Pagbabalik… Pagbabago… Pagsulong!

Nang una kaming magkakilala ng pamosong Lio Loco ng thessddmantra.net, tinanong niya ako “Wala ka bang balak mag-abroad, Kuya?” Ang sagot ko naman: “Dati, meron.  Pero ngayon, wala na.  Matanda na ako; hanggang trenta’y singko lang ang karaniwang tinatanggap sa pagtatrabaho sa ibang bansa.”  Saglit na nabalam ang aming pag-uusap dahil tinawag na kami ng mga kaibigang naghihintay sa amin sa pagtitipong aming pupuntahan.  Sa kalaunan, nilamon ng sari-saring paksa ang una naming napag-usapan.

 

 

 

Kabilang si Lio sa lumalaking bahagdan ng ating populasyon na gustong mag-abroad.  Umaasang mahahanap ang magandang kapalaran sa ibang bansa kung saan mas mataas ang pasahod, kung saan mas malaki ang kita, kung saan maaaring matamasa ang mga hinahangad para sa pamilya.

Hindi na nga siguro mapipigilan pa ang patuloy na migration ng manggagawang Pilipino. May aalis, may babalik at mayroong aalis muli.  Ang masaklap, dumarami ang OFWs na pumipirmi sa ibang bansa at bumabalik na lang sa Pilipinas kung retirado na sila.  Idagdag pa rito ang mga nagbubunying OFW na maaaring magkamit ng permanent residency sa Hongkong alinsunod sa desisyon ng Mataas na Hukuman doon. Sa wakas, kinilala at pinagtibay ang karapatan ng ating kababayang manggagawa sa banyagang lupain!

Isang mapait na katotohanan ang paglikas ng ating kababayan upang magtrabaho sa ibang bansa.  Ang mga utak at mga kamay na dapat bumubuo sa ating pagkabansa ay unang pinakikinabangan ng mga banyaga at ang karagdagan o mas maliit na bahagi sa kapakinabangang iyon ang siyang naibabalik sa Pilipinas o kaya’y tinatangkilik sa pagpapaandar ng ekonomiya ng bansa. At dahil kinikilala ang kanilang kontribusyon sa ating bansa, ang OFW ay bayani sa makabagong panahon.

Marami ang kumakapit at kakapit sa pag-asang hatid ng kinang ng salapi ng lupang banyaga, anumang hirap ang kailangang tiisin, maski na kailanganing ipagbili ang ilang natatanging ari-arian, maski na mapapalayo sa pamilya at mga mahal sa buhay, maski na hindi palarin sa unang pagkakataon dahil sa panloloko ng mga mandaraya at mapagsamantala.  Magpapatuloy ito… hanggang nanatiling bulag ang pamahalaan at ipinagpipilitan ang hungkag na estadistikang kayang mabuhay sa halagang P265.00 kada araw ang isang pamilyang binubuo ng limang katao, hanggang nananatiling basag ang tinig ng mga lokal na manggagawa, hanggang patuloy na binabarat at nababarat ang ani ng mga mangingisda at magsasaka, habang patuloy na hinihigpitan ang sinturon ng mga mangangalakal at kapitalista, hanggang hindi nagkakaroon ng pagbabago sa kalakarang ito.

Ito ang reyalidad na kailangang harapin sa ngayon: ang diaspora ng manggagawang Pilipino.  Paano na ang Pilipinas?

Parehong nars ang pinsan kong si Lorelia at ang kanyang asawang si Sherwin. Nagtrabaho sila sa UK ng ilang taon, nagkaroon ng anak, nakapagpatayo ng bahay sa probinsiya, nagbakasyon ng ilang linggo sa Pilipinas bago lumipat ng pagtatrabahuan sa Canada kung saan sila nakatira ngayon.  Bihirang may tumira sa itinayo nilang bahay sa probinsya bagamat paminsan-minsan ay dumadalaw doon ang Tita Lorraine kasama ang katulong upang maglinis at magtanggal ng agiw at alikabok.

Si Roselee ay nasa United Kingdom pa rin. Sumunod na rin ang aming kaklase at kaibigang si Cheryl. Sa Inglatera nila natagpuan ang kanilang pag-ibig, sa mga kababayang Pinoy din at ngayon nga’y sa Europa nila binubuo at tinutupad ang mga pangarap.

Lumihis ng karera si Julio, ang masipag at mabait kong katrabaho dati.  Isa’t kalahating taon na siyang nagluluto sa Saudi Arabia at tatlong beses na siyang tinanghal na Employee of the Month sa kanilang restaurant.  Na-miss ko tuloy ang mga niluluto niyang iba’t ibang putahe tuwing may handaan lalo na kung pista sa Tondo.  Ang kawalan sa kulinarya ng Pritil ay karagdaragan sa kulinarya ng Dammam.

Pabalik-balik si Manuel sa Angola upang manggamot sa mga manggagawang maysakit sa isang malaking construction firm sa Soyo.  Salamat na lang at sina Jake, Gerald at Xati ay nananatiling doktor dito sa Pilipinas, hindi nga lang sa bayan namin…

Si James ay electrical engineer sa Japan.  Sa pagbabanat-buto (at pagbabatak-utak?) niya roon ay naitaguyod niya ang pag-aaral ng kanyang mga kapatid, na ngayon ay mga propesyonal na rin:  isang abogado, isang inhinyero at dalawang nars.  Mataas ang paggalang at paghanga ni Martinelli sa kanyang Kuya James.  Ipinagyayabang kong sasabihing kaklase ko sa high school si James at saludo ako sa kanya!

Si Alex ay nasa Singapore.  Si Roanne ay nasa Macau.  Si Liza ay nasa Dubai. Mula Honduras ay nakabalik na sa Germany si Ymay ngunit sa isang linggo ay pupunta na sila sa Bali, Indonesia kasama ang kanyang amo/katulong na madedestino roon.

Si Agbayani ay nasa Vancouver. Si Dexter ay nasa Saudi.  Si Jhic ay nasa Hongkong.  Si Claire ay nasa Shanghai. Si Posse ay nawawala, nasa Alemanya pa kaya siya?

Silang lahat ay mga OFW at magiliw kong masasabi na ako ay may mga kamag-anak, kaklase, kaibigan, katrabaho, kainuman, kabarkada at kakampi na mga bayani!

Ngunit nararamdaman kaya nila ang pagiging bayani sa banyagang lupain?  Napagtatanto ba ng mga OFW ang pagiging “heroes in strange lands”? Hindi ba’t tuwing uuwi ang isang OFW, dinudumog siya ng tao: mga kamag-anak, kaibigan, kakilala.  Naroong may mangungumusta, mag-uusisa kung ano ang dala, kung ano ang napala sa pag-aabroad at kung may pasalubong ba.  Yun nga ba ang matatawag na hero’s welcome?!?

Kung ang ating think tank at skilled workforce ay nasa iba’t ibang lupain sa labas ng Pilipinas, paano na?  May uuwian pa ba ang OFW na Pilipinas?  Magiging bayani pa ba ang OFW sa nawawalang Pilipinas?

Hindi lingid sa atin ang kuwento ng ating mga sinaunang bayani, na sa pamimilit ni Paciano, nangibang-bansa si Jose Rizal upang mag-aral at magpakadalubhasa.  Namulat ang kamalayan ni Rizal sa iba’t ibang bansang kanyang napuntahan; at bumalik siya upang ihatid ang pagbabago, upang mapalaya ang Pilipinas sa paninikil ng mga mapang-aping Kastilang nasa poder.  Sa pagsali ni Rizal sa La Liga Filipina, isinulong nila ang pantay na pagtingin ng pamahalaang Kastila sa lahat ng mamamayan, may dugong Kastila man o wala.  Ngunit higit pa roon ang inihatid ng kanyang sinulat na Noli Me Tangere at El Filibusterismo, ginising niya ang natutulog na damdamin ng naaapi at inaalipustang indio kung kaya sumiklab ang himagsikan upang makamit ang inaasam na paglaya.

Hindi nalalayo sa himagsikang iyon ang dapat maganap sa ating lipunan sa kasalukuyan: ang himagsikan para sa pagbabago.  Malaking hamon para sa OFW na tumugon sa panaghoy ng naghihingalong Pilipinas.  Hindi kaya abuso nang maituturing ang paghingi ng dagdag na biyaya o tulong sa kanila bilang mga bayani?

Hindi man hayag, marami rin sa ating mga kababayan ang tumugon sa panawagang ito.  Si Manuel V. Pangilinan ay isa sa mga natatanging halimbawa rito.  Hindi siya tumigil sa pagsisilbi sa Singapore at Hongkong bilang executive doon.  Bagkus, umuwi siya sa Pilipinas upang itaguyod ang ating ekonomiya sa paraang alam niya. Ngayon, siya ay kinikilala sa maayos at matatag na pamamahala at pagpapatakbo ng iba’t-ibang negosyo sa bansa.

Ang mga nagwaging Ramon Magsaysay awardees na sina Christopher at Ma. Victoria Bernido na nagpakadalubhasa sa ibayong-dagat ngunit tinalikuran ang trabaho roon upang bumalik sa Pilipinas at magtatag ng sariling paaralan.  Bagamat hirap, isinulong nila ang pagtulong sa paglaganap ng edukasyon sa kanilang bayan sa Jagna, Bohol.

Mga ilang taon ding nagtrabaho si Rico sa Nigeria bilang electronics and communications engineer doon kung saan nagsikap siyang matupad ang kanyang mga pangarap.  Napatayuan niya ng bahay ang kanyang ina, pinapag-aral niya ang kanyang mga pamangkin, tinutulungan niya ang kanyang dalawang kapatid sa kanilang mga gastusin, dagdag na rin dito ang mga hingi at utang na hindi binabayaran ng mga kamag-anakan.  Ngunit nagbago ang lahat ng dinapuan si Rico ng karamdaman.  Nagamot siya sa ibang bansa, ngunit nangulila siya sa pag-aaruga ng mga taong totoong nagmamahal sa kanya kung kaya bumalik siya sa Pilipinas. Handa na siyang mag-retire ngunit kinumbinsi siya ng dating kompanya para bumalik sa trabaho at ibahagi ang kanyang kaalaman at kakayahan.  Ang pinakamainam, sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, natagpuan niya ang babaeng pinakamamahal; kaya naman, masigla silang nagtatrabaho at naglilingkod para sa ating bansa.

Hindi ko sinasabing sina MVP, ang mag-asawang Bernido at si Rico lamang ang tunay na bayani. Ang sinasabi ko lamang ay lamang sa pagkabayani ang direktang tumutugon sa pagbabahagi sa ating pagkabansa.  Huwag rin nating kalimutan o isantabi o ipagwalang-bahala ang mga sari-saring ambag sa ating pagkabansa— ni Herbert bilang naval aviator, ni Jaime bilang city fire marshal, ni Jason bilang IT staff, nina Al Romuald, Larry at Journalisa bilang mga guro at dakilang tagapaghubog ng mga murang isipan, nina Jerome, Arnie at Michelle bilang mga auditor at accountants, ni Karen bilang ghostwriter, ni Kristina bilang statistician, ni Stephen bilang medical representative, nina Jewel, Renante, Emil at Mavic bilang mga manananggol at tagapagtaguyod ng katarungan, ni Jeoffrey bilang environmentalist at mangangalakal ng bote at diyaryo, ni Max bilang rice trader, nina Leonard at Lyndahl bilang mga inhinyero,  at ang marami pang mga manggagawang matibay ang sikmura at may matibay na dibdib na naiiwan at nananatili sa ating bansa upang sagupain ang mga suliranin sa ating lipunan sa araw-araw.

Ang hinahangad ko lang naman, sa pagbabalik ng OFW, maliban at higit pa sa pasalubong (na sana ako ay maambonan!), ay ang dala niyang pagbabago. Para sa pag-unlad at pagsulong ng bansa!

*           *            *

Ang post na ito “Pagbabalik… Pagbabago… Pagsulong!” ay inilahok sa Pinoy Expats/OFW Blog Awards 2011 na may temang ““Ako’y Magbabalik, Hatid Ko’y Pagbabago.” (I Will Return, I Will Bring Change.)” at tinanggap bilang “Official PEBA 2011 Nominee No. 16 for OFW Supporters Division” ng http://www.pinoyblogawards.com/.  Ang mambabasa ay inaanyayahang suportahan ang tampok na akda: maaaring mag-iwan ng puna o komento sa ibaba at bumisita lamang sa http://www.pinoyblogawards.com/ para bumoto– nasa kanang bahagi ang botohan, markahan ang parisukat sa tabi ng “16. Ang Alingawngaw ng Taribong, Makati“, pindutin ang “submit vote” at kumpirmahin ang iyong pagboto. Hanggang sa  ika-5 ng Disyembre 2011 lamang po ang botohan. Maraming salamat.  :D

Previous Post
Next Post
Leave a comment

40 Comments

  1. Huwaw! Special mention ako! Hahaha! At talagang humabol ka sa PEBA! LOL! Good luck Ser! :))

    Reply
    • taribong

       /  October 28, 2011

      Haha Oo naman! Humabol talaga, sana lang ma-approve! Maraming salamat!😀 Good luck rin sa iyo, magiting na bayani!!! 🙂

      Reply
  2. Kuya Tarbs, 7 years na ako dito sa Kuwait at makailang-ulit na rin nagplano para umuwi at mag-stay na sa Pinas kaso karamihan nga ay nagsabing mahirap ang buhay diyan. Nakakalungkot isipin (sa sitwasyon ko) na kung sakali mang umuwi ako, ano nga ba ang maibabahagi ko sa ikauunlad ng Pinas? Isa akong undergrad, nais ko nuon na sana’y makapag-aral muli at maging guro. Kung matupad man yun… Dun ko na lamang siguro maituturing na bayani ako sa sarili kong pamamaraan. Magandang araw!

    Reply
    • Ang pagsusumikap mo sa Kuwait ay sakripisyong maituturing. Mapalayo man sa pamilya, ang lahat ng pagsusumikap mo ay para rin naman sa kanila. Damay sa pagsusumikap at sakripisyong iyan ang bansang Pilipinas sa bawat sentimong naipapadala pabalik sa kanya at nagagamit sa komersiyo.😀
      Sa palagay ko, Dahn, sa bawat pakikipag-usap sa kabarkada at kababayan patungkol sa iyong mga karanasan sa loob ng pitong taon diyan sa Kuwait at mga pananaw sa buhay mula sa mga karanasang iyon ay nagsisilbing punla para sa pagbabago. Mas malaking hamon para sa mga andito sa Pilipinas kung makikinig at tatanggapin ang kaisipan o mungkahi patungkol sa pagbabago.
      Halimbawa, ang OFW ay natututong sumunod sa mga batas at alituntunin dahil alam niya na may karampatang parusa sa bawat paglabag. Kung kaya naman, maski maluwag ang pagpapatupad ng batas at panay reklamo ang mga tao sa Pilipinas, inaasahan ko na makikita sa gawi at asal ng OFW ang naranasan o natutunan sa ibang bansa. Nagiging huwaran at tutularan na siya ng iba.
      Hanga ako sa inyo at nawa’y pagpalain kayo, kasama ang inyong angkan, ng Poong Maykapal! Salamat at magandang araw.

      Reply
  3. walastik! nasa pambungad na pananalita pa pala ‘ko, kuya tarbs. haha! pero ‘yun nga, abroad mode pa rin talaga ‘ko ser. baka next year or next, next year resign na ‘ko tas abroad na. ganun talaga eh, kelangan ng kumikitang-kabuhayan. pero babalik pa rin naman ako.

    gusto kong isiping ang mga pilipinong nangingibang-bansa eh umaalis para kumita lang ng sapat na halagang maiuuwi sa pamilya pero ang puso at diwa, ang kaalaman at kakayahan, lahat ‘yan para pa rin sa bansang kinagisnan.

    mabuhay ka ser! congrats sa peba! \m/

    Reply
    • Nag-iwan talaga ng tatak sa isipan ko iyon! Ang ilan sa naibahagi sa itaas ay nagmula sa usapang lasing kasama ang aking mga kamag-aral sa hayskul, yung doktor at yung fire marshal!
      Alam mo namang suportado kita sa anumang maging plano mo. Andito lang ako.
      Congrats nga pala sa Uno. Masaya ako para sa inyo ni Dude. Tagayan na! 😀

      Reply
  4. magandang araw..
    andito ako para purihin ang napakahusay mong akda na nagpatagos ng naguumapaw na pagtitingkaya sa aking isipan…

    goodluck sa peba!

    Reply
  5. At syempre kasali ako sa pic LOL. Onga karamihan ng mga kakilala ko rin, pangarap makapag-abroad. Ako thankfully hindi ko pa naiisip gawin at baka matagal pa bago ako makaisip, or hindi ko na talaga balakin pa. Ang saya kaya dito sa Pilipinas LOL.

    Reply
    • Oo naman. Kasama ka talaga para sumoporta ka hahaha. Maraming salamat, Glenn. Ang saya talaga sa Pilipinas! LOL

      Reply
  6. naaliw ako basahin lahat ng sumali. nakakatuwa at nakakalungkot. Parang hindi ko kaya ang buhay ofw , mamatay ata ako sa pagkamiss sa pamilya…

    Reply
    • Maraming salamat sa pagsuporta sa PEBA, Chinchan. Nawa’y mapawi ng mga posts/entries ang kalungkutan at agam-agam ng mga OFW para muling bumalik sa Pilipinas o kung hindi man ay maghatid ng pagbabago sa ating bansa. Hanggang sa muli po.😀

      Reply
  7. Jenny-vi G.Sta.Inez

     /  November 4, 2011

    Magandang araw sayo batch,Isa rin po ako sa naging ofw ng ilang taon.nakapagtapos na guro pero mas pinili ko ang mangibang bansa sa hangad na magkaruon ng mas magandang buhay at maranasan din ang magkaruon ng masasabing pundar.Akala siguro ng marami na ang pangingibang bansa ay sobrang sarap ang buhay.pero hindi po,mahirap din,marami kang dapat baguhin at pag aralan,gaya na lng ng lengguahe at kultura ng bansa.Marami nagbabago kapag nakatungtong na sa ibang lupain,pero hindi maiaalis na sa bawat pilipino na umaalis ng bansa kadalasan ay nasasabik ding makauwi.Nasasabik na maranasan ang masasayang tradisyon, kung papaano ipagdiwang ang pasko at Bagong taon.Kahit gustuhin na manatili sa sariling bayan kung ang sinasahod naman ay di sumasapat para bumuhay ng pamilya ay maghahangad at maghahangad na makabalik parin sa ibang bansa na kung saan ay makakatanggap ng malaking sahod na sobra sobra sa pamilya.Ilan taon na rin po akong namamalagi dito sa Pinas,sa mga unang taon di ko pa ramdam ang hirap ng buhay.habang papatagal at nauubos na ang ipon,napag isip isip ko paring umalis ulit.Kahit ilang taon pa habang bata pa.Para nmn ihanda ang para sa kinabukasan ng aking anak na mag isa kong itinataguyod.Sasamantalahin ko lamang ang panahon habang may lakas na magtrabaho.Masarap parin pong mamuhay sa saring Bayan,at sana rin magampanan ko pa ang pagiging Pilipino na magsilbi naman sa Bayan para mas maipagmalaki pa ng nakakarami.

    Reply
    • Maraming salamat sa iyong pagpapaunlak na bumisita sa blogsite na ito at sa mungkahi kong bumoto sa entry sa itaas. Batay sa mga kuwento ng mga kakilala, kaibigan, kamag-anak, maging mga kliyente, masalimuot nga ang buhay ng OFW. Hindi biro ang mga naranasan ninyo kung kaya naman itinuturing kayong mga bagong bayani ng bansa.
      Pero hanggang kailan magpapatuloy ang paglabas-masok ng OFW sa bansa? Nagkakaedad na rin tayo at hindi tayo bata sa habampanahon… Hangad ko ang kasaganaan sa iyong mga gawain at kapanatagan sa buhay. Saludo ako sa inyo. Mabuhay!

      Reply
  8. cincodemayo

     /  November 5, 2011

    may umaalis, may nanatilli .. kanya kanyang rason kanya kanyang diskarte … nagpasya akong magbalik at maglingkod sa sariling bayan – dahil sa mabawbaw ba pagnanasang makapaglingkod sa mga kababayan, kung lahat aalis sino ang maiiwan? Ngunit nangati pa rin ang aking talampakan at nangibang bansa at nabighani sa ganda ng lugar, napag isip ko may dalawa akong anak mas maganda ang kinabukasan nila sa ibang bansa – hay ano kaya? Di ko alam.

    Reply
    • Wala namang tama o mali sa anumang magiging pasya. At kung anuman ang iyong desisyon, hangad ko ang iyong tagumpay.
      Isang mabigat na katotohanan na hindi kayang matustusan ng pamahalaan at ng mga namumuhunan ang pangangailangan ng lahat ng ating pwersang manggagawa. Dagdag pa rito ang bagal ng paglaki ng dagdag na benepisyo para sa kanila (minimal increments of incentives to the workforce). Ang kabaligtaran nito ang nang-aakit sa atin na tumungo sa ibang bansa.
      Hindi kita masisisi na maakit na magtungo sa ibang bansa at marahil nga’y tama ka na mas maganda ang kinabukasan ng pamilya mo sa ibang bansa. Gusto kong isipin na kahit anong mangyari, nanalaytay pa rin sa inyo ang dugong Pilipino at ipinagmamalaki ninyo ito. Balang-araw, babalik din naman kayo sa bansa at inyong maibabahagi ang lahat ng natutunan at naranasan sa ibang bansa. Nang sa gayon, mamumulat ang mga naiwan kung ano ang kaibahan natin sa ibang lahi, malalaman kung ano ang ating mga kahinaan at gagawin kung ano ang nararapat. Batay sa tema ng PEBA, ang bayaning OFW ang magiging gabay sa pagbabago tungo sa pag-unlad ng bansa!
      Maraming salamat, cincodemayo!😀

      Reply
      • cincodemayo

         /  November 6, 2011

        matagal na sana akon,g umalis kung ginusto ko hahahaha… mas magandang mangibang bansa kung mamasyal lang diva?

        Reply
        • Tama!😀 kaya lang masyado yatang mahal kung mamamasyal lang sa ibang bansa (matagal na rin naming plano ito ng aking mga kaopisina), malaking halaga ang kailangang iponin hehehe. Sa ganang akin, mas mainam siguro na kung may pagkakataon lang, sana makuha nating mamasyal sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Mapagkukumpara natin ang sarili sa kung anumang karangyaan o kakulangan sa buhay ng mga kabababayan natin.
          Sa loob at labas man ng bansa, bawat paglalakbay ay may pagmumulat ng pananaw, ng diwa at isipan…
          Magandang araw, cincodemayo!

          Reply
  9. ang daming familiar faces. ang di ko alam na face e yung face ni taribong.

    pasensya po di ko pa nababasa ng buo.

    Reply
    • taribong

       /  November 8, 2011

      haha Good luck po sa inyong manghula kung naandiyan nga ako… Maraming salamat, cheese. Balik ka, ha? 😀

      Reply
      • ayan binasa ko na ng buo.

        Game:

        Isa rin ako sa mga naghahangad ng marangyang buhay sa pamamagitan ng pag-alis sa bansa. pero hindi ko matatawag ang sarili ko na isang bayani sapagkat dahil sa paglisan na ito, ay bitbit ko ang pagkalumo sa estado ng ating bansa at maaaring ito rin ay isang hakbang upang maiwasan ang responsibilidad bilang isang pilipino. imbes kasi na harapin at tulungan ang bansa, pakiramdam ko iiwasan ko ito para sa sarili kong kapakanan. hindi ko sinasabing ganito ang mga OFW, para sa sarili ko lang pananaw ito. naaawa ako sa bansa naten pero wala akong makitang solusyon. sagad sa buto na ang korupsyon at panloloko. hindi lang pera ang habol ko sa ibang bansa kundi yung maayos na lipunan. alam ko walang perpekto at iba pa rin ang nasa sariling bayan. pero hindi mo mapipigilang magkumpara. bakit sa ganito libre ang pagaaral? bakit sa ganito libre ang edukasyon? bakit dito kakaunti ang krimen?

        nalayo ata ako sa punto ng post mo. hehehe.

        yun lang po bow.

        PS: ikaw ba yung katabi ni alex the gasoline dude? momel ba ang first name mo? joke.

        Reply
        • ang pag-aaral sa lipunang pilipino ay nagpapakita na umuulit ang bawat henerasyon sa proseso sa nakaraan; tila ba hindi na tayo natuto sa aralin ng kasaysayan…. marahil ang kakulangan sa atin ay ang malawakang panggigising sa kamalayang magpapaangat ng ating pagkabansa… Ang paglabas ng OFW sa bansa ay nagmumulat sa kanila na ihambing kung ano ang lakas ng mga banyaga at iyon ang magsisilbing inspirasyon upang iangat din ang sariling bansa, iyon sana ang magpapasibol na kaya ng Pilipino ang kaya ng banyaga. Kaya ring higitan ng Pilipino kung anuman ang narating nila. Ngunit ang pag-angat ng bansa ay hindi kakayanin ng iisa o ng iilan lamang; kaya rin naman siguro pero sa mahabang panahon! Huwag sana lang parating simula, ipagpatuloy natin ang pagbabago sa ating sarili, uusbong sa pamilya, kamag-anak, kaibigan, ka-trabaho, kapwa Pilipino. Maski hinay-hinay lang, makakarating din naman sa dulo!😀
          Sana!

          DS: Hindi po. Nasa kabilang dulo po ako (hanapin lamang ang berdeng bilog hehhehehe). Bong po ang first name ko hehehehe ( titik G po ang umpisa ng aking tunay na pangalan :D)

          Reply
  10. sa ngalan ng buwan at mga bituin, ayoko ring umalis hanggat maaari. kaso nga lang, sa pabago bagong panahon at hindi nagbabagong bigat ng responsibilidad na sulong ng bawat isa sa atin, walang makakapag sabi kung hanggang saan natin titiiisin ang piliin na naririto sa kabila ng kitang bahagya nang magpang-abot sa akinse at katapusan.

    katulad ng karamihan, positibo pa rin ako. isang araw, bitbit ng mga ofw ang kanilang mga naipon at natutunang karanasan at kasanayan, babalik sila para manatili, lumikha ng mas maraming trabaho para sa pilipino at saka baguhin ang kalakarang umiiral. kumbaga, yung alon ng pagbabago, guguhit mula sa ilalim paangat sa dulo ng tatsulok na lipunan.

    ganun ko siya gustong tignan. bow!

    Reply
  11. Sa sobrang haba nito tarbs, hanggang ngayon hindi ko pa natatapos basahin ‘to, nag-Like lang ako. Ngi!

    Reply
    • @duking @salbehe: Dito ako nag-comment para magkasunod pa rin ang ninyo. Basta!😀
      Nawala tuloy ako sa ita-tayp ko………………………………… bow! Ngi!
      (pramis, babalik uli ako……….)

      Reply
    • @Doc: Good luck din sa PEBA!!! Anggaling ng entry mo, na-extra pa ako hehehe. Saludo rin ako sa inspirasyon ng akda mong si Pong, sa lahat ng pinagdaanan niya sa ibang bansa. Hindi matatawaran ang kanyang tibay sa dibdib (at sa tibay din ng balat dahil sa naglalakihang surot hehehhehe). Mabuhay ang manggagawang Pilipino sa loob at labas ng Pilipinas!!!😀

      Reply
  12. gud luck po.. galing!

    Reply
  13. Tars Congrats sa iyong sinulat na ito.

    Malalim ang mensahe. Lahat din para sa akin ay bayani. Nasa Labas at loob ng Pilipinas na gumaganap ng kanyang tungkulin sa ikakabuti ng sarili, pamilya, at bayan.

    Pangarap ko ang bumalik balang-araw at i-share ang natutunan sa ibang bansa para sa ating sariling bayan.

    God Bless!

    Reply
    • Tats, maligayang bati po sa inyo. Kumusta na? Nami-miss ko po kayo….. Kailan po balik niyo? Pagbalik niyo po, gagawan ng paraan nina Kaye at Bong ang salu-salo (paging keekaye at bongkito hehehehhe).
      Maraming salamat po. Best regards po sa lahat diyan kina Angkel Sam. Ingat po lagi. God bless us all.😀

      Reply
      • Salamat Tars…baka matagalan pa ang pag-uwi. Balak ko ayusin na muna ang papeles ko ng citizenship dito para pwede na akong magtagal dyan sa atin. Salamat sa balakin na salo-salo.

        Palagay ko ay amoy Pasko na sa atin….nakakamiss…parang nung isang taon lang eh magkasama tayo at ngayon ay natapos na ang isang taon muli.

        Maligayang pasko sa iyo Tars at sa iyong pamilya!

        Reply
        • Kaybilis nga po ng panahon, Tats. Maligayang pasko po na muli sa inyo riyan sa Estados Unidos! Lumalamig na rin po ang simoy ng hangin kaya lang ay nag-uulan-ulan kaya parating basa ang paligid. Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansing tila may lamlam ang pagdiriwang ng kapaskuhan ngayong taong ito kumpara sa mga nakaraan….. Anu’t ano pa man, Maligayang pasko po sa ating lahat!!!!😀

          Reply
    • Maidagdag ko lamang (halaw mula sa isang pag-uusap ngayon lang….)
      ang mga namamasukan ay kabilang rin sa maituturing na tunay na bayani dahil bago pa man mapasakamay ang perang pinagpaguran kada kinsenas ay kinakaltas na ang buwis AGAD-AGAD bilang kanilang ambag para sa pagpapalakad sa ating bansa! (lakad lang, hindi takbo…. dapat ba gapang?) <== gusto kong magdagdag ng hehehehe pero hindi ko magawa……………O_o

      Reply
      • Kasama ako dyan Tars…sa binabawasan ng buwis kada kinsenas noon sa Pinas at tama ka yun ang nagpapaikot ng ating gobyerno…bayani rin ako….yehey!

        Reply
        • Opo, bayani rin po kayo. At ipinagmamalaki kong may kakilala akong bayani. Saludo po kami sa inyo. Mabuhay at sana’y dumami ang inyong angkan!😀

          Reply
  14. tsuri na at ngayon lang ako napadpad dito kahit na matagal ko ng niboto ang sinulat mo sa PEBA,hihihihi

    at talagang boto muna bago basa..at naekstra pa talaga kami,hihihihi! at natawa ako sa isang comment na napagkamalan kang si Momel,hihihi!

    balak ko ding umuwi sa pinas…pag natapos ko ang misyon ko sa ibang bansa….ang hanapin ang lalaking susuporta sa akin sa Pinas..ahahahaha!!

    Reply
    • taribong

       /  November 24, 2011

      Maraming salat, pOks! Kumusta na?!?!?! Hirap na hirap ka na yata diyan sa trabaho mo ngayon, ah! Naipaabot mo na ba kay Yaya slash amo ang pagbabawas ng madaming pinagagawa sa iyo? hehehhe Imbitahan mo sila na mamasyal muna sa Pilipinas kasama ang mga litol kids para makita naman nila ang Perlas ng Silangan….

      Boto maski hindi na basa! hehehe kung alam lang sana nila na 1/4 ako sa tangkad at 4x sa timbang ni Momel!!!

      Aabangan ko ang iyong muling pagdating! Dapat may dala kang pagbabago!! O kaya pasalubong na lang!!! haha

      Galingan mo parati at huwag magpapagod! Ingat lagi…😀

      Reply
  15. Gusto ko tuloy magsulat about my friends who are in other countries. ^>^ Some got married there and others found love that eluded them. Ako kaya mag-abroad di para makapagtaguyod ng family kundi para makahanap ng manfriend. ^.^ Joke.

    Pero it’s true, walang isang barkadang walang miyembro na minsan nang nagpunta sa ibang bansa. Naiisip ko tuloy dati pinapagawa ng “Reunion story” di ba? Siguro ang mga ganun ngayon ng mga high school at elementary graduates ay puno ng mga OFW.

    BTW, Congrats! I like your explanation for your blog name. ^.^

    Reply
    • taribong

       /  December 15, 2011

      Maraming, maraming salamat Pinaywriter! Isang malaking karangalan na nadalaw mo ang espasyong ito, isang maliit na pitak sa dambuhalang blogosperyo. 😀

      Ang akdang ito ay isang pagkilala sa ating mga kababayan na pumunta sa abroad, hindi upang maging bayani kundi bilang sakripisyo sa pamilya. Lihis man sa temang ito, hinangad ko ring mabigyang pansin ang pagpupunyagi ng mga manggagawang naririto sa bansa. Sino pa ba ang magiging bida sa akda kung hindi ang mga taong malalapit sa akin… bida siyempre ang mga OFW bloggers na nakasalamuha ko kamakailan lang… teka, halos mag-iisang taon na rin pala…😀

      Magsulat ka ng magsulat, Pinaywriter. Susundan kita (huwag ka sanang mabahala kung minsan ay hindi ako nag-iiwan ng bakas …) Hanggang sa muli at more power sa iyo at sa iyong blog.😀

      P.S. Tila nanunuot na sa akin ang tawag na taribong ng mga kakilalang bloggers….🙂

      Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: