SANA HUWAG MUNA MAGPASKO

“NANAY, maglalaro lang po kami ni Obet.” Paalam ni Pearl sa inang kasalukuyang nagkukusot ng labada.

“Matulog muna kayo.  Puro kayo laro.  Samahan niyo kaya sa loob si Ariel sa loob.” Pinawi ni Aling Perla ang namumuong pawis sa kanyang noo gamit ang kanang kamay.  Hindi niya inalintana ang mga naiwang bula ng sabon sa kanyang buhok.  Gabundok pa ang mga damit ng kapitbahay na kailangan niyang malabhan dahil maghahapon na.

“Sige na po. Kakadede lang ni Ariel, mahimbing na ang tulog. Di po kami lalayo.  Babalik din kami agad.”  Pakiusap ni Pearl sa ina.  Katatapos lamang nilang mag-igib ni Obet. Umaapaw ng tubig ang apat na balde sa tabi ni Aling Perla.

Tinignan ni Aling Perla ang anak.  “Basta huwag kayong lalayo.  Obet, tingnan mo si Pearl, ha? Huwag maging malikot.”

“Opo.”  Mabilis na sagot ni Obet.

“Salamat, ‘nay.  Tara, Obet.” Tuwang-tuwang hinatak ni Pearl si Obet papalabas ng kanilang bakuran.  Magkaklase silang dalawa sa Grade 4 pero mas matanda si Obet ng tatlong taon.  Pansamantalang natigil sa pag-aaral si Obet noong maulila sa ina.

TUMULOY ang dalawang bata kina Aling Charito na dinatnan nilang papatapos na sa pagluluto ng bananacue.

“Ninang, magtitinda po kami ni Obet.  Puwede po?”   Nakikininang lang si Pearl dahil si Ariel, ang bunsong kapatid, ang totoong inaanak ni Aling Charito.

“Hala, ang liit-liit mo pa.  Nagpaalam ka ba sa nanay mo?  Baka pagalitan ako ni Perla,” pag-aalala ni Aling Charito.

“Gusto ko lang po tumulong kina Nanay. Tsaka kasama ko po si Obet,” nakangiting pagsusuyo ni Pearl.

Hindi agad nakaimik si Aling Charito. “Marunong ka bang magbilang? Alam mo bang magsukli?  Baka wala kang ma-entrega sa akin, ha?”

“Si Pearl po, parating pers sa klase. Lalo na sa Math. Magaling kasi magturo ang titser naming si Mrs. Reyes,” pagbibida ni Obet.

“Sige na nga. Ilan ang kukunin ninyong paninda?” pag-ayon na lang ni Aling Charito.

“30 po.  Pwede po?,” pagbabaka-sakali ni Pearl.

“Sampu ang benta dito kada isa, ha?  May piso kayo sa bawat piraso.  O, magkano ang ibabalik niyo sa akin sa bawat pirasong maibenta ninyo?”

“9 po.” Halos magkasabay sumagot ang dalawa.

Natuwa si Aling Charito sa kanila. Bumilang siya ng 30 pirasong bananacue at maayos na iniligay sa maliit na bilaong dating napaglagyan ng nabiling pansit palabok.

“Eto. Magkanong mapagbebentahan ninyo sa 30 piraso?”

“300 pesos po.” Mabilis ang sagot ni Pearl. “270 po ang ibabalik namin. Yung 30 po sa amin, pag nabenta lahat.”

Natawa na lang si Aling Charito “Kita agad ang nasa isip mong bata ka. Magiging magaling kang negosyante balang-araw.”

“Maraming salamat po, Ninang. Babalik kami agad kapag nabenta na namin ito.” Pagpapaalam ni Pearl.

“Gusto pong maging doktor ni Pearl….”sabi ni Obet habang hinahabol ang paalis nang si Pearl, hawak ang bilaong tinakpan na malaking plastik sa ibabaw.

“Ingat ha. Huwag kayong lalayo. Maski di niyo mabenta lahat,” pahabol ni Aling Charito.

HINDI PA nakakalayo sina Pearl ay nakapagbenta na sila ng anim sa mga nakakasalubong na papunta sana kina Aling Charito.  Buti na lamang at puro barya ang pera ng mga bumibili.

Napadaan sila sa tapat ng bahay nina Sara na mag-isang naglalaro ng piko. Kinawayan ni Pearl si Sara.  “Bananacue,  gusto mo? Masarap. Matamis.  Bagong luto.”

Napalunok si Sara.  Halatang natakam noong makita sa bilao ang mga bananacue.  Tinawag ni Sara ang nanay na nakaupo sa panglimang baitang ng hagdanan; kinukutuhan nito ang isa pang babaeng nagkukuto rin sa isang maliit na batang babaeng may hawak na manika.  Apat na bananacue ang binili nila.

TATLONG KANTO ang nalagpasan nina Obet at Pearl na walang nabentahan nang marinig nila ang boses ni Aling Sita na sumisigaw ng mga bilang mula sa hawak na lalagyan.  Maraming taong nakapalibot, nag-aasam na matawag ang mga nakatatak sa mga hawak na papel.  Meron ding ilang babaeng may kandong na bata.

“Magandang hapon po,” bati ni Pearl sa mga tao habang si Obet ay nakatingin sa mga nakalatag na cards ni Aling Tasing na halos mapupuno ng mga batong nakapatong dito.

“Matalas na beinte-nuwebe” sigaw ni Aling Sita na nagpatalon kay Aling Tasing ng “Bingo, bingo, bingoooo”.

“Suwerte sa akin ang mga bagong dating.  O ano yang tinda niyo, bigyan mo ang lahat ng mga andito. Akong bahala.”  Sabi ni Aling Tasing na napabaling na sa tingin sa mga bananacue.

“Lahat po ba ito,” nakangising tanong ni Obet.

“Hindi. Kung ilan lang kami, masyado naman kayong swerte n’yan. Parang binawi nyo lang ang swerteng dala niyo.”

Parang nagpamudmod ng bananacue sina Pearl at Obet sa mga taong naroroon. “Fifteen po lahat” sabi ni Pearl kay Aling Tasing. “150 pesos po iyon. Sampu bawat isa.”

Gustong umatras ni Aling Tasing pero kahiyaan na lang.  Maski talunan ang mga kalaro ay masaya silang kumain ng libreng meryenda.  Buti na lang hindi na humirit ng dagdag na bananacue yung mga may hawak na bata. Sa wakas, napunan ang kanilang mga sikmura sa apat na oras na paglalaro ng bingo.

PAPALABAS na sila Pearl at Obet nang makasalubong nila si Mang Danny. Inalok nila ito ng bananacue.

“Tamang-tama bibili sana ako ng meryenda namin. Pagbilhan mo ako ng tatlo. Hindi ba’t ikaw ang anak nina Perla at Berting? Nasan pala ang tatay mo, di ba’t napasama siya sa mga nadamay sa welga sa may pabrika,” tuloy-tuloy na sabi ni Mang Danny.

“Opo.” Nahihiyang pag-amin ni Pearl.  Hindi niya malaman ang mararamdaman.  “Si Tatay po, na kina Mang Perding. Tumutulong po sa construction.”

“Asenso na talaga si Pedring, ah. Huwag mo nang i-plastic, diyan lang naman ako sa kabila,” sabi ni Mang Danny nang iabot ang bayad kay Pearl pagkakuha ng tatlong bananacue.  “Anak, pakisabi naman sa Tatay po na puntahan ako sa bahay.  Kailangan ko kasi ng tubero.”

“Opo. Salamat po,” magalang na sambit ni Pearl

NAKALAYO NA sila Pearl at Obet mula kina Mang Danny nung magsalita si Obet, “Tsismosong matanda, ano?”

“Hindi naman.  Nag-aalala rin siguro dahil madaming nadamay sa strike. Buti nga may ibibigay na trabaho kay Tatay.”

Tumahimik na lang si Obet.  Sadyang malawak ang pananaw ni Pearl sa buhay.  Parang matanda kung mag-isip.

“Lapit na lang kina Mang Perding.  Tara puntahan natin.”  Anyaya ni Pearl na binilisan ang paglalakad.

“Pearl, hintay.  May dalawa pang bananacue. Tig-isa na ba tayo dito?”

“Kay Tatay yung isang tuhog.  Tig-isang piraso na lang tayo dun sa isang tuhog.  Ok lang?”

“Sige, pero puwede kainin na natin?  Nakakapagod eh.”

SUMILONG ang dalawang bata sa ilalim ng punong manggang nakausli sa sementadong pader para makapagpahinga.  Sinimulan nilang kainin ang tig-isang pirasong matamis na saging.

“Alam mo, Obet, gusto rin siguro nitong punong mangga na magsilbing silungan ng mga taong nagdadaan dito.  Yung parang ayaw niyang sa bakanteng lote lang siya dahil walang nakikinabang sa kanya.”

“Oo nga, ano? Natutuwa rin kaya siya kung ang mga tao ay nag-uunahan sa pagsungkit ng kanyang mga bunga?  Binabato kasi ang mga kumpol ng bunga para maglaglagan.  Teka, may pakiramdam ba ang mga puno?”

“Oo naman. Hindi lang sila nagsasalita.  Subukan mong tagain ang sanga, di ba’t umiiyak na rin siya?”

“Ay, hindi po.  Dugo kaya niya yon.  Kaya nga doon sa sugat lumalabas eh.”  Nilulon na rin ni Obet ang huling piraso ng kanyang kanina pang nginunguyang bananacue.

“O bakit? Saan ba ang mata ng mangga?” Nangingiting bulalas ni Pearl.  “Tara na nga kina Tatay para maibigay ko na itong bananacue niya.  Makiinom na rin tayo dun.” Tumayo si Obet sa kinauupuan at binitbit ang maliit na bilaong kanina lang ay naglalaman ng tatlumpong pirasong bananacue.

“MAGANDANG HAPON po.  Andito po si Tatay?” tanong ni Pearl sa mamang naghahalo ng buhangin at semento dun kina Mang Perding.

“Berting, hinahanap ka ng anak mo,” sigaw nung mama sa kinaroroonan ng tatay ni Pearl. “Ano yan, tinda niyo?  Meron pa?” tanong nung mama kay Pearl.

“Ah wala na po. Kay Tatay po ito.”

Bumaba si Berting mula sa pangalawang palapag at lumapit kina Pearl.

“Anak, bakit kayo andito? Kasama niyo Nanay mo?”

“Hindi po.  Ibibigay lang po sana namin sa inyo ito.  Meryenda po.”

“Salamat anak.  Nag-abala pa kayo.”

“Tatay, sabi po pala ni Mang Danny, dumaan daw po kayo sa kanila. Kailangan daw po niya ng tubero. Tatay, pwede po makiinom?  Uhaw na kami ni Obet” tuloy-tuloy na sabi ni Pearl bago pa man mag-usisa ang ama.

Sinamahan ni Mang Berting ang anak at si Obet dun sa may malaking lalagyan ng tubig.  Nasarapan sa pag-inom ng malamig na tubig ang dalawang bata.  Pagkatapos makainom ay nagpaalam na sila.  Nag-abot si Mang Berting ng pera kay Pearl, “Ibigay mo kay Nanay, pambili ng bigas.”

HABANG PAPAUWI, nakarinig sina Pearl ng awiting pamasko mula sa nadaraanang bahay.  Patapos pa lang ng Setyembre pero nagpatutugtog na ng Christmas carols.

Tahimik na naglalakad ang dalawa.  Medyo malayo na rin ang nilakad nila nang magsalita si Pearl.

“Obet, ayoko munang magpasko.  Sana huwag muna magpasko.”

“Bakit naman? Masaya kaya ang pasko. ..”

“Eh.  Masyado ko lang nakikita ang kahirapan namin.  Parang ang pasko para sa mayaman lang.”

“Hala, grabe ka naman.  Eh, ba’t kami ni Lola, maski kaming dalawa na lang, naghahanda pa rin. Hindi naman kami mayaman.”

“Mayaman nga kayo eh. May pension si lola mo, di ba? Maski di magtrabaho, may pera kayong tinatanggap.  Sina tatay at nanay, kailangang magtrabaho pareho.  Hirap talaga. Hindi ako nagrereklamo, pero ewan.”

“May handa kaya kayo noong nakaraan.  Di ba, nakikain pa nga ako.”

“Oo, sarap ng sopas gawa ni Nanay.  Tsiken na tsiken. Buti meron pang pera si Tatay noon. Dahil katatapos lang ng Ondoy.  Kaya balak ko sanang  makaipon.”

“Kaya ka ba nagbalak magbenta ng bananacue?”

“Oo.  Siyanga pala, sa iyo na lang yung maiiwang pera sa atin.  Kasi sa akin na lang yung dinala natin kay Tatay.”

HINDI NAMALAYAN ng dalawang bata na nakarating na sila kina Aling Charito.

“Ambilis ninyo ah!  Ubos agad.”

“Swerte po dahil pinakyaw ng mga nagbi-bingo yung tinda namin ni Pearl. Eto po ang napagbentahan namin.”  Iniabot ni Obet kay Aling Charito ang lahat ng pera.

“Magkano ito?”

“280 pesos po, ninang. Binigay po kasi namin kay Tatay yung isa at yung isa kinain po namin ni Obet.  Kaya, 10 lang po ang kita namin”

“Haha. Oo, anak.  Hala, wala kayong maiuuwi kay Perla.  Dalhin niyo na lang ito, pasalubong.” Iniabot ni Aling Charito ang isang tuhog na bananacue na isinilid sa isang cellophane at ang kitang P10.00 kay Pearl.  Masayang nagpasalamat sina Obet at Pearl.

HABANG PAPAUWI sila, binibigay ni Pearl kay Obet ang kanilang kita pero ayaw nitong tanggapin.

“Sapat na sa akin ang kasama kita palagi.” Matamis ang ngiti ni Obet.

“Ang epal mo talaga.”

“Pearl, ang bunganga mo. Narinig ko  iyon.” Pabulyaw na sabi ni Aling Perla na nagsasampay na ng mga nilabhan.

“Nanay kasi si Obet kung ano-ano ang sinasabi. “

“Obet, ikaw din.  Ambata-bata niyo pa.”

“Totoo naman po kasi yung sinabi ko.”

“Sige na, sige na.  Pati ako idadamay mo akong bata ka.”

“Nanay, bigay po pala ni Ninang Charito.  Tapos, heto po yung bigay ni Tatay pambili daw po ng bigas.”

“Obet, samahan mo nga si Pearl bumili ng bigas.  Mabait talaga yang si Charito.  Nag-abala pa siya.”

“Opo.”

LUMABAS ulit ang dalawang bata para bumili ng bigas.  Ayaw talagang tanggapin ni Obet ang perang kanilang kinita sa pagtitinda ng bananacue, kay Pearl na lang daw iyon.

Iiponin ni Pearl ang sampung piso. Sana lang madadagdagan pa iyon bago sumapit ang pasko.  Iniisip ni Pearl na bumili ng aalagaang sisiw.  Kapag lumaki iyon at naging matabang manok, mayroon na silang ihahanda sa Pasko.  Sa ngayon, ayaw muna niyang magpasko.

 www.altavistadeboracay.com.ph

Previous Post
Leave a comment

19 Comments

  1. base muna ako sa entry mo.. basa mode..

    Reply
    • base ka ulit!?! hehehe sayang hindi mo nakuha ang limang first bases, Bingo ka na sana! Di bale, may mga tsansa pa sa susunod na mga posts hehehe \:D/

      Reply
  2. hay… puro sad entry nga ang saranggola blog awards..

    sobrang pinalikot ng kwento mo ang utak ko. kung ano ano ang inisip kong ending. hehehe.

    naramdaman ko ang pagmamahal ni pearl sa mga magulang niya at naramdaman ko din ang pagmamahal ni obet kay pearl.

    ayaw niyang magpasko? ganito din ang naramdaman ko ng unang taon na di namin kasama si Papa. hayss

    Ang galing taribong… Sana makilala kita sa blog awards. kausapin mo ako doon ha..

    Reply
    • naks! hehehe sana magustuhan din ng inampalan ang takbo ng kuwento \:D/

      sure! walang problema! kitakits!😀

      Reply
  3. pag iniisip ko ang gastos, minsan parang ayoko rin munang mag pasko..wahahahaha, ang gastos, dalawa pa lang ang inaanak ko, pero ang mga kapatid ko bawat isa pwede ng ihalintulad sa sampung inaanak.

    pero yong panahon ng pasko, kahit yata walang handa gugustuhin ko parin, kasi lahat yata ng tao nakangiti, lahat nag-aabang na parang mga bata, andun yong pakiramdam na masaya ka sa di malamang dahilan.

    Reply
    • gusto kung intrigahin si Obet at pearl, naks! ang bata pa 10 yrs old at 13, tama ba?
      pero kinilig ako sa part na sinabi ni obet
      “Sapat na sa akin ang kasama kita palagi.”—-naks! humihirit..wahahaha

      Reply
    • madaming katangian si pearl na mas higit sa kanyang mga ka-edad o maski sa mga mas matanda sa kanya, dulot na rin siguro ito ng kanyang kapaligiran, ng pagmamasid at sariling karanasan😀

      Reply
  4. toni

     /  October 15, 2010

    sa murang edad umuusbong na ang pagkamasikap.
    ang mga katulad nila ay malayong makaranas ng gutom o hirap.

    Reply
    • tama ka, adingko! (sana, magsulat ka na rin para dadami ang aabangan kong posts hehehehe)

      maraming salamat!😀

      hanggang sa muli!

      Reply
  5. Ang haba. Nice post na lang.😛

    Reply
  6. Nakakapag papangiti ito.Ang ganda ng istorya.Paniguradong may kaabang abang na mangyayari kung sisipagin ka pang ibahagi ang mga susunod sa kabanata ng buhay ni pearl at obet.

    Reply
    • haha maraming salamat, Haring Doc!

      Abangan ang susunod na kabanata sa buhay nina Pearl at Obet!😀 (sana lang payagan nila akong ibahagi iyon haha)

      Reply
  7. ang ganda naman ng kwento! hays!

    Reply
    • With all humility, thank you very much! I greatly appreciate it especially because it came from a PEBA 2009 awardee and PEBA 2010 judge.😀

      >>ah eh wala po ba kayong pasalubong na dates mula sa Kaharian ng mga Saud sa Arabia?!? :))

      Reply
  8. Nahuhuli na ako.

    Nong hindi ko pa nakikita yong logo ng SBA, iniisip ko, pwede nang pang-Palanca. Totoo, kailangan lang sigurong pakinisin, lapatan ng tamang karakter yong mga bida..pasok na pasok na.

    So much for that.

    Nakita ko kay Pearl ang kaseryosohan at pag-asa sa kabila ng kaniyang murang edad. Ang pangyayari ay siya namang salamin ng mga mahihirap na kababayan natin (kasama ako diyan) na sa munting ligaya dulot ng pag-asa at pagbibigay pag-asa, may pasko pa rin, kahit ang iba..hindi nakikita ang kahalagahan nito.

    Kamusta ka?🙂

    Reply
  1. Ako naman ang magsusulat… « HIBANG {tagni-tagning ideya}

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: