patak

Sa pulutong ng mga nagsisiksikang taong nagmamadaling pumasok sa trabaho, eskuwelahan, o kung saanman sila patungo ngayong unang araw ng paggawa sa linggong ito, nagawa ko pang paikotin ang aking paningin sa loob ng tren upang piliting basahin ang mga tulang nakapaskil sa bubungan.  Hindi ko mawari kung sadyang ang mambabasang katulad ko ay pinapahirapan para matunghayan ang mga tula dahil pupuwede namang idikit ang mga karatula sa mga dingding o sa mga bintanang salamin na lamang.

Habang nakalaylay sa aking kanang balikat ang mabigat na attache bag, ang kanang kamay ay nakahawak sa handrail  at ang kaliwa nama’y hawak ang isang librong makapal at kulay-ubeng bimpong pamunas sa tumatagaktak ng pawis; napukaw ang aking pansin sa tulang nasa bandang likuran sa aking kaliwa mga isa’t-kalahating dipa sa aking kinatatayuan:

“Ulan nang ulan. Walang nangyayari.

Ibig sabihin, nangyayari ang wala.

Ang lakas ng ulan, talaga, ang sarap magpahinga.”

Natawa ako sa unang taludtod dahil makulimlim ang papawirin, nagbabadya na naman ng pag-ulan; at malakas din nga ang ulan kahapon, sinabayan pa ng nakakagulat na kidlat at kulog.  Napangiti ako sa pilosopong pangalawang taludtod– hindi nga nagiging balakid ang pag-ulan sa mga maaaring kaganapan, kung tutuusin, marami pa rin ngang nangyayari maski sa gitna ng rumaragasang pag-ulan (lalo na pag nasa silong!).

Bagama’t umaasa ako sa katotohanan ng pangatlong taludtod, hindi ako ganap na sumasang-ayon dito.  Sa ganang akin, kinakailangan pa ring gumawa kahit na sa kasagsagan ng ulan.  Sadya nga sigurong ganoon, sa sarili nating pasya.  Hindi tumitigil ang pag-ikot ng mundo para sa atin, magpapatuloy pa rin ito.

Huwag na sana tayong magtaka kung bakit panay ang ulan maski walang bagyo; ang intertropical convergence zone daw ang sanhi nito, dahil ang Pilipinas ay matatagpuan malapit sa equator kung saan nagsusugpong ang mga hanging nagmumula sa Northern at Southern Hemisphere na madalas ay nagtataglay ng mga kalupunan ng mga ulap na siyang nagdadala ng tubig-ulan na ibinubuhos sa kalupaan.   Katulad lang din siguro ng buhay, kailangang tanggapin na may mga dumarating na pagsubok, minsan ambon lang, minsan malakas ang buhos at aapaw pa ang baha; at pinagsisikapan nating makaalpas sa sitwasyon na iyon– sisilong saglit, papatilain ang ulan o kaya naman ay sasagupain pa rin ang ulan, may payong (o kapote?) man o wala.  Sa kabila nito, lilipas rin ang unos at huhupa rin pagbaha.  Ang mahalaga, higit sa lahat, buhay pa rin tayong nasisilayan ng araw!

Magandang araw sa ating lahat!!!!

Previous Post
Leave a comment

13 Comments

  1. kuya kim, isdachu?

    naka-jacket ako kanina. pero tagaktak sa pawis dahil punuan ang mga pukenginang lrt-ayala. magandang araw, kuya! \m/

    Reply
    • taribong

       /  August 22, 2011

      bwahahaha Agham Pandaigdig?!?! Pampagaan lang, kasi baka pati si Atlas hindi kayanin kapag mabigat ang post. Tagayan na!!!😀

      Reply
  2. Isang malaking TAMA! Magandang araw sa iyo.. ^-^V

    Reply
  3. Very nice and enlightening. At napaisip ako talaga dito sa post mo…akmang akma sa isang pangyayaring malapit sa puso ko.🙂

    Reply
    • Marahil nga’y nagiging mas malaman ang tula sa kanyang kapayakan. Ang simple ng tula, ginagawa kong komplikado hehehehe. Andami kong gustong isulat at talakayin ngunit masyadong mabigat (kaya kinailangan kong lagyan ng pampagaan, i.e. parang yung pampalutang sa mga sigay. :D).

      Siyanga pala, palaging nauunsiyami ang aking paglalagay ng komento sa bloghay mo lalo na doon sa posts tungkol kina Chris at Lon. Ipinagdarasal ko sila at ang lahat ng kanilang mahal sa buhay. Hindi ko man sila nakilala habang sila ay naririto, nakilala ko naman sila sa pamamagitan mo. Naikuwento ko na si Lon dito sa opisina noon pa. Naikuwento ko na rin ang tungkol kay Chris, halata bang malakas ang impact sa akin ng kuwento niya, higit pa noong mabasa ko ang mga sinulat ng mga pamilya, kaibigan, katrabaho niya sa kanyang FB page na ipinagpatuloy ng asawa niya. (Ang mga pangyayaring ito ay naihalintulad sa lakas ng buhos ng ulan atbp… habang binabasa ko ang tula.)

      Hanggang sa muli at maraming salamat. 😀

      Reply
      • salamat. sa pamamagitan ng pagkukuwento mo tungkol sa kanila, nabubuhay na patuloy ang kanilang alaala🙂

        actually, may sinulat pa akong isa pa, tungkol kay Benjie…personal ko siyang kakilala at ang nangyari sa kaniya ay tlagang nakapagpagulat sa aming lahat. close friend ko actually ang kanyang maybahay na si amy. hindi ko na lang naipost yung sinulat ko kasi nagkaron ng ibang mga pangyayari…

        Reply
  4. Kaya dapat laging magdala ng payong. Bow.

    Reply
  5. “Ang mahalaga, higit sa lahat, buhay pa rin tayong nasisilayan ng araw!”

    Amen Tars…tunay na tunay yan…marami na rin akong baha, bagyo, at ulan na sinuong sa buhay…madalas pagkatapos ng ulan ay lalabas na rin ang bahaghari…at pagkatapos ng bagyo ay muling magpapakita ang sikat ng araw.

    God Bless Tars!

    Reply
    • taribong

       /  August 29, 2011

      Maraming salamat po, Tats! God bless you always po. Maligayang bati na rin po sa lahat ng mga kababayan natin diyan sa inyo hehhehehehhe

      Reply
  6. sir tarbs, masarap kasi naman talagang magpahinga kapag umuulan. kumbaga, bilang mga nilalang ng sanlibutan, haha! natatawa ako sa comment ko hindi ko pa natatapos.

    naisip ko lang kasi na yung mga ibon, titigil sa paglipad kapag maulan. saan kaya sila nagpupunta? bumabalik sa pugad? sumisilong sa puno? ah basta.

    at para tapusin ang sarili kong komentong kanina ko pa tinatawanan, naisip ko bigla na hindi naman nga pala tayo ibon.

    pero saan nga ba sila nagpupunta kapag umuulan?

    Reply
    • taribong

       /  August 29, 2011

      sumisilong din po sila para hindi sila magkasakit! Ganon din po kasi ang ginagawa ng mga alaga naming pato, pabo, manok at kalapati noon hehhehe. Hindi man tayo ibon ay may ibon pa din naman hehehehhehe! Ayos!!!

      Reply

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: