Hapo. Pagod. Puyat. Ganyan ang mga nararamdaman ko sa nakalipas na dalawang araw. Dahilan kung bakit paminsan-minsan ay sumasakit ang ulo, at wala ring ganang kumain.
Sabado na ngunit kailangang pumunta ng opisina. Dalawang araw ding naantala ang aking mga gawain dahil kailangang asikasuin ang ilang mga bagay sa labas na nangangailangan ng agarang atensiyon at aksiyon, na bagamat ginawa ko ang kaya ko, hindi ito naging sapat dahil sa bagal ng sistema at sa kupad ng mga namamahala sa sistema.
Nakapanlulumo. Katulad sa sitwasyon ni Padre Sinnott, ang paring dinukot sa Pagadian ng hindi-pa-nakikilalang pangkat, hindi malaman kung saan at kung paano simulan ang pagsagip. Idinaan na lang ang mga pakiusap sa tri-media para sa tulong ng kinauukulan, nanghihikayat ng mga panalangin para sa maayos na kalagayan ng pari, na hindi siya sasaktan at agad na mapabalik. Kagaya ng mga nag-aalala sa pari, idinadaan ko na lang sa dasal na sana ay matapos na ang mga problemang kinakaharap.
Pilit kong iwinawaksi sa isipan ang mga katanungang walang kasagutan. Pilit tinatanggap ang pagkakaiba ng reyalidad sa ideyalismo. Pinipilit kong ipahinga ang aking pagal na katawan. Pinipilit labanan ang antok para hindi makatulog sa tren (baka kasi pumailanlang ang atungal ng baka kapag nakatulog ako). Maski sa konting panahon lang. Maski mula North Edsa hanggang Magallanes lang.
Ayos na ang aking pagkakaupo sa gitnang bahagi ng tren. Ipinaghehele na ako ng malamig na hangin mula sa aircon. Ngunit panandalian lang iyon, dahil sa Quezon Avenue station, pumasok sa tren ang isang mama na may kasamang bata. Umupo sila sa pangatlo at pang-apat na puwesto mula sa akin.
Listo ang bata at maraming tinuturo sa mga nakikita niya mula sa salamin ng tren. Nagiging maingay na siya. Ipinikit ko ang aking mata. Pilit ibinabalik ang ginhawang kanina lamang ay tinatamasa ko pa.
Nag-umpisang kumanta ang bata. Iba-ibang bersiyon ng kanta. Iba-ibang tono ng iisang kanta. Paulit-ulit. Nakakairita sa pandinig. Gusto kong pagsabihan ang kasama ng bata sawayin ang bata, pero hindi ko ginawa. May mga mas malapit sa kanila, na higit pang dapat mairita kaysa sa akin.
Sa daigdig ang buhay ay ganyan
Mayroong ligaya at lumbay
Maghintay at may nakalaang bukas
Ang iyong pagdaramdam
Idalangin mo sa Maykapal
Na sa puso mo ay mawala nang lubusan
Sa buong biyahe ko sa tren, yan ang napapakinggan ko. Sa pagdaan sa bawat istasyon ng tren, mas madaming sumasakay kaysa sa bumababa. Napupuno na ang tren, pero sige pa rin sa pagkanta ang bata.
Wala pa ring sumasaway sa kanya. Pinakinggan ko na lang. Siguro nga’y may mensahe sa akin sa kanta. Ganito ako nakapagpahinga, may background music.
Maya-maya, sabi ng bata sa kasama, “Alam mo, Papa, noong wala ka pa, noong kami pa lang ni Mama; hindi pa kayo kasal ni Mama. May iniregalo si Mama sa akin na PSP, may laro dun na monster. Gwerrrr!!”
Minulat ko ang aking mga mata, sinulyapan ko ang mama, mga 20-25 years old lang siya at ang bata, mga 6-8 years old lang din. Ah, ang kainosentehan ng bata… Ang kamusmusan nga naman, hindi alintana ang gulo ng mundo, at ang kanya-kanyang drama sa buhay…
Tuwang-tuwang bumaba ang mag-ama sa Ayala.
Pilit kong tinutumbasan ang kanilang saya nang bumaba ako sa Magallanes…
(Ngayon ko lang napagtanto, pagkalipas ng tatlong araw, habang sinusulat ko ito, at hinanap sa google, na ang inaawit ng bata ay ang theme song ng “May bukas pa”. Malay ko ba?! Hindi nga ako nakakapanood ng teledrama, eh. Hehehehe) (more…)