welGA(S)

Magiliw na sinalubong ni Pearl ang paparating na ama.  Pagpasok ni Mang Ferdie sa may gate ay hinawakan na Pearl ang kamay nito at magkasabay silang lumakad papasok ng bahay.  Gustong-gusto ni Pearl na maagang umuuwi si Mang Ferdie.  Hindi katulad dati na madilim na’y wala pa ang ama.  Ang pinag-iba lang, mas bugnotin  ngayon si Mang Ferdie.

Nagtanggal ng sapatos at medyas si Mang Ferdie.  Sumuot sa ilalim ng upuan si Pearl para ilapit ang tsinelas ng ama.  Pagkatapos ay walang imik na kinuha ni Pearl ang sapatos at inilagay sa likod ng pintuan.

Umupo si Pearl sa katabing upuan malapit sa ama. Pakuya-kukakoy ang mga paa habang nakatingin siya kay Mang Ferdie na naka-sando na lang ngayon. Ang polong hinubad ay nakasabit sa taas ng kinauupuan nito.

Napansin ni Mang Ferdie ang anak na nakatingin sa kanya. “Kumusta ang baby ko? Wala ka bang kalaro ngayon?”

“Ok naman po. Wala po sina Oying sumama sa nanay niya sa palengke.”

“Hayaan mo, malapit nang dumating si bunso. May makakalaro na kayo ni Nanay.” Ngumiti si Mang Ferdie sa anak.  Sabay tingin kay Me-Ann na naghahanda ng kanilang hapunan. Tatlong buwan na lang ay  manganganak na si  Aling Me-Ann ng kanilang pangalawang anak.

“Ang aga niyo po.” Nakangiting sabi ni Pearl sa ama.

“Oo, anak. May welga kasi sina Tatay sa pabrikang pinagtatrabahuhan. Kaya maaga ang Tatay umuuwi ngayon,” paliwanag ni Mang Ferdie.

“Ano po ang welga?” usisa ni Pearl.

“Ang welga, strike. May mga dalang placards at posters ang mga manggagawa,” sagot ni Mang Ferdie kay Pearl.  Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya kayang magalit sa pagtatanong sa anak gayong pagod at gutom na siya sa maghapong pagkabilad sa araw sa labas ng pabrika.

“Ano pong placards tsaka posters.”

“Katulad dun sa mga politiko na nangangampanya para iboto sila ng tao, yung mga nakasabit sa mga pader, sa mga kawad ng kuryente at yung nakalagay sa harap ng tindahan nina Tess,” sabi ni Mang Ferdie.

“Bakit merong ganon kayo?” tanong ulit  ni Pearl.

“Kasi kailangan naming ipaabot sa pamunuan na taasan kami ng suweldo.  Maliit kasi ang kinikita nina Tatay.  Hindi sapat para punan ang mga gastusin sa pamilya,” parang nabarahan sa lalamunan si Mang Ferdie.  Hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pag-uusap nila ng kanyang anak.

Hindi maintindihan ni Pearl ang sinabi ni Mang Ferdie. Anim na taong gulang lamang si Pearl at hindi pa nag-aaral. Pero alam niya na may mabigat na dinadala ang kanyang ama, pati na rin ang kanyang ina.  Nakatitig lang si Pearl sa ama.  Ayaw na niyang magtanong pa.

“Halina na kayo at kakain na tayo,”  tawag ni Me-ann sa kanyang mag-ama.

“Tara na. Kain na daw sabi ni Nanay,” akay ni Mang Ferdie kay Pearl para maghugas ng kamay sa lababo.

Sa hapag kainan ay magkakaharap ang mag-anak. Dumakot na si Mang Ferdie ng kanin sa kanyang pinggan.  Kumuha rin siya ng ilang nilagang talbos ng kamote ay isinawsaw ito sa bagoong na may isang hiniwang hinog na kamatis. Gumaya si Me-ann at nilagyan din ng kanin at ulam ang pinggan ng anak.

Nakailang subo na si Mang Ferdie nang mapansin na nakapikit si Pearl. Kinalabit niya ito. Nang dumilat ay sinabi niyang, “Akala ko nakatulog ka.”

Ngumiti si Aling Me-ann kay Pearl, “Anong pinag-pray mo?”  Sa pakiwari ni Aling Me-ann ay Itinuturo siguro sa day care ang pagdarasal.

“Hindi po ako nag-pray,” sabi ni Pearl.

“Nakatulog ka ano?” natatawang sabi ni Mang Ferdie.

“Hindi po.  Iniisip ko lang na ham ang ulam. Katulad sa tv,” nahihiyang sabi ni Pearl.

Yumuko si Me-ann at ipinagpatuloy ang pagkain. Inabot ni Mang Ferdie ang pitsel at nilagyan ng tubig ang kanyang baso, saka siya uminom. Tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain.

“Hmm matustantiya ang pagkain natin ano Tatay?” tanong ulit ni Pearl.

“Masustansiya, anong matustantiya.  Tsaka kumain ka na lang, huwag mong guluhin ang Tatay mo. Sige ka ikaw ang maiiwan dito, ikaw ang maghuhugas ng pinggan,” pagsasaway ni Aling Me-ann kay Pearl.

Binilisan na ni Pearl ang pagkain dahil ayaw niyang maghugas ng pinggan. Maliit pa siya at baka makabasag siya ulit ng pinggan.  Ayaw niyang magalit ang kanyang ina.

Pagkatapos kumain ay muling naghugas si Pearl ng kamay.  Si Mang Ferdie ay umupo na ulit sa sala at nagbukas ng tv habang si Me-ann ay nag-umpisang magligpit ng kanilang pinagkainan.

“Pearl, halika.  Nood tayo ng tv.  Palabas ang mga batang panday,” pag-aanyaya ni Mang Ferdie sa anak.

“Hindi po. Panday Kids po yan,” pagtutuwid ni Pearl habang papalapit sa ama.

“Oo nga pala. Pasensiya naman at hindi nakakapanood ng tv ang Tatay,” malugod na pag-amin ni Mang Ferdie sa pagkakamali.

Umupo si Pearl sa tabi ni Mang Ferdie. Inihilig ni Pearl ang kanyang ulo sa hita ng ama. Hinagod ni Mang Ferdie ang buhok ni Pearl. “I love you po, Tatay,” mahinang sabi ni Pearl.  Napangiti si Mang Ferdie, parang nawala ang lahat ng pagod at sakit ng kanyang katawan sa maghapon.

Pagkatapos maghugas ng pinggan ay naupo si Aling Me-ann sa tabi ng kanyang mag-ama.  Iniayos niya ang mga paa ni Pearl sa kanyang kandungan.  Bumalikwas si Pearl at hinalikan ang nanay sa pisngi.

Hindi maikubli ni Mang Ferdie ang kanyang damdamin. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang mag-ina.

Previous Post
Next Post
Leave a comment

6 Comments

  1. Pa beys muna anak. Miss ko na ang beys na laro ah.

    May kurot sa puso ang iyong istorya. Simpleng realidad ng buhay…pero masaya andun ang pag-asa dahil may pagmamahalan at pag-ibig sa isang Pinoy na pamilya.

    Ingat lagi dyan & God Bless!

    Reply
    • toni

       /  May 16, 2010

      agree ako sa sinabi ni Superlo, simpleng realidad ng buhay na pinupuno ng pag-asa at pagmamahal.

      Reply
    • @superlolo. Base po kayo Tats. 1000 points! Hehe Si toni nga po nagpapraktis na rin sa pagbeys.

      Opo, sa hirap at ginhawa, ang pamilya ay masaya, basta’t sama-sama.

      Maraming salamat po. Ingat at God bless din po sa inyo.

      @toni haha second base ka toni. meron kang 999 points hehe. Talagang yung pagmamahalan ang nagtataguyod sa pamilya, dun nagmumula ang pag-asa para harapin ang mga hamon ng buhay. (Hmm hamon, parang ham din po ba yan? -Pearl)

      Reply
  2. Terdbeys! 998 points ba?? Tinatagpi ko pa rin ano kinalaman ng gas sa mga wento mo kuya Tar, keep up the creativity.

    Reply
    • Tumpak! Ah eh lumalanghap kasi tayo ng hangin? at kailangan natin ang hangin para manatiling buhay sa mundo?? magdadala na ba tayo ng gas tanks???

      Reply
  3. pagmamahal ay laging nandyan talaga, kong walang pagmamahal walang masayang pamilya.
    thanks for the post. God Bless

    Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: