Pagbabalik… Pagbabago… Pagsulong!

Nang una kaming magkakilala ng pamosong Lio Loco ng thessddmantra.net, tinanong niya ako “Wala ka bang balak mag-abroad, Kuya?” Ang sagot ko naman: “Dati, meron.  Pero ngayon, wala na.  Matanda na ako; hanggang trenta’y singko lang ang karaniwang tinatanggap sa pagtatrabaho sa ibang bansa.”  Saglit na nabalam ang aming pag-uusap dahil tinawag na kami ng mga kaibigang naghihintay sa amin sa pagtitipong aming pupuntahan.  Sa kalaunan, nilamon ng sari-saring paksa ang una naming napag-usapan.

 

 

 

Kabilang si Lio sa lumalaking bahagdan ng ating populasyon na gustong mag-abroad.  Umaasang mahahanap ang magandang kapalaran sa ibang bansa kung saan mas mataas ang pasahod, kung saan mas malaki ang kita, kung saan maaaring matamasa ang mga hinahangad para sa pamilya.

Hindi na nga siguro mapipigilan pa ang patuloy na migration ng manggagawang Pilipino. May aalis, may babalik at mayroong aalis muli.  Ang masaklap, dumarami ang OFWs na pumipirmi sa ibang bansa at bumabalik na lang sa Pilipinas kung retirado na sila.  Idagdag pa rito ang mga nagbubunying OFW na maaaring magkamit ng permanent residency sa Hongkong alinsunod sa desisyon ng Mataas na Hukuman doon. Sa wakas, kinilala at pinagtibay ang karapatan ng ating kababayang manggagawa sa banyagang lupain!

Isang mapait na katotohanan ang paglikas ng ating kababayan upang magtrabaho sa ibang bansa.  Ang mga utak at mga kamay na dapat bumubuo sa ating pagkabansa ay unang pinakikinabangan ng mga banyaga at ang karagdagan o mas maliit na bahagi sa kapakinabangang iyon ang siyang naibabalik sa Pilipinas o kaya’y tinatangkilik sa pagpapaandar ng ekonomiya ng bansa. At dahil kinikilala ang kanilang kontribusyon sa ating bansa, ang OFW ay bayani sa makabagong panahon.

Marami ang kumakapit at kakapit sa pag-asang hatid ng kinang ng salapi ng lupang banyaga, anumang hirap ang kailangang tiisin, maski na kailanganing ipagbili ang ilang natatanging ari-arian, maski na mapapalayo sa pamilya at mga mahal sa buhay, maski na hindi palarin sa unang pagkakataon dahil sa panloloko ng mga mandaraya at mapagsamantala.  Magpapatuloy ito… hanggang nanatiling bulag ang pamahalaan at ipinagpipilitan ang hungkag na estadistikang kayang mabuhay sa halagang P265.00 kada araw ang isang pamilyang binubuo ng limang katao, hanggang nananatiling basag ang tinig ng mga lokal na manggagawa, hanggang patuloy na binabarat at nababarat ang ani ng mga mangingisda at magsasaka, habang patuloy na hinihigpitan ang sinturon ng mga mangangalakal at kapitalista, hanggang hindi nagkakaroon ng pagbabago sa kalakarang ito.

Ito ang reyalidad na kailangang harapin sa ngayon: ang diaspora ng manggagawang Pilipino.  Paano na ang Pilipinas?

Parehong nars ang pinsan kong si Lorelia at ang kanyang asawang si Sherwin. Nagtrabaho sila sa UK ng ilang taon, nagkaroon ng anak, nakapagpatayo ng bahay sa probinsiya, nagbakasyon ng ilang linggo sa Pilipinas bago lumipat ng pagtatrabahuan sa Canada kung saan sila nakatira ngayon.  Bihirang may tumira sa itinayo nilang bahay sa probinsya bagamat paminsan-minsan ay dumadalaw doon ang Tita Lorraine kasama ang katulong upang maglinis at magtanggal ng agiw at alikabok.

Si Roselee ay nasa United Kingdom pa rin. Sumunod na rin ang aming kaklase at kaibigang si Cheryl. Sa Inglatera nila natagpuan ang kanilang pag-ibig, sa mga kababayang Pinoy din at ngayon nga’y sa Europa nila binubuo at tinutupad ang mga pangarap.

Lumihis ng karera si Julio, ang masipag at mabait kong katrabaho dati.  Isa’t kalahating taon na siyang nagluluto sa Saudi Arabia at tatlong beses na siyang tinanghal na Employee of the Month sa kanilang restaurant.  Na-miss ko tuloy ang mga niluluto niyang iba’t ibang putahe tuwing may handaan lalo na kung pista sa Tondo.  Ang kawalan sa kulinarya ng Pritil ay karagdaragan sa kulinarya ng Dammam.

Pabalik-balik si Manuel sa Angola upang manggamot sa mga manggagawang maysakit sa isang malaking construction firm sa Soyo.  Salamat na lang at sina Jake, Gerald at Xati ay nananatiling doktor dito sa Pilipinas, hindi nga lang sa bayan namin…

Si James ay electrical engineer sa Japan.  Sa pagbabanat-buto (at pagbabatak-utak?) niya roon ay naitaguyod niya ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid, na ngayon ay mga propesyonal na rin:  isang abogado, isang inhinyero at dalawang nars.  Mataas ang paggalang at paghanga ni Martinelli sa kanyang Kuya James.  Ipinagyayabang kong sasabihing kaklase ko sa high school si James at saludo ako sa kanya!

Si Alex ay nasa Singapore.  Si Roanne ay nasa Macau.  Si Liza ay nasa Dubai. Mula Honduras ay nakabalik na sa Germany si Ymay ngunit sa isang linggo ay pupunta na sila sa Bali, Indonesia kasama ang kanyang amo/katulong na madedestino roon.

Si Agbayani ay nasa Vancouver. Si Dexter ay nasa Saudi.  Si Jhic ay nasa Hongkong.  Si Claire ay nasa Shanghai. Si Posse ay nawawala, nasa Alemanya pa kaya siya?

Silang lahat ay mga OFW at magiliw kong masasabi na ako ay may mga kamag-anak, kaklase, kaibigan, katrabaho, kainuman, kabarkada at kakampi na mga bayani!

Ngunit nararamdaman kaya nila ang pagiging bayani sa banyagang lupain?  Napagtatanto ba ng mga OFW ang pagiging “heroes in strange lands”? Hindi ba’t tuwing uuwi ang isang OFW, dinudumog siya ng tao: mga kamag-anak, kaibigan, kakilala.  Naroong may mangungumusta, mag-uusisa kung ano ang dala, kung ano ang napala sa pag-aabroad at kung may pasalubong ba.  Yun nga ba ang matatawag na hero’s welcome?!?

Kung ang ating think tank at skilled workforce ay nasa iba’t ibang lupain sa labas ng Pilipinas, paano na?  May uuwian pa ba ang OFW na Pilipinas?  Magiging bayani pa ba ang OFW sa nawawalang Pilipinas?

Hindi lingid sa atin ang kuwento ng ating mga sinaunang bayani, na sa pamimilit ni Paciano, nangibang-bansa si Jose Rizal upang mag-aral at magpakadalubhasa.  Namulat ang kamalayan ni Rizal sa iba’t ibang bansang kanyang napuntahan; at bumalik siya upang ihatid ang pagbabago, upang mapalaya ang Pilipinas sa paninikil ng mga mapang-aping Kastilang nasa poder.  Sa pagsali ni Rizal sa La Liga Filipina, isinulong nila ang pantay na pagtingin ng pamahalaang Kastila sa lahat ng mamamayan, may dugong Kastila man o wala.  Ngunit higit pa roon ang inihatid ng kanyang sinulat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ginising niya ang natutulog na damdamin ng naaapi at inaalipustang indio kung kaya sumiklab ang himagsikan upang makamit ang inaasam na paglaya.

Hindi nalalayo sa himagsikang iyon ang dapat maganap sa ating lipunan sa kasalukuyan: ang himagsikan para sa pagbabago.  Malaking hamon para sa OFW na tumugon sa panaghoy ng naghihingalong Pilipinas.  Hindi kaya abuso nang maituturing ang paghingi ng dagdag na biyaya o tulong sa kanila bilang mga bayani?

Hindi man hayag, marami rin sa ating mga kababayan ang tumugon sa panawagang ito.  Si Manuel V. Pangilinan ay isa sa mga natatanging halimbawa rito.  Hindi siya tumigil sa pagsisilbi sa Singapore at Hongkong bilang executive doon.  Bagkus, umuwi siya sa Pilipinas upang itaguyod ang ating ekonomiya sa paraang alam niya. Ngayon, siya ay kinikilala sa maayos at matatag na pamamahala at pagpapatakbo ng iba’t-ibang negosyo sa bansa.

Ang mga nagwaging Ramon Magsaysay awardees na sina Christopher at Ma. Victoria Bernido na nagpakadalubhasa sa ibayong-dagat ngunit tinalikuran ang trabaho roon upang bumalik sa Pilipinas at magtatag ng sariling paaralan.  Bagamat hirap, isinulong nila ang pagtulong sa paglaganap ng edukasyon sa kanilang bayan sa Jagna, Bohol.

Mga ilang taon ding nagtrabaho si Rico sa Nigeria bilang electronics and communications engineer doon kung saan nagsikap siyang matupad ang kanyang mga pangarap.  Napatayuan niya ng bahay ang kanyang ina, pinapag-aral niya ang kanyang mga pamangkin, tinutulungan niya ang kanyang dalawang kapatid sa kanilang mga gastusin, dagdag na rin dito ang mga hingi at utang na hindi binabayaran ng mga kamag-anakan.  Ngunit nagbago ang lahat ng dinapuan si Rico ng karamdaman.  Nagamot siya sa ibang bansa, ngunit nangulila siya sa pag-aaruga ng mga taong totoong nagmamahal sa kanya kung kaya bumalik siya sa Pilipinas. Handa na siyang mag-retire ngunit kinumbinsi siya ng dating kompanya para bumalik sa trabaho at ibahagi ang kanyang kaalaman at kakayahan.  Ang pinakamainam, sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, natagpuan niya ang babaeng pinakamamahal; kaya naman, masigla silang nagtatrabaho at naglilingkod para sa ating bansa.

Hindi ko sinasabing sina MVP, ang mag-asawang Bernido at si Rico lamang ang tunay na bayani. Ang sinasabi ko lamang ay lamang sa pagkabayani ang direktang tumutugon sa pagbabahagi sa ating pagkabansa.  Huwag rin nating kalimutan o isantabi o ipagwalang-bahala ang mga sari-saring ambag sa ating pagkabansa— ni Herbert bilang naval aviator, ni Jaime bilang city fire marshal, ni Jason bilang IT staff, nina Al Romuald, Larry at Journalisa bilang mga guro at dakilang tagapaghubog ng mga murang isipan, nina Jerome, Arnie at Michelle bilang mga auditor at accountants, ni Karen bilang ghostwriter, ni Kristina bilang statistician, ni Stephen bilang medical representative, nina Jewel, Renante, Emil at Mavic bilang mga manananggol at tagapagtaguyod ng katarungan, ni Jeoffrey bilang environmentalist at mangangalakal ng bote at diyaryo, ni Max bilang rice trader, nina Leonard at Lyndahl bilang mga inhinyero,  at ang marami pang mga manggagawang matibay ang sikmura at may matibay na dibdib na naiiwan at nananatili sa ating bansa upang sagupain ang mga suliranin sa ating lipunan sa araw-araw.

Ang hinahangad ko lang naman, sa pagbabalik ng OFW, maliban at higit pa sa pasalubong (na sana ako ay maambonan!), ay ang dala niyang pagbabago. Para sa pag-unlad at pagsulong ng bansa!

*           *            *

Ang post na ito “Pagbabalik… Pagbabago… Pagsulong!” ay inilahok sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2011 na may temang ““Ako’y Magbabalik, Hatid Ko’y Pagbabago.” (I Will Return, I Will Bring Change.)” at tinanggap bilang “Official PEBA 2011 Nominee No. 16 for OFW Supporters Division” ng http://www.pinoyblogawards.com/.  Ang mambabasa ay inaanyayahang suportahan ang tampok na akda: maaaring mag-iwan ng puna o komento sa ibaba at bumisita lamang sa http://www.pinoyblogawards.com/ para bumoto– nasa kanang bahagi ang botohan, markahan ang parisukat sa tabi ng “16. Ang Alingawngaw ng Taribong, Makati“, pindutin ang “submit vote” at kumpirmahin ang iyong pagboto. Hanggang sa  ika-5 ng Disyembre 2011 lamang po ang botohan. Maraming salamat.  😀

Protected: ssdd.4

This content is password protected. To view it please enter your password below:

Ang Maskara ni Batman

Nagpaalam si Lemuel sa ina para umihi sa palikuran ng Philippine General Hospital.

“Huwag ka lang lalayo at matatapos na rin kami sa pag-uusap ni Dr. Fuentes. Bumalik ka kaagad dito, ha? ” nag-aalalang wika ni Regina kay Lemuel. “Samuel, huwag ka nang sumama.” Baling nito sa mas nakababatang anak bago ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa plastic surgeon.

“Opo, nanay,” sagot ni Lemuel.

Nadaanan ni Lemuel ang isang batang pasilip-silip sa bintana ng hospital. Tinanaw ni Lemuel kung ano ang tinitingnan ng bata. Pinagmamasdan pala ng bata ang mga batang naglalaro sa may parking area ng hospital. Sa tantiya ni Lemuel, hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad. Tuwing titingala ang mga batang nasa ibaba sa kanyang kinatatayuan, ikinukubli ng bata ang sarili sa pader. Iniiwasan niyang makita siya ng mga ito.

NANDOON PA RIN ang bata sa bintana nang pabalik na si Lemuel sa opisina ni Dr. Fuentes. Hindi natiis ni Lemuel na hindi mag-usisa.

“Bakit ka nagtatago? Ayaw mong bumaba at makipaglaro sa kanila?” tanong ni Lemuel sa bata.

Yumuko lang ang bata. Namula ang kanyang maamong mukha na pilit itinatago sa kanyang sa pagkakayuko at pagbaling sa dingding.

Ngunit halata ni Lemuel ang kapansanan ng bata. Pareho silang may facial cleft. Pero mas malala ang kondisyon ng bata, apektado ang kanan at kaliwang bahagi ng kanyang mukha. Halos nakaluwa na ang mga mata dahil sa facial defect.

Dinukot ni Lemuel ang nakatuping maskara sa likod ng kanyang pantalon. Iniabot niya ito sa bata.

“Heto na lang ang gamitin mo para hindi ka na pasilip-silip lang sa bintana. Kunwari, ikaw si Batman. Kilala mo ba si Batman?” tanong ni Lemuel.

Tumango-tango ang bata. Nahihiya nitong tinanggap ang maskarang itim..

“Gawa ko iyan,” pagmamalaki ni Lemuel. “Ako pala si Lemuel. Ano palang pangalan mo?”

“Jj—Janus,” mahinang sagot ng bata. Maayos ang kanyang pagsasalita kumpara sa ibang batang katulad nila. Madalas kasi ay ngongo ang batang may facial cleft.

“Ilang taon ka na? Ako, 10,” sabi ni Lemuel kay Janus.

“Pito.” Ipinakita ni Janus ang limang daliri sa kanang kamay at ang dalawa pang daliri sa kaliwa.

“Sige, Janus. Isuot mo na ang maskara para maging si Batman ka na. Kunwari nasa Gotham City ka, kita mo ang lahat ng mga nasa paligid mula rito sa taas. Mag-iiba na ang tingin sa iyo. Hihingi sa iyo ng tulong ang mga tao, lalo ang mga naapi. Ayos ba iyon?” muling tanong ni Lemuel.

“Oo. Ayos,” nahihiyang ngumiti si Janus. Hindi na siya nahihiya sa kanyang itsura dahil sa bigay ni Lemuel na maskara sa kanya.

SA HINDI KALAYUAN ay napagmasdan ni Regina ang buong pangyayari. Nasaksihan niya ang ginawa ni Lemuel. Masaya si Regina sa malaking pagbabago sa ugali ni Lemuel matapos siyang maoperahan ni Dr. Fuentes at malagyan ng titanium plates sa mukha. Sinabi ni Dr. Fuentes na oobserbahan pa ang paggaling ni Lemuel para malaman kung kakailanganin pa ang karagdagang operasyon para maiayos ang congenital defect ng bata.

“Kuyyyaaa,” tawag ni Samuel kay Lemuel.

Natigil si Lemuel sa pakikipag-usap kay Janus. Nagpaalam si Lemuel sa bagong kaibigan bago siya lumapit sa kanyang ina at kapatid.

“Kaibigan mo, Kuya?,” tanong ni Samuel kay Lemuel.

“Bagong kaibigan,” sagot ni Lemuel.

Lumakad si Samuel at kinalabit si Janus. Ibinigay ni Samuel ang hawak na fruit juice saka tumakbo pabalik kina Lemuel at Regina.

“Salamat,” pahabol na tawag ni Janus kay Samuel bago tuluyang itinuon ang pansin sa panonood ng mga batang naglalaro sa ibaba. Hindi na nagtatago sa pader si Janus dahil sa suot na maskara.

“O paano yan, wala ka nang juice?” tanong ni Regina kanyang limang taon gulang na anak.

“Hingi na lang po ako sa inyo. Love mo naman ako eh.” Sagot ni Samuel at saka niya itinaas ang dalawang kamay para magpabuhat sa ina.

“Mabigat ka na. Pagod si Nanay. Kay Kuya ka na lang magpabuhat.” sabi ni Regina sa anak.

“Kuya, pakarga,” paglalambing ni Samuel sa kanyang nakatatandang kapatid.
“Kuya, wala ka nang toy mask?” pahabol nitong tanong.

“Gagawa ulit tayo.” Sabi ni Lemuel, sabay buhat si Samuel sa kanyang likod.

Agad na hinalikan ni Samuel si Lemuel sa kaliwang pisngi kung saan hindi pantay ang kanyang mukha. Bago ang operasyon, hindi naipipikit ni Lemuel ang talukap ng kanyang kaliwang mata. “Thanks Kuya. Igawa mo din ako, ha?”

“Oo ba!” natatawang sabi ni Lemuel.

Hinaplos ni Regina ang likod ni Samuel, pagkatapos ay kumapit siya sa braso ni Lemuel. Lumalaki na nga sina Samuel at Lemuel. Parang kailan lang ay mga sanggol lamang ang mga ito.

Magaan ang pakiramdam na binaybay ng mag-iina ang pasilyo ng pagamutan.

2Itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Guro, sino ang nagkasala na ang lalaking ito ay ipanganak na bulag? Siya ba o ang kaniyang mga magulang?
3Sumagot si Jesus: Hindi ang lalaking ito o ang kaniyang mga magulang ang nagkasala. Ito ay nangyari upang ang mga gawa ng Diyos ay mahayag sa kaniya.
(Juan 9: 2-3)

Lahok sa Kategoryang Maikling Kwentong Pambata ng Saranggola Blog Awards 3

Naglalaro ba ang tadhana?

Naninibago si Roger sa kanyang nararamdaman. Nagtataka siya sa sarili kung bakit siya kinakabahan. Mabilis ang tibok ng kanyang puso kaysa sa normal. Luminga-linga siya sa loob ng silid bago niya nilimas ang alahas na laman ng pinagbuhol na bandanang nakatago sa mumurahing bag na nasa maliit na drawer sa ilalim ng built-in cabinet. Kaunti lamang ang nakuha ni Roger; mukhang nakutuban ang may-ari ng bahay sa pagsalakay niya o sadya lamang sigurong hindi mahilig sa alahas ang nakatira rito.

Pumasok si Roger sa kabilang silid at pinuntirya ang study table na naroon. Mabilis niyang binuksan ang mga drawers pero puro resibo, papel at mga panulat lamang ang mga naroon. Dinampot na lamang niya ang laptop na nasa ibabaw ng mesa at isinilid sa knapsack na nakalaylay sa kanyang kanang balikat.

Nakatawag-pansin kay Roger ang paperweight sa mesa. Pangkaraniwang bato lamang ito: pantay ang ibabaw, medyo manipis at may tatlong guhit sa gitna, makinis ang kabuuan ngunit may gasgas sa isang gilid nito. Hinawakan ni Roger ang bato.

“HOY! Anong ginagawa mo riyan,” malakas ang tinig ng isang babae sa may pintuan. Napalingon si Roger, napansin niyang may hawak na baril ang babae. Hula ni Roger ay Browning 9mm semi-automatic pistol ang nakatutok sa kanya.

“Lumayas kang magnanakaw ka. Kung ‘di ay babarilin kita,” madiin ang pagkakasabi ng babae. Galit. Nagngingitngit sa galit. Katulad ng matinding sikat ng araw sa labas.

Hindi makakilos si Roger. Naguguluhan siya. Pamilyar ang tinig ng babae. Hindi niya magawang ipukol ang batong hawak niya.

Akmang tatalilis na si Roger nang biglang mapansin ng babae ang batong hawak niya. Bago pa man ito maibato ay kinalabit na niya ang gatilyo ng baril. Umalingawngaw ang putok at nasundan pa ito ng tatlong beses dahil sa sobrang nerbiyos noong babae.

Bagama’t napapikit ang babae nang kanyang pakawalan ang mga putok, sapol sa dibdib si Roger. Tagos ang dalawang bala sa katawan nito.

Napatumba si Roger. Sumalampak ang kanyang katawan sa sahig.

“Ccc….. Ccristina Fferrrer?” pinilit ni Roger na mabigkas na malinaw ang pangalan. Lalo pang bumilis ang pintig ng kanyang puso.

“Sino ka? Bakit mo ako kilala?” tanong ni Tina sa lalaking duguan sa harap niya.

Hinahabol na ni Roger ang paghinga, “Huwag mo na ak-kkong kki-kkilalanin. Sorry. Pattawarrin mo akkko.”

“Huwag mo ipappaa-alam kay Chris.. Cchristopher, ‘yung anak kko.” Pinipilit ni Roger na ngumiti pero hindi niya magawa “Sunodss ‘pangalan mo.”

Natigilan si Cristina. Parang nabuhusan siya ng malamig na tubig.

“MA, ANONG nangyari? Anong putok….” Humahangos ang binatilyong papasok sa silid nang matambad sa kanya ang inang may hawak ng baril kaharap ang lalaking nakalugmok at duguan.

“Jj—Jjjericho, huwag ka nang lumapit dito. Tttu-tumawag ka na ng ambulansiya,” utos ni Tina sa anak.

Agad na tumalima si Jericho. Hinanap ang directory at pumindot ito sa telepono.

“ROGER Corrales? Bakit? Annong nangyari??” nagitla si Tina. Tatlong dekada nang hindi sila nagkita ng kababata at ngayon pa’y sa hindi inaasahang pagkakataon.

“Anng pamato…” napapikit si Roger at napangiti, tila umaapaw ang diwa.

“Nasa iyo pa ang pamato.. Ssa-salamat.” Ibinuklat ni Roger ang kanyang kanang palad.

“Oo. Nasa akin pa ang pamato. Gaya ng pangako ko..” Nagsisimulang pumatak ang mga luha ni Tina.

Pilit namang binubuksan ni Roger ang kanyang polo. Lumapit si Tina at tumambad sa kanya ang tattoo sa dibdib ni Roger. Bagama’t duguan, kitang-kita ni Tina ang isang sixteenth note katulad ng inukit nila sa puno ng mangga noong bata pa sila. Matingkad ang pagkakaukit ng kalahati ng bilog na parang titik C at ang tangkay ay matingkad ang ukit na parang titik F na siyang initials ni Tina. Bumuhos na ang luha ni Tina, napaupo siya sa tabi ni Roger.

Itinataas ni Roger ang kamay papunta sa mukha ni Tina. Kinuha ni Tina ito at idinampi sa kanyang pisngi. Naramdaman ni Tina ang pagpisil ng kamay ni Roger na tila pinapawi ang mga luha nito ngunit nanghihina na ito.

Hindi na napigil ni Tina ang pagdaloy ng luha. Si Roger ang kanyang kaibigan, ang kanyang tagapagtanggol noon. Siya ang sumasaway sa mga nang-aalipusta sa kanya dahil sa kanyang kapansanan. Pinagbabantaan ni Roger ang nang-aaway sa kanya. Pero umalis sina Cristina sa San Isidro at lumipat sa Nueva Caceres. Labing-isang taong gulang pa lang sila nang magkahiwalay. Tanging ang pamato sa mga larong kalye ang naiabot ni Roger na alaala para kay Tina, na sinuklian ni Tina ng halik sa pisngi bago tuluyang umalis.

Matagal na panahon ang lumipas. Katulad ni Tina, inasam-asam ni Roger na muling magtagpo ang kanilang mga landas. Makailang ulit na lumipat ng tirahan sina Tina kung saan man madestino ang kanyang ama. Sinikap ni Roger na hanapin si Tina pero nanatiling bigo siya.

At ngayon nga, sa wakas ay muli nilang natagpuan ang isa’t isa. Napapasinghap na si Roger.

“Jericho, ano ba? Wala pa bang ambulansiya??” pabulyaw na sigaw ni Tina sa anak. “Isinunod ko sa pangalan mo,” baling niya kay Roger na nakatulala.

“Jericho, tumawag ka na ng kapitbahay… tumawag ka na ng saklolo…” gumagaralgal na si Tina. Nadadaig na ng kanyang hagulhol ang kanyang palahaw.

“DADDY… BARIL KO,” bulong ni Christopher habang tulog. “Baril ko….” Napabalikwas si Cristopher at hinahanap ang laruang baril-barilan. Humihikbi na ito.

“Ano bang hinahanap mong bata ka,” usisa ni Elena sa anak na kanyang pinapaypayan. Magtatakipsilim na’y pawisan pa rin ang mag-ina dahil tatlong araw na silang naputulan ng kuryente. Ibinaliktad na ni Roger ang kuntador ngunit bumalik ang mga taga-Meralco at tuluyan nilang tinangay ang kuntador sa kuryente. Hindi tuloy nila magamit ang kakarag-karag na bentilador.

“Wala yung baril mo, saan mo ba kasi inilagay? Ito na lang.” Iniabot ni Elena kay Cristopher ang dumptruck na laruan. Hinawakan ni Cristopher ang laruan at muling nahiga. Kinuha niya ang boteng naglalaman ng kape at isinubo ito. Dapat gatas ang iniinom nito pero walang magawa si Elena. Umaasa siyang magkakalaman din ang kanilang tiyan pagdating ni Roger.

Muling napapikit si Christopher. Gumulong ang dumptruck sa kanyang katawan. Maski papatulog ay napahigpit pa rin ang hawak ni Cristopher sa pising nakatali sa dumptruck. Bumitin ang dumptruck habang unti-unting humuhulagpos ang tali sa pagkakahawak ni Christopher. Hanggang sa tuluyang bumagsak ang dumptruck sa lupa.

“DADDY….” pabulong na sambit ni Christopher na tila nanaginip lang.

Lahok sa Kategoryang Maikling Kwento ng Saranggola Blog Awards 3

ssdd.3


Isang MInutong SMILE Logo


Walang bayad ang ngiti kaya huwag itong ipagkait sa sarili.

Huwag ipagdamot ang ngiti sa iba dahil hatid nito’y saya’t pag-asa.

Salamat sa mabubuting sponsors ng SMILE Quotes Contest : Field of Dreams, Alohagems on Squidoo, ISP101 at from the dungeOn.