paghinto

May isang bahagi ng blogosperyo ang malimit kong puntahan dahil sa mga nakakaaliw na kuwento ng payak na karanasan ng may-akda, dagdag pa rito ang naggagandahang mga guhit at higit sa lahat, binabalik-balikan ko ang kanyang mga tula.  Nagagandahan ako sa tula, kung kaya naman nakakapag-iiwan din ako ng tugon bagamat hindi nagpapakilala.  At nakakagalak na dalawang beses  pang naitampok ang aking iniwang bakas doon.

Noong Enero ay sinulat niya ang tulang “abante“.  Na aking tinugonan ng “pagtigil”:

noong gabing lango tayo
sa tapang at pait
ng kape

pilit kong inunawa
ang paliwanag mo sa akin

ang pag-usad, abante at pagsulong

ngunit paano ako makakaalis
kung hindi naman ako makakahakbang?

hindi ko makuha
ang pagsulong na sabi mo
mula sa dating kinatatayuan

hindi ko magawa
ang paglimot sa
mga alaala

habang may kulay pang aandap-andap
sa pagpikit ng mga mata

hindi ko pa kayang itiklop ang maleta
at hindi ako handa sa paghila at pagkaray
dahil may mga bakas na maiiwan

kaya ipahintulot mo sana itong pagtigil
at konting panahon na pagpapahinga

sapagkat itanggi mo man o aking ipagkaila

ang lahat ng ito’y nananatili…

nakahimlay sa ating gunita.

 

Wasak!

Advertisements

E= MC^2

Habang natutukso akong umidlip bago tapusin ang mga gawaing nilatag sa mesa, sahig at gilid ng kama (oo, ganyan kalawak ng workplace ko sa bahay!), nagsalang ako ng apat na hotdogs sa oven toaster.  

Pinahiran ko ng mantekilya ang mga hotdogs at nilagyan ng konting mantika ang tray. Pinihit ko ang timer. 

Nakatulog akong nakaupo sa harap ng tv hawak ang librong sanggunian sa paggawa (multi-tasking daw!).

Naalimpungatan ako bigla.  Dali-dali kong pinatay ang oven toaster.

Muntik na masunog ang hotdogs (hindi ang tinitirhan ko!).

Hindi ko mawari kung ang hotdogs ay fried, grilled o baked….

Habang mainit, tinusok ko ng tinidor ang isang hotdog.

Isinawsaw ko ang dulo nito sa sukang may sili bago nilagyan ng  ketsap.  

Sarrap!

Sana tumagal ang nalalabing hotdogs hanggang hindi ko pa natatapos ang nilalamay kong gawin….

 

Ang Bata sa Cementerio

Sa masikip at makikipot na puwang sa pagkakatayo o pagkakaupo sa mga tren, mga bus at mga dyip, nabasa ko rin sa loob ng humigit-kumulang na isang buwan ang unang bahagi ng buhay ni Nobody Owens sa piling ng mga yumao sa akda ni Neil Gaiman na The Graveyard Book. Hinihikayat ko kayong basahin ang libro at hayaang mabighani sa takbo ng kuwento. Narito ang ilang bahagi na sana’y lalo pang makapagkumbinsi sa inyo hindi man sa pagbabasa ay sa patuloy na pakikihamok sa buhay:

 

“Yes.” Silas hesitated. “They are. And they are, for the most part, done with the world. You are not. You’re alive, Bod. That means you have infinite potential. You can do anything, make anything, dream anything. If you change the world, the world will change. Potential. Once you’re dead, it’s gone. Over. You’ve made what you’ve made, dreamed your dream, written your name. You may be buried here, you may even walk. But that potential is finished.” (Gaiman, Neil. The Graveyard Book. p. 179)

 

Nehemiah Trot said, “Ah, list to me, young Leander, young Hero, young Alexander.  If you dare nothing, then when the day is over, nothing is all you will have gained. (Gaiman, Neil. The Graveyard Book. p. 233)

 

Maganda yung dulo ng aklat, at hahayaan ko na lamang na sana’y magkaroon kayo ng pagkakataon na matunghayan iyon at pahalagahan ang mensahe ng akda. 😀