REPOST: nang sumaklob ang maitim na ulap

“Ano bang problema’t kanina ka pa walang gana, walang kibo. Nakakapanibago,” pagsusuyo ni Claire.

“Kaya ko ‘to.  Steady ka lang,” bulong ni Mike matapos ang malalim na buntunghininga.

“Putangina! Paano kita matutulungan kung hindi ka magsasalita?”

“Di mo rin maiintindihan.”

Tiim-bagang sinuntok ni Mike ang kanilang kinauupuan. Nabiyak ito’t bumagsak silang dalawa.

Nangingiti si Claire; hindi niya itinuloy ang akmang pagtayo nang makitang nasalampak pa rin si Mike.

“Oo, puta’ng ina ‘ko! Sa pagpuputa niya ako napalaki. Maysakit siya ngayon, cervical cancer, Stage III…

“… At nagputa rin ako… sa boss, para makuha ang promotion last year…

“… Last week, nag-resign si Ma’am Andrea. Akala ko, dahil sa diabetes. Yun pala, komplikasyon dahil HIV+….

“…Kanina ko lang nalaman… Natatakot ako, Claire….”

Napahagulhol si Mike.  Niyakap niya si Claire.

Hindi napigilan ni Claire ang sarili na umiyak.

Hindi niya alam kung paano mapapatahan si Mike.

Hindi niya alam kung paano papatahanin ang sarili.

Published on: July 15, 2011 @16:22

*Repost para sa pagdiriwang ng ika-anim na taon ng pagsusulat ni Gillboard sa blogosperyo.

tsokolate

“Gumising ka na riya’t handa na ang almusal. Hotsilog!” malugod na hikayat ni Marco sa pamangkin.

“Opo,” sagot ni Gilbert na tumagilid lang sa kinahihigaan maski paborito nito ang hotsilog.

“Maysakit ka ba?” lumapit si Marco at pinakiramdaman ang noo ni Gilbert. “Wala ka namang lagnat.”

Hinila ni Gilbert ang kumot hanggang sa kaniyang leeg at namaluktot. Naghinala si Marco na may hindi sinasabi ang binatilyo sa kanya. May tampo siguro.

“Hinatid ko sina George at Sol sa bus terminal kaninang madaling-araw. Hindi ka na namin ginising dahil pagod ka sa school; tsaka may try-outs ka pa mamaya, hindi ba?”

Nagtalukbong si Gilbert .

Marahang niyugyog ni Marco ang balikat ni Gilbert. “Bumangon ka na’t lalamig na ang pagkain.”  Hindi pa rin kumibo si Gilbert.

Bumalik si Marco sa kusina. Muli niyang ininit ang tsokolate sa takuri.

sabog

Matagal na nakatitig lang si Miss Sanchez sa tsini-tsek na notebook ng isa sa kanyang estudyante. Hindi dahil sa mas madaming mali kaysa sa tama ang mga sagot sa takdang-aralin ngunit sa nakasulat sa isa sa mga pahina ng kuwaderno na labis niyang ikinabigla.

Mga ilang minuto rin ang nagdaan bago niya naisipang tawagin sa kanyang harapan ang batang may-ari ng notebook.

“Marissa, who wrote this?”

Nagulat ang bata. Matitiklo na yata ni Miss Sanchez na hindi siya ang gumawa ng kanyang assignment.  Siya kasi ang nagpatuloy ng labahin ng kanyang ina dahil dumating ang kaibigan nito at may malaking problema raw. Nag-inuman ang magkaibigan at nagprisinta ang bisita, si Cora na siya na lang sasagot sa naiwang assignment ni Marissa na nakalapag sa mesa.  Hindi nakatanggi si Marissa dahil pagagalitan lamang siya ng kanyang ina.  Nayari na!

“Alin po?” umarteng nagulat si Marissa.

“This.” Ipinakita ni Miss Sanchez ang pahina.  Nagulat si Marissa dahil hindi yung assignment ang pinakita ng guro.  Kakaiba ang pagkakasulat at halatang minadali.  Malamang sa Tita Cora niya iyon, yung kaibigan ng nanay niya na nakipag-inuman kagabi.

“I think Tita Cora po.  I’m sorry she write in my notebook.  I don’t know to her she did that.”

“It’s okay. But next time, don’t let anyone leave scribbles on your notes especially when it does not concern our subject. You go back to your seat.”

“Yes, ma’am. Sorry again.”  Yumuko si Marissa at tumalikod.  Napangiti siya dahil sa hindi niya inaasahang pag-i-English niya ng di-oras.  Balang-araw makakapag-call center din siya, naisip niya.

Binasa muli ni Miss Sanchez ang nakasulat sa notebook.  Maraming bagay ang pumapasok sa isip niya.  Naalala niya ulit si Jake. Halos isang taon ding wala silang komunikasyon. Wala siyang balita sa kanya.  Basta na lang siyang iniwan.

Ang Jake niya… Ang Jake ng Tita Cora ni Marissa.  Magkapangalan pa sila ng Tita Cora ni Marissa.  Maliban sa babes at chicklet, Cora din ang tawag sa kanya ni Jake bagamat mas kilala siya sa palayaw na Josie.  Mabantot kasi ang pangalan niyang Dioscora Sanchez.  Hindi naman siguro iisa ang Jake niya at ang Jake ng tita Cora ni Marissa.  Labo-labo na ang nasa isip niya.

Pagkatapos mai-record ni Miss Sanchez ang mga scores ng mga estudyante sa kanilang assignment, ibinalik na niya isa-isa ang mga notebooks.  Maaga niyang dinismiss ang klase.

Pagkakuha ng notebook, binuklat agad ni Marissa ang pahinang tinutukoy ni Miss Sanchez kung saan nakasulat: Potangena mo Jake. Ngayon ka lang nagparamdam kung kelan ayos na ang bohay ko. Gago ka.  Nang-iwan ka wla ka nang bablikan.  Wag na wag kang magpapakita sa akin. Hayup ka papatayin kita.  Binuntis mo ako at iiwanan. Buti na lang andun si Joseph. Tangina ka, sinaktan mo ako sobra-sobra. Mabulok ka sana diyan. Hoy yung pera ko, ibalk mo.  Pera ko ginamit mo tumaya sa jueteng.  Ako nagbigay ng number 7-2. Ibalik mo pera ko yun.  Gago ka, kinubra mo agad ang pera kay Jekjek tapos nawala ka na. Buti nga sa yo nakulong. Hindi mo makikita si Mica. Wag mo kaming guluhin. May sarili na akong buhay. Tae ka. Huli na ‘to. Cora.

Pinilas ni Marissa ang pahina. Madiin ang pagkakasulat kaya bakat pa rin ito sa mga naiwang pahina ng notebook. Tiniklop niya ang kapirasong papel at isinilid ito sa likod ng picture ni Super Junior sa kanyang wallet.  Binitbit na ni Marissa ang kanyang tatlong notebook para makauwi na siya.

Nakabalik na sa faculty room si Miss Sanchez. Biglang sumakit ang kanyang ulo at tila nilalamig.  Hindi niya  napigilan ang sarili sa bigat ng nararamdaman.  Tumakbo siya sa CR at nagkulong.  Tuluyang naglabas siya ng sama ng loob.  Umiyak siya ng umiyak.

gaspang

Nagbubunganga na naman si Ate Maymay. Ang aga-aga.

“Hindi man lang kayo mag-ayos. Pare-parehas lang naman tayo nakatira dito. Ang kalat ng sala, ang mga remote kung saan-saan nakalagay tapos hahanapin sa akin. Ang tv magdamagan hindi man lang patayin ng maayos. Kaya tumataas ang bill sa kuryente eh. Buti sana kung nagtataas din ako ng paupa sa inyo.”

Nag-aayos ng mga gamit habang nagluluto, napansin ni Ate Maymay ang cleaning schedule ng mga boarders na nakapaskil sa dingding.

“Itong cleaning schedule na ito hindi naman sinusunod. Siguro dapat lang ipatupad ang penalties. Parang gobyerno lang a. Kaya ganito bansa natin e. Dahil din sa tao. Hay buhay talaga.”

“Good morning, Ate.” Bati ko sa kanya papunta sa lababo para maghilamos. May tao pa sa banyo dahil sa narinig kong lagaslas ng tubig.

Kinuha ko na lamang ang nakasabit sa dingding. Tinitingnan lang ako ni Ate Maymay hanggang ako’y lumabas ng bahay.

“O saan ka pupunta? Hindi mo ba wawalisan ang bahay?

“Sa labas po ang toka ko. Dito sa hagdanan. Sina Divine at Glenda po ang toka sa loob ngayon.”

“Di ba pwede unahin ang loob? Hindi ka naman diyan sa labas nakatira? Haysus naman.”

“In New York, concrete jungle where dreams are made of….” Inumpisahan ko na lang kumanta kesa naman si Ate Maymay lang ang naririnig. Kaya siguro parating maagang umaalis sina Mr. Pinto dito sa first floor; umiiwas sa ingay .

Nakawalis na ako’y nagdadadakdak pa rin si Ate Maymay sa loob.

Pumasok ako at kinuha ang bunot tsaka lumabas ulit para simulan ang paglampaso sa hagdan na may kasamang “Shake it to the right and shake it to the left”.

“Bye Ate.” Nagmamadaling nagpapaalam si Faye papalabas ng bahay. Andami niyang dala at nagsusuklay pa.

“Hindi ka na ba kakain? Nakaluto na ako; may champorado pa.”

“Hindi na ‘te. Pasok na ako.”  Sa paghakbang ni Faye sa hagdan, nag-ring ang kanyang cellphone. Tumigil siya at sinalat ang loob ng kanyang bag nang biglang maglaglagan ang kanyang libro at ilang papel.

Sinubukan niyang pigilan ang paglaglag ng kanyang mga gamit nang biglang siyang ma-outbalance at padapang dumausdos sa hagdan.

“Aeyyyyyyiiiiiiiiihhhhh” ang lakas ng tili niya; hawak ng kanang kamay ang folder at ang kaliwa naman ay nag-aapuhap ng makakapitan. Nakatigil na siya ng mahawakan ko sa kamay.

“Ano yon? Ano nangyari?” biglang napalabas si Ate Maymay. Nakita na lang niyang papaupo na si Faye at umiiyak.

“Tsk.. tsk.. Hindi kasi nag-iingat. Eto kasing si……..”  Hindi na naituloy ang pambibintang sa akin dahil naapakan ni Ate Maymay ang gamit ni Faye at bigla siyang nadulas. Paupong bumagsak sa may hagdan.

Bug-bug-bug-bug… Tuloy-tuloy ang mabilis na nakaupong pagbaba  ni Ate Maymay sa mga baitang.

“Ae……………………..Arrruuyyyyyyyy” hiyaw ni Ate Maymay.

“Kasi hindi nag-iingat…” nasabi ko na lang habang ako ay maluha-luha sa pagpigil ng pagtawa habang lumalalapit para tulungan si Ate Maymay.

“Ikaw ang may kasalanan nito,” bulyaw sa akin. “Ang balakang ko…. Huhuhu.” Mangiyak-ngiyak na siya.

Humagikhik si Faye habang takip ang mukha. Nakita rin pala niya ang nangyari kay Ate Faye.

Napatawa si Ate Maymay.  Tumawa na rin ako.

“Kita niyo na. Kung magaspang ang babagsakan niyo magagalusan kayo, dib a?  Buti na lang napababaan ko ang coefficient of friction ng hagdan” sabi ko sa kanila.

Akmang babatuhin ako ni Faye ng kanyang cellphone. Nahanap na pala niya ito! Nag-ring ulit ang phone at sinagot ni Faye.  Napaiyak na naman siya.

Nakita kong hinawakan ni Ate Maymay ang bunot sa tabi niya. Alam ko na ang gagawin niya kaya kumaripas na ako  ng takbo.

GASa

“Gene, lumabas ka na riyan at kakain na tayo.” Ilang ulit ko na tinawag ang aking anak pero hindi pa rin ito lumalabas ng kuwarto.

“Ano ba problema mo at ayaw mo tumayo diyan?” tanong ko sa bungad pa lang ng kuwarto. Nakaupo si Gene sa kama at humihikbi.

“Bakit ka umiiyak?”

“Kasi po… kasi po…” nag-aalangan at pinipigil niya ang napipintong pag-iyak. “Kasi po tinadyakan ako ni Carlo kanina sa may harapan.  Tapos napaupo ako sa may batuhan at may makahiya.”

“Nasaktan ka? Baka naman kasi nauna ka?” urirat ko.  Madalas kasi makipagharutan sa mga kalaro si Gene.

“Pero nakaganti po ako. Pagtayo ko, sinuntok ko siya sa mukha. Dumugo po bibig niya. Susuntokin din po ako pero naawat siya. Hinila rin ako ni Obet.” Pagmamayabang ni Gene. Labing-isang taon pa lang ang anak ko, basagulero na.

“E bakit ka umiiyak kung nakaganti ka na?”

Muling nangilid ang luha niya, sabay turo sa short sa mesa. May dugo ito. Nagulat ako sa nakita.

“Asan? Malalim ba ang sugat? Hindi mo agad nakita? Masakit ba? Tingnan ko.” natataranta na ako. Umiyak na nang tuluyan si Gene.  Kung nandito lang si Rina, sana’y mas madali niyang solusyonan ito. Mas mapag-aruga kasi ang ina kaya lang iniwan na kami ni Rina noong limang taon pa lang si Gene.

Pinipilit kong tingnan ang sugat niya pero ayaw talaga. Lumalakas pa lalo ang iyak.  Wala rin akong mahagilap na bulak at betadine sa mga lalagyan ng mga gamot.

Lumabas ako ng bahay para bumili at malunasan ang sugat ni Gene bago ko sugorin si Carlo sa bahay nila.  Trese na si Carlo at kaklase ni Gene.

Sa paglabas ko ay nakasalubong ko si Archie na papauwi sa kanila. Nursing graduate si Archie at nagre-review na sa board.

“Archie, buti nakita kita. Tingnan mo nga si Gene at may sugat. Ayaw naman patingnan sa akin.”

“O, sige Kuya.” At sumunod na si Archie sa akin papasok ng bahay. Pinatuloy ko sa kuwarto ni Gene na umiiyak pa rin.

“O sige na Kuya ako na bahala kay Gene.” Inaanak din ni Archie si Gene kaya kampante ako sa kanya.  Lumabas na ako sa kuwarto at umupo sa hapag upang maghintay.

Maya-maya lamang ay narinig ko ang bahagyang tawanan sa loob ng kuwarto. Ayos na!

“Normal lang yon, Kuya. Huwag ka masyado mabahala. Binigyan ko na siya ng pampaampat” Pagsisiguro sa akin ni Archie.  Sa pagngiti ni Archie ay lumabas ang malalim nitong biloy sa kaliwang pisngi.

“Salamat ha. Dito ka na kaya kumain tutal nakahain na.” pag-aalok ko.

“Hindi na Kuya. Kakain ko lang din at babalik din ako sa duty. Sa susunod na lang. Sige po.” sabi ni Archie.  “Gene, alis na ako.” pamamaalam ni Archie na nakabaling sa kuwarto ang tingin.

Pagkahatid ko kay Archie sa pinto ay niyaya ko na si Gene para kumain. Nakangiti na si Gene bagama’t nahihiya nung hawakan ko siya sa kamay.

Wala na akong pangamba at alalahanin.  Nagdadalaga na nga si Gene. Mag-uumpisa na rin siguro akong tawagin siya sa tunay niyang pangalan, Regine.

Nagtataka ka ba kay Archie? Dalaga rin yon. Arlene Cherizze ang tunay niyang pangalan. 😀

welGA(S)

Magiliw na sinalubong ni Pearl ang paparating na ama.  Pagpasok ni Mang Ferdie sa may gate ay hinawakan na Pearl ang kamay nito at magkasabay silang lumakad papasok ng bahay.  Gustong-gusto ni Pearl na maagang umuuwi si Mang Ferdie.  Hindi katulad dati na madilim na’y wala pa ang ama.  Ang pinag-iba lang, mas bugnotin  ngayon si Mang Ferdie.

Nagtanggal ng sapatos at medyas si Mang Ferdie.  Sumuot sa ilalim ng upuan si Pearl para ilapit ang tsinelas ng ama.  Pagkatapos ay walang imik na kinuha ni Pearl ang sapatos at inilagay sa likod ng pintuan.

Umupo si Pearl sa katabing upuan malapit sa ama. Pakuya-kukakoy ang mga paa habang nakatingin siya kay Mang Ferdie na naka-sando na lang ngayon. Ang polong hinubad ay nakasabit sa taas ng kinauupuan nito.

Napansin ni Mang Ferdie ang anak na nakatingin sa kanya. “Kumusta ang baby ko? Wala ka bang kalaro ngayon?”

“Ok naman po. Wala po sina Oying sumama sa nanay niya sa palengke.”

“Hayaan mo, malapit nang dumating si bunso. May makakalaro na kayo ni Nanay.” Ngumiti si Mang Ferdie sa anak.  Sabay tingin kay Me-Ann na naghahanda ng kanilang hapunan. Tatlong buwan na lang ay  manganganak na si  Aling Me-Ann ng kanilang pangalawang anak.

“Ang aga niyo po.” Nakangiting sabi ni Pearl sa ama.

“Oo, anak. May welga kasi sina Tatay sa pabrikang pinagtatrabahuhan. Kaya maaga ang Tatay umuuwi ngayon,” paliwanag ni Mang Ferdie.

“Ano po ang welga?” usisa ni Pearl.

“Ang welga, strike. May mga dalang placards at posters ang mga manggagawa,” sagot ni Mang Ferdie kay Pearl.  Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya kayang magalit sa pagtatanong sa anak gayong pagod at gutom na siya sa maghapong pagkabilad sa araw sa labas ng pabrika.

“Ano pong placards tsaka posters.”

“Katulad dun sa mga politiko na nangangampanya para iboto sila ng tao, yung mga nakasabit sa mga pader, sa mga kawad ng kuryente at yung nakalagay sa harap ng tindahan nina Tess,” sabi ni Mang Ferdie.

“Bakit merong ganon kayo?” tanong ulit  ni Pearl.

“Kasi kailangan naming ipaabot sa pamunuan na taasan kami ng suweldo.  Maliit kasi ang kinikita nina Tatay.  Hindi sapat para punan ang mga gastusin sa pamilya,” parang nabarahan sa lalamunan si Mang Ferdie.  Hindi na niya kayang ipagpatuloy ang pag-uusap nila ng kanyang anak.

Hindi maintindihan ni Pearl ang sinabi ni Mang Ferdie. Anim na taong gulang lamang si Pearl at hindi pa nag-aaral. Pero alam niya na may mabigat na dinadala ang kanyang ama, pati na rin ang kanyang ina.  Nakatitig lang si Pearl sa ama.  Ayaw na niyang magtanong pa.

“Halina na kayo at kakain na tayo,”  tawag ni Me-ann sa kanyang mag-ama.

“Tara na. Kain na daw sabi ni Nanay,” akay ni Mang Ferdie kay Pearl para maghugas ng kamay sa lababo.

Sa hapag kainan ay magkakaharap ang mag-anak. Dumakot na si Mang Ferdie ng kanin sa kanyang pinggan.  Kumuha rin siya ng ilang nilagang talbos ng kamote ay isinawsaw ito sa bagoong na may isang hiniwang hinog na kamatis. Gumaya si Me-ann at nilagyan din ng kanin at ulam ang pinggan ng anak.

Nakailang subo na si Mang Ferdie nang mapansin na nakapikit si Pearl. Kinalabit niya ito. Nang dumilat ay sinabi niyang, “Akala ko nakatulog ka.”

Ngumiti si Aling Me-ann kay Pearl, “Anong pinag-pray mo?”  Sa pakiwari ni Aling Me-ann ay Itinuturo siguro sa day care ang pagdarasal.

“Hindi po ako nag-pray,” sabi ni Pearl.

“Nakatulog ka ano?” natatawang sabi ni Mang Ferdie.

“Hindi po.  Iniisip ko lang na ham ang ulam. Katulad sa tv,” nahihiyang sabi ni Pearl.

Yumuko si Me-ann at ipinagpatuloy ang pagkain. Inabot ni Mang Ferdie ang pitsel at nilagyan ng tubig ang kanyang baso, saka siya uminom. Tahimik na ipinagpatuloy ang pagkain.

“Hmm matustantiya ang pagkain natin ano Tatay?” tanong ulit ni Pearl.

“Masustansiya, anong matustantiya.  Tsaka kumain ka na lang, huwag mong guluhin ang Tatay mo. Sige ka ikaw ang maiiwan dito, ikaw ang maghuhugas ng pinggan,” pagsasaway ni Aling Me-ann kay Pearl.

Binilisan na ni Pearl ang pagkain dahil ayaw niyang maghugas ng pinggan. Maliit pa siya at baka makabasag siya ulit ng pinggan.  Ayaw niyang magalit ang kanyang ina.

Pagkatapos kumain ay muling naghugas si Pearl ng kamay.  Si Mang Ferdie ay umupo na ulit sa sala at nagbukas ng tv habang si Me-ann ay nag-umpisang magligpit ng kanilang pinagkainan.

“Pearl, halika.  Nood tayo ng tv.  Palabas ang mga batang panday,” pag-aanyaya ni Mang Ferdie sa anak.

“Hindi po. Panday Kids po yan,” pagtutuwid ni Pearl habang papalapit sa ama.

“Oo nga pala. Pasensiya naman at hindi nakakapanood ng tv ang Tatay,” malugod na pag-amin ni Mang Ferdie sa pagkakamali.

Umupo si Pearl sa tabi ni Mang Ferdie. Inihilig ni Pearl ang kanyang ulo sa hita ng ama. Hinagod ni Mang Ferdie ang buhok ni Pearl. “I love you po, Tatay,” mahinang sabi ni Pearl.  Napangiti si Mang Ferdie, parang nawala ang lahat ng pagod at sakit ng kanyang katawan sa maghapon.

Pagkatapos maghugas ng pinggan ay naupo si Aling Me-ann sa tabi ng kanyang mag-ama.  Iniayos niya ang mga paa ni Pearl sa kanyang kandungan.  Bumalikwas si Pearl at hinalikan ang nanay sa pisngi.

Hindi maikubli ni Mang Ferdie ang kanyang damdamin. Mahigpit niyang niyakap ang kanyang mag-ina.