pero panay ang shampoo mo kahit kalbo ka na. Inubos mo yung shampoo nung anak ni Pepe.”

“Ah oo. Si Karen po. Tumira nga po pala sila dito noon. Natatandaan niyo pa ha? Nasa States na po siya ngayon. Nakapag-asawa ng foreigner.”

“At panay lagay mo pa ng pomada ng lolo mo. Kaya ka napagalitan.” Natatawa na si Aling Ester.

“Haha at tinago nga ni Lolo. Hayun, yung lana sa garapon ang inilagay ko sa ulo ngunit nung malanggam ang ulo ko dahil sa natira palang latik, tumigil na ako.”  Masaya si Leo na sumasaya ang kanyang ina.

“Haha, sumunod panay gel ka na. Teka naka-gel ka pa rin ngayon?”

“Opo.”

“Maski semi-kalbo ka na?”

Tumango na lang si Leo. Gusto niyang ipagkaila na naka-gel siya maski semi-kalbo ang gupit niya.

“Kita mo, gusto mo rin palang ganyan ang gupit mo!”

“Presko po kasi.”  Nangingiting sabi ni Leo. Napansin ni Leo ang kumukonting buhok ng ina, sana’y naprepreskohan din ang kanyang ina.

Maya’t maya’y pumikit muli si Aling Ester para makapagpahinga. Nagdasal si Leo para sa tuluyang paggaling ng kanyang ina. Dinampian ni Leo ng halik sa noo si Aling Ester at binulungan malapit sa tenga nito, “Maraming salamat po, Ma.  Mahal na mahal ka namin.”

Hindi na napigilan ni Leo ang pagpatak ng luha sa kanyang pisngi. Pinunasan na lang niya ito gamit ang likod ng kanyang kamay habang pabalik siya sa kanyang upuan para ipagpatuloy ang pagbabantay.

gasgas

Bakit parating mali ang sagot ko tuwing tinatanong ako kung ilang taon na ako?  Magpa-hanggang ngayon ay hinahanapan ko ito ng paliwanag…

Hindi ba’t isang kapangyarihan ang pagtigil ng pagtanda? Kay inam maging bata at maraming nagagawa. Malaya.  Ngunit may limitasyon—ang pagiging responsable.

Marahil nga’y nagpapabata ako; pilit na itinatago ang edad kahit halata rin naman. Maraming gustong gawin. Pilit pinagkakasya ang mga oras ng paggawa sa isang araw.  Hanggang sa abot ng makakaya.  Hanggang sa kayang sagarin.

Sapol ako sa sinabi ni Mang Ernesto kay Rogelio:

“Hindi kulang ang kapangyarihan ng tao. Tayo ang kalabisan. Ilusyon. Xxx”

Tungkulin mong tumulong sa kapwa dahil may kakayahan ka at gusto mong tumulong. Pero wag mo kakalimutan na hindi mo mababago ang mundo at hindi mo maililigtas lahat ng tao.  Hindi ikaw ang unang nagtangka… hindi ikaw ang magiging huli… hindi ka solusyon. Pero hindi dahilan yon para mawalan ka ng pag-asa at tumigil sa pagbibigay nito.

“Gawin mo ang tingin mong nararapat bilang tagapagligtas, pero wag mong pababayaan ang sarili mo bilang anak ko.”

“Maging bayani ka ng sarili mong buhay.”

(Ong, Bob. Kapitan Sino. Pasay City: Visprint, 2009.)

Katuwang ang mga nahalal na tagapaglingkod ng ating bansa, marapat lamang na gawin natin ang ating mga tungkulin. Kanya-kanyang parte, sama-sama, kapag pinagbuklod ay magiging isang buo.

“Xxx Si ‘Ging-ging’.  Hinabol nya si Bok-bok na kilala niyang kaibigan ni Rogelio at tinanong habang nagpupunas ng luha.

‘Kuya! Kuya! Mag-aayos ka rin ba ng mga sira?’

Nginitian siya ni Bok-bok. ‘Kung ano ang kaya ko.’

Kumislap ang mga mata ng bata sa tuwa. ‘Ako rin!’ At iniunat nito ang mga kamay na parang lumilipad na ibong habang tumatakbo papunta sa iba pang bata.”

(Ong, Bob. Kapitan Sino. Pasay City: Visprint, 2009.)

Ako si Taribong, 34. Pilipino. At mahal ko ang Pilipinas.