Ang Maskara ni Batman

Nagpaalam si Lemuel sa ina para umihi sa palikuran ng Philippine General Hospital.

“Huwag ka lang lalayo at matatapos na rin kami sa pag-uusap ni Dr. Fuentes. Bumalik ka kaagad dito, ha? ” nag-aalalang wika ni Regina kay Lemuel. “Samuel, huwag ka nang sumama.” Baling nito sa mas nakababatang anak bago ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa plastic surgeon.

“Opo, nanay,” sagot ni Lemuel.

Nadaanan ni Lemuel ang isang batang pasilip-silip sa bintana ng hospital. Tinanaw ni Lemuel kung ano ang tinitingnan ng bata. Pinagmamasdan pala ng bata ang mga batang naglalaro sa may parking area ng hospital. Sa tantiya ni Lemuel, hindi nagkakalayo ang kanilang mga edad. Tuwing titingala ang mga batang nasa ibaba sa kanyang kinatatayuan, ikinukubli ng bata ang sarili sa pader. Iniiwasan niyang makita siya ng mga ito.

NANDOON PA RIN ang bata sa bintana nang pabalik na si Lemuel sa opisina ni Dr. Fuentes. Hindi natiis ni Lemuel na hindi mag-usisa.

“Bakit ka nagtatago? Ayaw mong bumaba at makipaglaro sa kanila?” tanong ni Lemuel sa bata.

Yumuko lang ang bata. Namula ang kanyang maamong mukha na pilit itinatago sa kanyang sa pagkakayuko at pagbaling sa dingding.

Ngunit halata ni Lemuel ang kapansanan ng bata. Pareho silang may facial cleft. Pero mas malala ang kondisyon ng bata, apektado ang kanan at kaliwang bahagi ng kanyang mukha. Halos nakaluwa na ang mga mata dahil sa facial defect.

Dinukot ni Lemuel ang nakatuping maskara sa likod ng kanyang pantalon. Iniabot niya ito sa bata.

“Heto na lang ang gamitin mo para hindi ka na pasilip-silip lang sa bintana. Kunwari, ikaw si Batman. Kilala mo ba si Batman?” tanong ni Lemuel.

Tumango-tango ang bata. Nahihiya nitong tinanggap ang maskarang itim..

“Gawa ko iyan,” pagmamalaki ni Lemuel. “Ako pala si Lemuel. Ano palang pangalan mo?”

“Jj—Janus,” mahinang sagot ng bata. Maayos ang kanyang pagsasalita kumpara sa ibang batang katulad nila. Madalas kasi ay ngongo ang batang may facial cleft.

“Ilang taon ka na? Ako, 10,” sabi ni Lemuel kay Janus.

“Pito.” Ipinakita ni Janus ang limang daliri sa kanang kamay at ang dalawa pang daliri sa kaliwa.

“Sige, Janus. Isuot mo na ang maskara para maging si Batman ka na. Kunwari nasa Gotham City ka, kita mo ang lahat ng mga nasa paligid mula rito sa taas. Mag-iiba na ang tingin sa iyo. Hihingi sa iyo ng tulong ang mga tao, lalo ang mga naapi. Ayos ba iyon?” muling tanong ni Lemuel.

“Oo. Ayos,” nahihiyang ngumiti si Janus. Hindi na siya nahihiya sa kanyang itsura dahil sa bigay ni Lemuel na maskara sa kanya.

SA HINDI KALAYUAN ay napagmasdan ni Regina ang buong pangyayari. Nasaksihan niya ang ginawa ni Lemuel. Masaya si Regina sa malaking pagbabago sa ugali ni Lemuel matapos siyang maoperahan ni Dr. Fuentes at malagyan ng titanium plates sa mukha. Sinabi ni Dr. Fuentes na oobserbahan pa ang paggaling ni Lemuel para malaman kung kakailanganin pa ang karagdagang operasyon para maiayos ang congenital defect ng bata.

“Kuyyyaaa,” tawag ni Samuel kay Lemuel.

Natigil si Lemuel sa pakikipag-usap kay Janus. Nagpaalam si Lemuel sa bagong kaibigan bago siya lumapit sa kanyang ina at kapatid.

“Kaibigan mo, Kuya?,” tanong ni Samuel kay Lemuel.

“Bagong kaibigan,” sagot ni Lemuel.

Lumakad si Samuel at kinalabit si Janus. Ibinigay ni Samuel ang hawak na fruit juice saka tumakbo pabalik kina Lemuel at Regina.

“Salamat,” pahabol na tawag ni Janus kay Samuel bago tuluyang itinuon ang pansin sa panonood ng mga batang naglalaro sa ibaba. Hindi na nagtatago sa pader si Janus dahil sa suot na maskara.

“O paano yan, wala ka nang juice?” tanong ni Regina kanyang limang taon gulang na anak.

“Hingi na lang po ako sa inyo. Love mo naman ako eh.” Sagot ni Samuel at saka niya itinaas ang dalawang kamay para magpabuhat sa ina.

“Mabigat ka na. Pagod si Nanay. Kay Kuya ka na lang magpabuhat.” sabi ni Regina sa anak.

“Kuya, pakarga,” paglalambing ni Samuel sa kanyang nakatatandang kapatid.
“Kuya, wala ka nang toy mask?” pahabol nitong tanong.

“Gagawa ulit tayo.” Sabi ni Lemuel, sabay buhat si Samuel sa kanyang likod.

Agad na hinalikan ni Samuel si Lemuel sa kaliwang pisngi kung saan hindi pantay ang kanyang mukha. Bago ang operasyon, hindi naipipikit ni Lemuel ang talukap ng kanyang kaliwang mata. “Thanks Kuya. Igawa mo din ako, ha?”

“Oo ba!” natatawang sabi ni Lemuel.

Hinaplos ni Regina ang likod ni Samuel, pagkatapos ay kumapit siya sa braso ni Lemuel. Lumalaki na nga sina Samuel at Lemuel. Parang kailan lang ay mga sanggol lamang ang mga ito.

Magaan ang pakiramdam na binaybay ng mag-iina ang pasilyo ng pagamutan.

2Itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad: Guro, sino ang nagkasala na ang lalaking ito ay ipanganak na bulag? Siya ba o ang kaniyang mga magulang?
3Sumagot si Jesus: Hindi ang lalaking ito o ang kaniyang mga magulang ang nagkasala. Ito ay nangyari upang ang mga gawa ng Diyos ay mahayag sa kaniya.
(Juan 9: 2-3)

Lahok sa Kategoryang Maikling Kwentong Pambata ng Saranggola Blog Awards 3

Next Post
Leave a comment

8 Comments

  1. ang bait ni lemuel at yung kabaitan niyang iyon ang magbibigay ng kahulugan kay janus para tignan ang buhay ng may makabagong mukha. hindi yung tumitingin lang sa panlabas na depekto at anyo.

    goodluck sa entry mo, sir tarbs.

    Reply
  2. ang swerte naman ni regina sa mga anak niya…

    Reply
    • Wensie

       /  November 7, 2011

      Maswerte c Regina sa mga anak nya at maswerte din nman cla Lemuel at Samuel dahil may nanay clang katulad ni Regina.Sabi nga nila,Kung ano yung puno eh yun din ang bunga…

      Reply
  3. salamat, gerald.

    Reply
  4. @duking, @ Joyo, @Wensie: Ang kuwento sa itaas ay halaw sa buhay ng isa kong kaibigan at kamag-aral sa kolehiyo. Nang isilang niya ang panganay niya, akala nila ay birthmark lang yung nasa mukha nung bata pero facial cleft pala. Hindi ko na masyadong inilarawan kung ano ang facial cleft dahil nung isinusulat ko ang kuwento para bang nadidiinan ang kapansanan. Mas ginusto ko na ang pokus ng kuwento ay mabaling sa mga tauhan: ang pagharap ni Lemuel sa kanyang kapansanan, ang pakikitungo niya sa iba, ang relasyon ng mag-iina sa isa’t isa. Ang layunin ng kuwento ay magbigay inspirasyon sa sinumang dumaranas ng parehong sitwasyon. Maraming, maraming salamat at hanggang sa muli!😀

    Reply
  5. kulit nung idea nung maskara ni batman.. hahaha!!! galing…

    Reply
  6. Wow. Naantig ako sa eksena kung saan ibinigay ni Lemuel ang kanyang maskara kay Janus. Napaka-simpleng gesture pero malaki ang epekto sa makakabasa. Congratulations!

    Reply
  1. Bugtong | [Same Shit, Different Day]

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: