sANtINO

Hapo.  Pagod.  Puyat.  Ganyan ang mga nararamdaman ko sa nakalipas na dalawang araw.  Dahilan kung bakit paminsan-minsan ay sumasakit ang ulo, at wala ring ganang kumain.

Sabado na ngunit kailangang  pumunta ng opisina.  Dalawang araw ding naantala  ang aking mga gawain dahil kailangang asikasuin ang ilang mga bagay sa labas na nangangailangan ng agarang atensiyon at aksiyon,  na bagamat  ginawa ko ang kaya ko,  hindi  ito naging  sapat dahil sa bagal ng sistema at sa kupad ng  mga namamahala sa sistema.

Nakapanlulumo.  Katulad sa sitwasyon ni Padre Sinnott, ang paring dinukot sa  Pagadian ng hindi-pa-nakikilalang pangkat,  hindi malaman kung saan at kung paano simulan ang pagsagip.  Idinaan na lang ang  mga pakiusap sa tri-media para sa tulong ng kinauukulan, nanghihikayat ng mga panalangin para sa maayos na  kalagayan ng pari, na hindi siya sasaktan at agad na mapabalik.  Kagaya ng mga nag-aalala sa  pari, idinadaan ko na lang sa dasal na sana ay matapos  na ang mga problemang kinakaharap.

Pilit kong iwinawaksi sa isipan ang mga katanungang walang kasagutan.  Pilit tinatanggap ang pagkakaiba ng reyalidad sa ideyalismo.  Pinipilit kong ipahinga ang aking pagal na katawan. Pinipilit labanan ang antok para hindi makatulog sa tren (baka kasi pumailanlang ang atungal ng baka kapag nakatulog ako).  Maski sa konting panahon lang.  Maski mula North Edsa hanggang Magallanes lang.

Ayos na ang aking pagkakaupo sa gitnang bahagi ng tren.  Ipinaghehele na ako ng malamig na hangin mula sa  aircon.  Ngunit panandalian lang iyon, dahil sa Quezon Avenue station,  pumasok sa  tren ang isang mama na may kasamang bata.  Umupo sila sa pangatlo at pang-apat na puwesto mula sa akin.

Listo ang bata at maraming tinuturo sa mga nakikita  niya mula sa salamin ng tren.  Nagiging maingay na siya.  Ipinikit ko ang aking  mata.  Pilit ibinabalik ang ginhawang  kanina lamang ay tinatamasa ko pa.

Nag-umpisang kumanta ang bata. Iba-ibang bersiyon ng kanta. Iba-ibang tono ng iisang kanta.  Paulit-ulit.  Nakakairita sa pandinig.  Gusto kong pagsabihan ang kasama ng bata sawayin ang  bata, pero hindi ko ginawa.  May mga mas malapit sa kanila, na higit pang dapat mairita kaysa sa akin.

Sa daigdig ang buhay ay ganyan
Mayroong ligaya at lumbay
Maghintay at may nakalaang bukas

Ang iyong pagdaramdam
Idalangin mo sa Maykapal
Na sa puso mo ay mawala nang lubusan

Sa buong biyahe ko sa tren, yan ang napapakinggan ko.   Sa pagdaan sa bawat istasyon ng tren,  mas madaming sumasakay kaysa sa bumababa. Napupuno na ang tren, pero sige pa  rin sa pagkanta ang bata.

Wala pa ring sumasaway sa kanya.   Pinakinggan ko na lang.  Siguro nga’y may mensahe sa akin sa kanta.  Ganito ako nakapagpahinga,  may background music.

Maya-maya, sabi ng bata sa kasama, “Alam mo, Papa, noong wala  ka pa, noong kami pa lang ni Mama; hindi pa kayo kasal ni Mama.  May iniregalo si Mama sa akin na PSP, may laro dun na monster.  Gwerrrr!!”

Minulat ko ang aking mga mata, sinulyapan ko ang mama, mga 20-25 years old lang siya at ang bata, mga 6-8 years old lang din.  Ah, ang kainosentehan ng bata…  Ang  kamusmusan nga  naman, hindi alintana ang gulo ng mundo, at ang kanya-kanyang drama sa buhay…

Tuwang-tuwang bumaba ang mag-ama sa Ayala.

Pilit kong tinutumbasan ang kanilang saya nang  bumaba ako sa Magallanes

(Ngayon ko  lang napagtanto, pagkalipas  ng  tatlong araw,  habang sinusulat ko ito, at hinanap sa google,  na  ang inaawit ng bata  ay ang theme  song ng “May bukas pa”.  Malay ko ba?!  Hindi nga ako nakakapanood ng teledrama, eh.  Hehehehe) (more…)

Advertisements