Same Shit, Different Day

Tae na naman, ibang araw lang.

Hindi totoo yan.  Yung iba nga, hindi pa natatapos ang buong araw, nakadalawa o nakatatlo nang sunod-sunod na pagbisita sa kubeta. Yung iba naman,  sa susunod na araw pa!

Ay, mali ba ang unawa ko sa usapang tae sa pakonteshit ni Lio?

Sa aking pananaliksik, ang linyang peyborit ni Lio ay mababasa sa peyborit niyang libro na sinulat ng peyborit niyang may-akda.  Matutunghayan din ang linyang nabanggit sa pelikulang peyborit ni Lio kung saan ito ang isinagot ni Red noong tanungin siya kung ano ang kinalabasan ng kanyang application for parole.  Dahilan sa makailang ulit na pagkakatanggi, tanggap na ni Red na tatapusin niya ang hatol na habambuhay na pagkakakulong sa Shawshank.

Tulad mo rin ba si Red na nawawalan na ng pag-asa? Bilanggo ka ba ng pare-pareho at paulit-ulit na gawain? Nakakaranas ka na  ba ng pagkahapo, pagkabagot at pagod dahil tila walang pinatutunguhan ang iyong mga pagsisikap at pagsisigasig?  Ako man ay nakakaranas ng ganitong pagkakataon.

Sa ginawang pagtakas ni Andy nakakita si Red ng inspirasyon, ng pag-asa, ng liwanag na hindi pa tapos ang lahat. Dalawampu’t-pitong taon ang binuno ni Andy para mabutas ang malapad na pader ng piitan gamit ang maliit na martilyo na hindi namamalayan ng sinuman.  Tiniis niya ang pandidiri at nakakasulasok na amoy ng posonegro upang maisakatuparan ang inaasam na paglaya.  Ayon kay Red, ang sikreto sa matagumpay na pagtakas ni Andy ay ang kanyang hindi matatawarang pagpupursige at kasipagan; idagdag na rin dito ang suwerte, madaming-madaming suwerte, at ang katangian ng semento ng mga pader ng Shawshank.

Kung naihambing man natin ang sarili kay Red, mas makabubuting maging kawangis ni Andy.  Maski pagod at bagot na sa pare-pareho at paulit-ulit na gawain, ipagpatuloy lang sana ang pagsusumikap at pagsisigasig.  Huwag sanang mawawalan ng pag-asa dahil balang-araw, matatapos din ang lahat ng hirap na dinaranas.  Darating din ang inaasam na pagsulong at pag-unlad sa buhay at magkakaroon ng katuparan ang mga pangarap.  Na hindi na kailangan pang lumusong sa imbakan ng tae!

Ang tae naman ay hindi na rin tae sa ibang araw.  Magiging lupa rin ito kalaunan at maaari na itong maging pataba sa halamanan balang-araw; ibig lang sabihin, tae man ay may gamit din :D.  At kung ang tae ay mapabilang sa poso-negrong lulubluban ni Euguene Domingo sa Walang-wala Part II, artistang tae ang tawag dun bwahehe 😉

Nakaabot ka hanggang dito sa dulo? Gwwaarrk.

Ang tibay mo! Maraming salamat sa pagbabasa… Hanggang sa muling pagtatae!

patak

Sa pulutong ng mga nagsisiksikang taong nagmamadaling pumasok sa trabaho, eskuwelahan, o kung saanman sila patungo ngayong unang araw ng paggawa sa linggong ito, nagawa ko pang paikotin ang aking paningin sa loob ng tren upang piliting basahin ang mga tulang nakapaskil sa bubungan.  Hindi ko mawari kung sadyang ang mambabasang katulad ko ay pinapahirapan para matunghayan ang mga tula dahil pupuwede namang idikit ang mga karatula sa mga dingding o sa mga bintanang salamin na lamang.

Habang nakalaylay sa aking kanang balikat ang mabigat na attache bag, ang kanang kamay ay nakahawak sa handrail  at ang kaliwa nama’y hawak ang isang librong makapal at kulay-ubeng bimpong pamunas sa tumatagaktak ng pawis; napukaw ang aking pansin sa tulang nasa bandang likuran sa aking kaliwa mga isa’t-kalahating dipa sa aking kinatatayuan:

“Ulan nang ulan. Walang nangyayari.

Ibig sabihin, nangyayari ang wala.

Ang lakas ng ulan, talaga, ang sarap magpahinga.”

Natawa ako sa unang taludtod dahil makulimlim ang papawirin, nagbabadya na naman ng pag-ulan; at malakas din nga ang ulan kahapon, sinabayan pa ng nakakagulat na kidlat at kulog.  Napangiti ako sa pilosopong pangalawang taludtod– hindi nga nagiging balakid ang pag-ulan sa mga maaaring kaganapan, kung tutuusin, marami pa rin ngang nangyayari maski sa gitna ng rumaragasang pag-ulan (lalo na pag nasa silong!).

Bagama’t umaasa ako sa katotohanan ng pangatlong taludtod, hindi ako ganap na sumasang-ayon dito.  Sa ganang akin, kinakailangan pa ring gumawa kahit na sa kasagsagan ng ulan.  Sadya nga sigurong ganoon, sa sarili nating pasya.  Hindi tumitigil ang pag-ikot ng mundo para sa atin, magpapatuloy pa rin ito.

Huwag na sana tayong magtaka kung bakit panay ang ulan maski walang bagyo; ang intertropical convergence zone daw ang sanhi nito, dahil ang Pilipinas ay matatagpuan malapit sa equator kung saan nagsusugpong ang mga hanging nagmumula sa Northern at Southern Hemisphere na madalas ay nagtataglay ng mga kalupunan ng mga ulap na siyang nagdadala ng tubig-ulan na ibinubuhos sa kalupaan.   Katulad lang din siguro ng buhay, kailangang tanggapin na may mga dumarating na pagsubok, minsan ambon lang, minsan malakas ang buhos at aapaw pa ang baha; at pinagsisikapan nating makaalpas sa sitwasyon na iyon– sisilong saglit, papatilain ang ulan o kaya naman ay sasagupain pa rin ang ulan, may payong (o kapote?) man o wala.  Sa kabila nito, lilipas rin ang unos at huhupa rin pagbaha.  Ang mahalaga, higit sa lahat, buhay pa rin tayong nasisilayan ng araw!

Magandang araw sa ating lahat!!!!

tsokolate

“Gumising ka na riya’t handa na ang almusal. Hotsilog!” malugod na hikayat ni Marco sa pamangkin.

“Opo,” sagot ni Gilbert na tumagilid lang sa kinahihigaan maski paborito nito ang hotsilog.

“Maysakit ka ba?” lumapit si Marco at pinakiramdaman ang noo ni Gilbert. “Wala ka namang lagnat.”

Hinila ni Gilbert ang kumot hanggang sa kaniyang leeg at namaluktot. Naghinala si Marco na may hindi sinasabi ang binatilyo sa kanya. May tampo siguro.

“Hinatid ko sina George at Sol sa bus terminal kaninang madaling-araw. Hindi ka na namin ginising dahil pagod ka sa school; tsaka may try-outs ka pa mamaya, hindi ba?”

Nagtalukbong si Gilbert .

Marahang niyugyog ni Marco ang balikat ni Gilbert. “Bumangon ka na’t lalamig na ang pagkain.”  Hindi pa rin kumibo si Gilbert.

Bumalik si Marco sa kusina. Muli niyang ininit ang tsokolate sa takuri.